2 Corinto 3
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Ipinapahayag (A) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. 5 Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. 6 Ginawa (B) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
7 Ngayon, (C) kung ang paglilingkod[a] na may dalang kamatayan na nakasulat at nakaukit sa mga bato ay dumating na may kaluwalhatian, anupa't ang mga Israelita ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito, bagama't ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, 8 di ba't magtataglay ng higit na kaluwalhatian ang paglilingkod na dala ng Espiritu? 9 Kung ang paglilingkod na may dalang kahatulan ay maluwalhati, lalong maluwalhati ang paglilingkod na may dalang katuwiran. 10 Sapagkat sa ganitong kalagayan, ang dating maluwalhati ay wala na ngayong kaluwalhatian, dahil doon sa may higit na kaluwalhatian. 11 At kung ang lumilipas ay dumating na may kaluwalhatian, ang nananatili ay lalong may kaluwalhatian.
12 Kaya't yamang taglay namin ang gayong pag-asa, napakalakas ng loob namin sa pagsasalita. 13 Hindi kami (D) katulad ni Moises, na nagtakip ng kanyang mukha upang hindi makatitig ang mga Israelita sa pagtatapos ng kaluwalhatiang naglalaho. 14 Ngunit nakasara ang kanilang mga pag-iisip, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay naroroon pa rin, sapagkat sa pamamagitan lamang ni Cristo ito maaalis. 15 At hanggang ngayon, tuwing binabasa ang Kautusan ni Moises,[b] may talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Gayunman, (E) kapag ang isang tao ay lumalapit sa Panginoon, naaalis ang talukbong na iyon. 17 Ngayon, ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, parang sa salamin nakikita sa pamamagitan natin ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binabago ang ating anyo upang maging kalarawan niya, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, na nagmumula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Footnotes
- 2 Corinto 3:7 ++ 7, 8, 9 o ministeryo.
- 2 Corinto 3:15 ang Kautusan ni Moises: Sa Griyego, si Moises.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.