Add parallel Print Page Options

Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na (A)hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan.

(B)Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko?

At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay (C)huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat.

Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; (D)hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo.

Datapuwa't (E)kung ang sinoman ay nakapagpalumbay, hindi ako ang pinalumbay niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat (upang huwag kong higpitang totoo).

Sukat na sa gayon ang kaparusahang ito na ipinarusa (F)ng marami;

(G)Upang bagkus ninyong patawarin siya at aliwin siya, baka sa anomang paraan ay madaig ang gayon ng kaniyang malabis na kalumbayan.

Dahil dito'y ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pagibig sa kaniya.

Sapagka't dahil din sa bagay na ito ay sumulat ako, upang aking makilala ang katunayan tungkol sa inyo, kung kayo'y mga (H)matalimahin sa lahat ng mga bagay.

10 Datapuwa't ang (I)inyong pinatatawad ng anoman ay pinatatawad ko rin naman: sapagka't ang aking ipinatawad naman, kung ako'y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo;

11 Upang huwag kaming malamangan ni (J)Satanas: sapagka't kami ay (K)hindi hangal sa kaniyang mga lalang.

12 Nang ako'y (L)dumating nga sa Troas dahil sa evangelio ni Cristo, at nang mabuksan sa akin ang isang (M)pinto sa Panginoon,

13 Ay hindi ako nagkaroon ng (N)katiwasayan sa aking espiritu, sapagka't hindi ko nasumpungan si Tito na kapatid ko: datapuwa't pagkapagpaalam ko sa kanila, (O)ako'y napasa Macedonia.

14 Datapuwa't salamat sa Dios, na laging (P)pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag (Q)ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako.

15 Sapagka't (R)sa mga inililigtas, at (S)sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios;

16 Sa isa ay samyo (T)mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat (U)sa mga bagay na ito?

17 Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa (V)pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo.

Nagpasya ako na hindi na ako muling dadalaw sa inyo nang may kalungkutan. Sapagkat kung palulungkutin ko kayo, sino ang magpapasaya sa akin, kundi kayo na pinalungkot ko? Kaya't sumulat ako sa inyo, upang pagdating ko ay hindi ako palungkutin ng mga taong dapat ay magpapasaya sa akin. May tiwala ako sa inyong lahat na masaya kayo kung masaya ako. Sumulat ako sa inyo sa gitna ng matinding paghihirap ng kalooban at pangamba ng puso at kasabay ng maraming pagluha, hindi upang kayo'y palungkutin kundi upang malaman ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ko sa inyo.

Pagpapatawad sa Nagkasala

Subalit kung may taong naging sanhi ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa katunayan ay kayong lahat—sinasabi ko ito sa paraang hindi kayo masyadong masasaktan. Sapat na para sa taong iyon ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami. Sa halip, patawarin ninyo siya at aliwin, upang hindi siya madaig ng labis na kalungkutan. Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sumulat ako: upang subukin ko at alamin kung kayo nga'y masunurin sa lahat ng mga bagay. 10 Ang sinumang pinapatawad ninyo ay pinapatawad ko rin. Kung may dapat patawarin ay pinatawad ko na, alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, 11 upang hindi tayo madaya ni Satanas. Sapagkat alam na alam natin ang kanyang mga binabalak.

Pangamba ni Pablo sa Troas

12 Pagdating (A) ko sa Troas, may pintuang binuksan para sa akin ang Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi mapalagay ang aking kalooban, sapagkat hindi ko natagpuan doon ang aking kapatid na si Tito. Kaya't ako'y nagpaalam sa mga kapatid doon at tumuloy sa Macedonia.

14 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay nagpapalaganap ng samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. 15 Sapagkat kami ang halimuyak ng handog ni Cristo sa Diyos, na nalalanghap ng mga inililigtas at ng mga napapahamak. 16 Para sa isa kami ay halimuyak ng kamatayan na nagdudulot ng kamatayan; at sa isa naman ay halimuyak ng buhay na nagdudulot ng buhay. Sino ang sapat para sa gawaing ito? 17 Sapagkat hindi kami katulad ng marami na gumagamit ng salita ng Diyos para sa sariling pakinabang, kundi bilang mga tapat na sugo ng Diyos, ay nagsasalita kami para kay Cristo sa paningin ng Diyos.

Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.

Patawarin ang Nagkasala

Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.

Si Pablo sa Troas

12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.