1 Tesalonica 5
Ang Biblia, 2001
Maghanda para sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo.
2 Sapagkat(A) kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.
3 Kapag sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan,” kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas!
4 Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw.
5 Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man.
6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino.
7 Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi.
8 Ngunit(B) palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.
9 Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
10 na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya.
11 Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa.
Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas
12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;
13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.
14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.
15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi.
17 Manalangin kayong walang patid.
18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.
19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.
20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,
21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.
22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.
25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.
28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[a]
Footnotes
- 1 Tesalonica 5:28 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen .