1 Timoteo 1
Ang Biblia, 2001
Pagbati
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa,
2 Kay(A) Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo na Panginoon natin.
Babala Laban sa Maling Aral
3 Pinapakiusapan kitang manatili sa Efeso gaya noong patungo ako sa Macedonia, na iyong atasan ang ilang tao na huwag magturo ng ibang aral,
4 ni huwag bigyang-pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng lahi, na nagiging sanhi ng mga haka-haka sa halip ng pagsasanay na mula sa Diyos na nakikilala sa pamamagitan ng pananampalataya.
5 Subalit ang layunin ng aming tagubilin ay pag-ibig na nagmumula sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi pakunwari.
6 Ang ilan ay lumihis mula rito at bumaling sa walang kabuluhang pag-uusap,
7 na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, maging ang mga bagay na kanilang buong tiwalang pinaninindigan.
8 Ngunit nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid na paraan.
9 Ito ay nangangahulugang nauunawaan na ang kautusan ay hindi ginawa para sa taong matuwid, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mapaghimagsik, para sa masasama at mga makasalanan, para sa mga hindi banal at lapastangan, para sa mga pumapatay sa ama at sa ina, para sa mga mamamatay-tao,
10 para sa mga mapakiapid, para sa nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, para sa mga nagbebenta ng alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga mandaraya, at kung may iba pang bagay na salungat sa mahusay na aral;
11 ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.
Pasasalamat sa Awa ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa kanya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako'y itinuring niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kanya.
13 Kahit(B) na noong una ako'y isang lapastangan, mang-uusig at mang-aalipusta, gayunma'y kinahabagan ako, sapagkat sa kamangmangan ay ginawa ko iyon sa kawalan ng pananampalataya,
14 at labis na sumagana sa akin ang biyaya ng ating Panginoon na may pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
15 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos, na si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito.
16 Ngunit dahil dito, nakatanggap ako ng habag upang sa akin na pangunahin ay maipahayag ni Jesu-Cristo ang kanyang sakdal na pagtitiis, bilang halimbawa sa mga sasampalataya sa kanya, tungo sa buhay na walang hanggan.
17 Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.
18 Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban,
19 na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya;
20 kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan.