1 Samuel 9
Ang Biblia, 2001
Nagkita sina Saul at Samuel
9 May isang lalaki sa Benjamin na ang pangala'y Kish, na anak ni Abiel, na anak ni Zeor, na anak ni Becora, na anak ni Afia, isang Benjaminita, isang taong mayaman.
2 Siya'y may isang anak na lalaki na ang pangala'y Saul, isang makisig na kabataan. Sa mga anak ni Israel ay walang higit na makisig na lalaki kaysa kanya. Mula sa kanyang mga balikat paitaas ay higit siyang matangkad kaysa sinuman sa taong-bayan.
3 Noon ang mga asno ni Kish na ama ni Saul ay nawawala. At sinabi ni Kish kay Saul na kanyang anak, “Isama mo ngayon ang isa sa mga tauhan. Tumindig ka at hanapin mo ang mga asno.”
4 Siya'y dumaan sa lupaing maburol ng Efraim at sa lupain ng Salisa, ngunit hindi nila natagpuan. Dumaan sila sa lupain ng Saalim, ngunit wala roon; at sila'y dumaan sa lupain ng mga Benjaminita, ngunit hindi nila nakita roon.
5 Nang sila'y dumating sa lupain ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang kasamang tauhan, “Tayo na, bumalik na tayo, baka ipagwalang-bahala ng aking ama ang mga asno at tayo ang alalahanin.”
6 Ngunit sinabi niya sa kanya, “May isang tao ng Diyos sa lunsod na ito, siya'y isang lalaking iginagalang. Lahat ng kanyang sinasabi ay nagkakatotoo. Pumunta tayo roon, marahil ay masasabi niya sa atin ang tungkol sa paglalakbay na ating isinagawa.”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Ngunit kung tayo'y pupunta roon, ano ang ating dadalhin sa lalaki? