2 Corinto 4
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik
4 Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. 2 Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.
3 Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. 4 Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. 5 Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat(A) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.
7 Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. 8 Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.
13 Sinasabi(B) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.