Add parallel Print Page Options

Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin

Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[a] walang sama ng loob at galit sa kapwa. Nais ko rin na ang mga babae'y magdamit nang maayos, marangal at nararapat. Hindi kinakailangang sila'y maging marangya sa kanilang pananamit at ayos ng buhok, o kaya nama'y nasusuotan ng mamahaling alahas na gawa sa ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging gayak nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang babae'y dapat matahimik na tumanggap ng aral at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki. Dapat siyang manatiling tahimik. 13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva. 14 At hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pamamagitan ng pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Footnotes

  1. 1 Timoteo 2:8 manalangin...malinis na puso: Sa Griyego, manalanging nakataas ang banal na kamay.