Add parallel Print Page Options

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya

Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[a] ay naghahangad ng marangal na gawain.” Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[b] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi. 10 Kailangang patunayan muna nila ang kanilang sarili, at saka hahayaang maging tagapaglingkod kung mapatunayang karapat-dapat. 11 Ang mga kababaihan nama'y dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, kundi mapagtimpi at mapagkakatiwalaan sa lahat ng mga bagay. 12 Ang tagapaglingkod ay asawa ng iisang babae, at maayos na mamahala ng kanyang mga anak at sariling sambahayan. 13 Igagalang ng mga tao ang mga tagapaglingkod na tapat sa kanilang tungkulin, kasama na ang kanilang pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng ating Pananampalataya

14 Umaasa akong makapupunta ako sa iyo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko sa iyo ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung paano ang dapat maging ugali ng bawat kaanib sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesya ng buháy na Diyos, haligi at sandigan ng katotohanan. 16 Sadyang dakila ang hiwaga ng ating sinasampalatayanan:

Siya'y inihayag bilang[c] tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[d] nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan, at iniakyat sa kaluwalhatian.

Babala tungkol sa Pagtalikod

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng iba ang pananampalataya at susunod sa mga mapanlinlang na espiritu at mga turo ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito ay pinalalaganap ng mga taong mapagkunwari, sinungaling at may manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa, gayundin ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang tanggaping may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakauunawa ng katotohanan. Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat tanggihan, sa halip ay dapat tanggapin na may pasasalamat, dahil ito ay nagiging malinis sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo nang malinaw ang mga ito sa mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Cristo Jesus, isang tagapaglingkod na patuloy na sinasanay sa katuruan ng pananampalataya at mabuting aral na iyong sinusunod. Huwag mong bigyang pansin ang mga walang kabuluhang alamat at mga sabi-sabi, sa halip, magsanay ka sa banal na pamumuhay. Mahalaga ang pagpapalakas ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa banal na pamumuhay. Mapapakinabangan ito sa lahat ng bagay sapagkat may pangako ito hindi lamang sa buhay ngayon, kundi maging sa panahong darating. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpupunyagi, at umaasa sa buháy na Diyos, ang tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay. 13 Habang hindi pa ako dumarating, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa madla, sa pangangaral[e] at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu na nasa iyo, na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang mga kamay. 15 Pag-ukulan mo ng panahon ang pagsasagawa ng mga ito upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Bantayan mong mabuti ang iyong pamumuhay at pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga ito sapagkat sa paggawa mo nito, ililigtas mo ang iyong sarili gayundin ang mga nakikinig sa iyo.

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagsasalitaan nang magaspang ang nakatatandang lalaki. Sa halip, pakiusapan mo siya na parang sarili mong ama. Ituring mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki, ang mga nakatatandang babae na parang sariling ina, at ang mga nakababatang babae na para mong kapatid—nang buong kalinisan.

Bigyan mo ng pagkilala ang mga biyudang talagang nangangailangan. Ngunit kung ang isang biyuda ay may mga anak o mga apo, dapat muna nilang matutuhan ang kanilang banal na tungkulin na pangalagaan ang kanilang sariling sambahayan at tumanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang. Ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang biyudang tunay na nangangailangan at naiwang nag-iisa ay tanging sa Diyos na lamang umaasa. Kaya patuloy ang kanyang dalangin araw at gabi. Subalit ang biyudang namumuhay sa karangyaan ay maituturing nang patay kahit buháy pa. Iutos mo ang mga ito upang hindi sila mapintasan. Ang sinumang hindi nangangalaga sa kanyang mga kamag-anak at lalo na sa kanyang kasambahay ay tumalikod na sa pananampalataya at masahol pa siya sa hindi sumasampalataya.

Dapat isama sa listahan ang isang biyuda kung siya ay animnapung taong gulang pataas, naging asawa ng iisang lalaki, 10 at kilala sa paggawa ng mabuti, gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, may magandang loob sa mga panauhin, naglilingkod sa mga kapatid sa Panginoon, tumutulong sa mga nangangailangan, at naglalaan ng sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga batang biyuda, sapagkat maaaring ilayo sila kay Cristo ng kanilang maalab na pagnanasa at sila'y mag-asawang muli. 12 Dahil dito, nagkakasala sila dahil sa hindi nila pagtupad sa una nilang pangako. 13 Natututo rin silang maging tamad at nagsasayang ng panahon sa pangangapitbahay. Nagiging tsismosa rin sila, pakialamera at madaldal. 14 Kaya't para sa akin, mas mabuti pa sa mga batang biyuda na mag-asawang muli, magkaanak at mamahala sa kanilang tahanan, upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang kaaway na tayo'y mapintasan. 15 Sapagkat ang iba nga'y tumalikod na at sumunod kay Satanas. 16 Kung ang babaing mananampalataya ay may mga kamag-anak na biyuda, siya ang dapat mangalaga sa kanila nang hindi na sila makadagdag sa pasanin ng iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang talagang nangangailangan.

17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (A) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (B)

20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.

22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.

23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.

24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag. 25 Ganoon din sa mabuting gawain. May mabubuting gawa na madaling mapansin, ngunit kung di man madaling mapansin, ang mga ito nama'y hindi mananatiling lihim.

Dapat igalang nang lubusan ng mga alipin ang kanilang panginoon upang hindi lapastanganin ang pangalan ng Diyos at ang mga aral. At kung ang amo nila'y kapwa mananampalataya, hindi dapat mawala ang kanilang paggalang dahil sila ay magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang mas paghusayin ang kanilang paglilingkod dahil ang pinaglilingkuran nila'y mga minamahal na kapatid.

Maling Katuruan at Tunay na Kayamanan

Ang mga ito ang dapat mong ituro at bigyang-diin sa mga tao. Sinumang nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa tunay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at katuruang naaayon sa banal na pamumuhay, siya ay nagyayabang at walang nalalaman. Mahilig siya sa mga pagtatalo tungkol sa mga salita, na nauuwi sa inggitan, alitan, panlalait, masamang hinala, sa pag-aaway ng mga taong marumi ang pag-iisip, ayaw kumilala sa katotohanan, at nag-aakalang ang banal na pamumuhay ay paraan ng pagpapayaman. Subalit ang banal na pamumuhay na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at pag-alis dito'y wala rin tayong madadalang anuman. Kung tayo'y may pagkain at damit, sa mga ito'y dapat na tayong masiyahan. Subalit ang mga naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng kahangalan at nakapipinsalang pagnanasa. Ang mga ito ang magtutulak sa tao ng kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.

Footnotes

  1. 1 Timoteo 3:1 o obispo, nangangahulugang “tagapangasiwa ng iglesya”.
  2. 1 Timoteo 3:8 Sa Griyego, “diakono” nangangahulugang, “tagapaglingkod” o “tagasilbi ng iglesya”.
  3. 1 Timoteo 3:16 Siya'y: Sa ibang matatandang manuskrito Ang Diyos ay.
  4. 1 Timoteo 3:16 pinatunayang matuwid ng Espiritu: o kaya'y pinatunayang matuwid sa espiritu.
  5. 1 Timoteo 4:13 nangangahulugang “panghihikayat ng mga tao upang siya ay lumakas ang loob”.