1 Tesalonica 5
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
5 Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. 2 Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. 3 Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. 6 Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. 7 Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. 9 Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga patatagin ninyo at palakasin ang loob ng bawat isa tulad ng ginagawa na ninyo.
Mga Huling Tagubilin at Pagbati
12 Hinihiling namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga pinuno ninyong nagpapakahirap sa pamamahala at pangangaral sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng angkop na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa sa bawat isa. 14 Pinapakiusapan din namin kayo, mga kapatid, na paalalahanan ang mga tamad, palakasin ang mga mahihinang-loob, tulungan ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinuman ang naghihiganti sa gumawa sa inyo ng masama; sa halip, gawin ninyo ang para sa kabutihan ng bawat isa at ng lahat. 16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.
23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.
25 Ipanalangin din ninyo kami, mga kapatid.
26 Batiin ninyo ang mga kapatid na may banal na halik. 27 Ipangako ninyo sa pangalan ng Panginoon na babasahin ninyo ang sulat na ito sa lahat ng kapatid.
28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.