1 Tesalonica 3
Ang Salita ng Diyos
3 Kaya nga, nang hindi na nga namin ito matiis, inisip namin na mabuti pang maiwan na lamang kami sa Atenas. 2 Sinugo namin si Timoteo na ating kapatid at tagapaglingkod ng Diyos at aming kamanggagawa sa ebanghelyo ni Cristo upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob patungkol sa inyong pananampalataya. 3 Ito ay upang walang sinuman sa inyo ang matinag ng mga paghihirap na ito dahil kayo ang siyang nakakaalam na kami ay itinalaga sa mga bagay na ito. 4 Ito ay sapagkat nang kasama ninyo kami, sinabi na namin sa inyo nang una pa, na kami ay magbabata na ng kahirapan. At nalaman ninyo na gayon nga ang nangyari. 5 Nang hindi na ako makatiis ay nagsugo ako upang malaman ang patungkol sa inyong pananampalataya, dahil sa aking pangambang baka kayo ay natukso na ng manunukso at mawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.
Nagpalakas ng Loob ang Pagbabalita ni Timoteo
6 Ngunit ngayon, si Timoteo ay bumalik na sa amin mula sa inyo. Ibinalita niya sa amin ang patungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at lubha ninyo kaming pinananabikang makita tulad din naman namin sa inyo.
7 Dahil dito, mga kapatid, lumakas ang aming loob patungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa kabila ng lahat naming paghihirap at pangangailangan. 8 Sa ngayon kami ay nabubuhay kung matibay kayong tumatayo sa Panginoon. 9 Sapagkat anong pasasalamat ang ibibigay namin sa Diyos patungkol sa inyo? Paano namin pasasalamatan ang lahat ng kagalakang ikinagagalak namin alang-alang sa inyo sa harap ng ating Diyos? 10 Gabi at araw ay maningas naming ipinananalangin na makita ang inyong mga mukha at lubos na mapunan ang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11 Ngunit ang Diyos nawa at ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang siyang pumatnubay sa aming daan papunta sa inyo. 12 Palaguin at pag-apawin nawa kayo ng Diyos sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat tulad din naman namin sa inyo. 13 Ito ay upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo kasama ang lahat niyang mga banal.
Copyright © 1998 by Bibles International