Add parallel Print Page Options

Babala tungkol sa Pagtalikod

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng iba ang pananampalataya at susunod sa mga mapanlinlang na espiritu at mga turo ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito ay pinalalaganap ng mga taong mapagkunwari, sinungaling at may manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa, gayundin ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang tanggaping may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakauunawa ng katotohanan. Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat tanggihan, sa halip ay dapat tanggapin na may pasasalamat, dahil ito ay nagiging malinis sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo nang malinaw ang mga ito sa mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Cristo Jesus, isang tagapaglingkod na patuloy na sinasanay sa katuruan ng pananampalataya at mabuting aral na iyong sinusunod. Huwag mong bigyang pansin ang mga walang kabuluhang alamat at mga sabi-sabi, sa halip, magsanay ka sa banal na pamumuhay. Mahalaga ang pagpapalakas ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa banal na pamumuhay. Mapapakinabangan ito sa lahat ng bagay sapagkat may pangako ito hindi lamang sa buhay ngayon, kundi maging sa panahong darating. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpupunyagi, at umaasa sa buháy na Diyos, ang tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay. 13 Habang hindi pa ako dumarating, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa madla, sa pangangaral[a] at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu na nasa iyo, na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang mga kamay. 15 Pag-ukulan mo ng panahon ang pagsasagawa ng mga ito upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Bantayan mong mabuti ang iyong pamumuhay at pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga ito sapagkat sa paggawa mo nito, ililigtas mo ang iyong sarili gayundin ang mga nakikinig sa iyo.

Footnotes

  1. 1 Timoteo 4:13 nangangahulugang “panghihikayat ng mga tao upang siya ay lumakas ang loob”.