1 Tesalonica 2
Ang Salita ng Diyos
Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica
2 Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2 Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. 3 Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. 4 Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. 5 Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.
6 Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. 7 Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. 8 Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. 9 Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.
10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampalataya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.
13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14 Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15 Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16 Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hangganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.
Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica
17 Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais.
18 Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20 Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
1 Tesalonica 2
Ang Biblia, 2001
Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica
2 Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2 Bagaman(A) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
3 Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,
4 kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.
5 Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;
6 ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.
7 Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.
8 Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.
9 Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.
10 Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya.
11 Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak,
12 na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian.
13 At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
14 Sapagkat(B) kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio.
15 Sila(C) ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay-lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao,
16 at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan.
Nais ni Pablo na Muli Silang Dalawin
17 Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan.
18 Sapagkat nais naming pumunta sa inyo—lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik—ngunit hinadlangan kami ni Satanas.
19 Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo?
20 Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
Copyright © 1998 by Bibles International
