2 Corinto 10
Ang Biblia, 2001
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Kanyang Ministeryo
10 Ako mismong si Pablo, ay nananawagan sa inyo sa pamamagitan ng kapakumbabaan at kaamuan ni Cristo, ako na sa mukhaan ay mapagkumbaba kapag kasama ninyo, ngunit matapang sa inyo kapag malayo!
2 Ngayon, hinihiling ko na kapag ako'y kaharap, hindi ko kailangang magpakita ng tapang na may pagtitiwala na nais kong ipakita laban sa mga naghihinalang kami ay lumalakad ayon sa makasanlibutang gawi.
3 Sapagkat bagaman kami ay lumalakad sa laman, ay hindi kami nakikipaglabang ayon sa laman.
4 Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikipaglaban ay hindi makalaman, kundi maka-Diyos na may kapangyarihang makagiba ng mga kuta.
5 Aming ginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat palalong hadlang laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo;
6 na handang parusahan ang bawat pagsuway, kapag ang inyong pagsunod ay ganap na.
7 Masdan ninyo ang mga bagay na nasa harapan ng inyong mga mata. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, paalalahanan niyang muli ang kanyang sarili na kung paanong siya'y kay Cristo, kami ay gayundin.
8 Sapagkat bagaman ako ay nagmamalaki ng labis tungkol sa aming kapamahalaan na ibinigay ng Panginoon upang kayo ay patatagin at hindi upang kayo ay gibain, ako ay hindi mapapahiya,
9 upang huwag akong parang nananakot sa inyo sa pamamagitan ng aking mga sulat.
10 Sapagkat sinasabi nila, “Ang kanyang mga sulat ay mabibigat at matitindi; subalit ang anyo ng kanyang katawan ay mahina, at ang kanyang pananalita ay walang kabuluhan.”
11 Hayaang isipin ng gayong tao na kung ano ang aming sinasabi sa pamamagitan ng mga sulat kapag kami ay wala, ay gayundin ang aming ginagawa kapag kami ay nakaharap.
12 Hindi kami nangangahas na ibilang o ihambing ang aming sarili sa ilan sa mga nagmamalaki sa kanilang sarili. Subalit silang sumusukat sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at inihahambing ang kanilang sarili sa isa't isa, sila ay hindi nakakaunawa.
13 Subalit hindi kami magmamalaki ng lampas sa sukatan, kundi ayon sa hangganan ng panukat na itinakda ng Diyos sa amin, upang umabot hanggang sa inyo.
14 Sapagkat hindi kami lumampas sa aming hangganan nang kami'y dumating sa inyo. Kami ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo.
15 Hindi kami nagmamalaki nang lampas sa sukat, samakatuwid ay sa pinagpaguran ng iba, subalit ang aming pag-asa ay habang ang inyong pananampalataya ay lumalago, ang aming saklaw sa inyo ay lumawak nawa,
16 upang aming maipangaral ang ebanghelyo sa mga lupain sa dako pa roon ng lupain ninyo, na hindi nagmamalaki sa mga gawang natapos na sa nasasakupan ng iba.
17 “Ngunit(A) siyang nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon.”
18 Sapagkat hindi ang pumupuri sa kanyang sarili ang tinatanggap, kundi siya na pinupuri ng Panginoon.
2 Corinto 10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Ako mismong si Pablo, ay nakikiusap sa inyo, sa ngalan ng kababaang-loob at kahinahunan ni Cristo—akong sinasabing mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo, ngunit matapang kapag wala sa harap ninyo! 2 Hinihiling ko na kapag ako'y nariyan na sa inyo, hindi ko na kailangang maging matapang gaya ng alam kong kaya kong gawin laban sa ibang taong nag-aakalang kami ay lumalakad ayon sa pamantayan ng tao. 3 Sapagkat bagaman kami ay nabubuhay pa sa katawang tao, ang pakikipaglaban namin ay hindi ayon sa pamantayan ng tao. 4 Sapagkat hindi galing sa tao ang mga sandatang ginagamit namin sa pakikipaglaban, kundi galing sa Diyos, na may kapangyarihang magwasak kahit ng mga kuta. 5 Ibinabagsak namin ang mga pangangatwiran at anumang kapalaluan na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag namin ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo. 6 At kapag ganap na ang inyong pagsunod, nakahanda na rin kaming magparusa sa bawat pagsuway.
7 Ang panlabas na anyo lamang ang tinitingnan ninyo. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, isipin niyang muli na kung siya'y kay Cristo ay gayundin naman kami. 8 Sapagkat kung labis ko mang ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Panginoon para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikawawasak, hindi ko iyon ikahihiya. 9 Ayaw kong lumabas na tinatakot ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat ko. 10 Sapagkat may nagsasabi, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga sulat, ngunit mahina naman siya kapag kaharap, at walang kuwenta ang sinasabi.” 11 Dapat isipin ng ganoong tao na kung ano kami sa aming mga sulat kapag kami'y wala riyan, ganoon din kami sa gawa kapag kami ay nariyan.
