1 Tesalonica 1
Ang Salita ng Diyos
1 Akong si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesucristo.
Sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.
Pagpapasalamat Dahil sa Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
2 Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos patungkol sa inyong lahat. Kapag nananalangin kami, binabanggit namin kayong lagi.
3 Inaala-ala naming walang patid sa harapan ng ating Diyos Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagpapagal na may pag-ibig at pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesucristo.
4 Alam namin, mga minamahal na kapatid, na kayo ay hinirang ng Diyos. 5 Ito ay sapagkat ang aming ebanghelyoay hindi dumating sa inyo sa salita lamang. Subalit ito ay dumating sa kapangyarihan din naman at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan. Alam din ninyo kung anong uri ng mga tao kami sa inyong kalagitnaan para sa inyong kapakanan. 6 Yamang tinanggap ninyo ang salita sa matinding paghihirap na may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon. 7 Dahil dito naging huwaran kayo sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya. 8 Ito ay sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay narinig sa lahat ng dako hindi lamang sa Macedonia at Acaya subalit maging sa lahat ng dako, at ang inyong pananampalataya sa Diyos ay lumaganap sa bawat dako, anupa’t hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman. 9 Ito ay sapagkat sila na rin ang nagpahayag patungkol sa paraan nang pagpasok namin sa inyo, at kung papaano ninyo tinalikdan ang mga diyos-diyosan upang paglingkuran ang buhay at totoong Diyos. 10 Ito rin ay upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagligtas sa atin mula sa poot na darating.
Copyright © 1998 by Bibles International