2 Corinto 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Kayamanan sa Palayok
4 Dahil sa awa ng Dios, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan sa pagpapawalang-sala sa mga tao, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Dios. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Dios, at malinis ang aming konsensya sa harap ng tao. 3 Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak. 4 Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito.[a] Binulag niya sila para hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Cristo, na siyang larawan ng Dios. 5 Hindi namin ipinangangaral ang aming mga sarili kundi si Jesu-Cristo, na siyang Panginoon. Naglilingkod kami sa inyo dahil kay Jesus. 6 Sapagkat ang Dios na nagsabing, “Magkaroon ng liwanag sa kadiliman,” ang siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Dios na nahayag kay Jesu-Cristo.
7 Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin. 8 Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay. 10 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus. 11 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan, makita ng lahat ang buhay ni Jesus. 12 Maaaring mamatay kami dahil sa aming pangangaral, pero ito naman ang nagdudulot sa inyo ng buhay na walang hanggan.
13 Sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako.”[b] Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami. 14 Sapagkat alam namin na ang Dios na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Jesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng paghihirap namin ay para sa inyong ikabubuti, para lalo pang dumami ang tumanggap ng biyaya ng Dios. At habang dumarami ang tumatanggap ng biyaya ng Dios, dumarami rin ang nagpapasalamat sa kanya. At dahil dito ay mapupuri siya.
16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. 18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®