12 Wala kaming lakas ng loob na isama o ihambing ang aming sarili sa mga taong napakataas ng tingin sa kanilang sarili. Ngunit kung sinusukat nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at sa kani-kanila ring sarili inihahambing ang mga sarili, sila ay salat sa pang-unawa. 13 Ngunit hindi kami magmamalaki ng lampas sa saklaw, kundi sa loob lamang ng sukat ng pamantayang ibinahagi ng Diyos sa amin, at kayo ay saklaw niyon. 14 Sapagkat hindi namin inilalampas ang aming mga sarili, na para bang hindi namin kayo naabot. Kami nga ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa sukat sa pamamagitan ng pagmamalaki namin sa pinagpaguran ng iba. Umaasa kami na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ang nasasaklaw namin sa inyo ay lalong lalawak, 16 upang maipahayag namin ang Magandang Balita sa mga lupaing lampas pa sa inyo, sa gayo'y hindi namin ipagmamalaki ang gawaing natapos na sa nasasakupan ng iba. 17 Ngunit, “Siyang (A) nagmamalaki ay Panginoon ang ipagmalaki.” 18 Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang kapuri-puri, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
2 Corinto 10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Sagot ni Pablo sa mga Kumakalaban sa Kanya
10 1-2 Mayroong mga nagsasabi sa inyo na akong si Pablo ay matapang lamang sa sulat pero maamo kapag harap-harapan. Nakikiusap ako sa inyo nang may kababaang-loob tulad ni Cristo, na huwag sana ninyo akong piliting magpakita ng tapang pagdating ko riyan. Sapagkat handa kong harapin ang nagsasabi sa inyo na makamundo raw ang pamumuhay namin. 3 Kahit na namumuhay kami rito sa mundo, hindi kami nakikipaglaban sa mga kumokontra sa katotohanan nang ayon sa pamamaraan ng mundo. 4-5 Sa halip, ang kapangyarihan ng Dios ang aming armas. Iyon ang aming ginagamit na panlaban sa mga maling pangangatwiran ng mga taong mapagmataas at ayaw maniwala sa mga turo ng Dios. Sinisira namin ang kanilang maling pangangatwiran na tulad ng matibay na pader na humahadlang sa kanila na makilala ang Dios. Kinukumbinsi namin silang sundin ang mga utos ni Cristo. 6 At kung matiyak naming lubos na kayong masunurin, handa na kaming parusahan ang lahat ng suwail.
7 Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. 8 Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. 9 Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.
12 Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga iba na mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13 Pero kami ay hindi nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Dios, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14 Kung hindi kami nakarating diyan, pwede nilang sabihin na labis ang aming pagmamalaki. Pero ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kami na sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Dios. 16 Pagkatapos, maipangangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ipagmalaki na lang niya kung ano ang ginawa ng Panginoon.” 18 Sapagkat nalulugod ang Panginoon sa taong kanyang pinupuri at hindi sa taong pumupuri sa sarili.
2 Corinthians 10
New International Version
Paul’s Defense of His Ministry
10 By the humility and gentleness(A) of Christ, I appeal to you—I, Paul,(B) who am “timid” when face to face with you, but “bold” toward you when away! 2 I beg you that when I come I may not have to be as bold(C) as I expect to be toward some people who think that we live by the standards of this world.(D) 3 For though we live in the world, we do not wage war as the world does.(E) 4 The weapons we fight with(F) are not the weapons of the world. On the contrary, they have divine power(G) to demolish strongholds.(H) 5 We demolish arguments and every pretension that sets itself up against the knowledge of God,(I) and we take captive every thought to make it obedient(J) to Christ. 6 And we will be ready to punish every act of disobedience, once your obedience is complete.(K)
7 You are judging by appearances.[a](L) If anyone is confident that they belong to Christ,(M) they should consider again that we belong to Christ just as much as they do.(N) 8 So even if I boast somewhat freely about the authority the Lord gave us(O) for building you up rather than tearing you down,(P) I will not be ashamed of it. 9 I do not want to seem to be trying to frighten you with my letters. 10 For some say, “His letters are weighty and forceful, but in person he is unimpressive(Q) and his speaking amounts to nothing.”(R) 11 Such people should realize that what we are in our letters when we are absent, we will be in our actions when we are present.
12 We do not dare to classify or compare ourselves with some who commend themselves.(S) When they measure themselves by themselves and compare themselves with themselves, they are not wise. 13 We, however, will not boast beyond proper limits, but will confine our boasting to the sphere of service God himself has assigned to us,(T) a sphere that also includes you. 14 We are not going too far in our boasting, as would be the case if we had not come to you, for we did get as far as you(U) with the gospel of Christ.(V) 15 Neither do we go beyond our limits(W) by boasting of work done by others.(X) Our hope is that, as your faith continues to grow,(Y) our sphere of activity among you will greatly expand, 16 so that we can preach the gospel(Z) in the regions beyond you.(AA) For we do not want to boast about work already done in someone else’s territory. 17 But, “Let the one who boasts boast in the Lord.”[b](AB) 18 For it is not the one who commends himself(AC) who is approved, but the one whom the Lord commends.(AD)
Footnotes
- 2 Corinthians 10:7 Or Look at the obvious facts
- 2 Corinthians 10:17 Jer. 9:24
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.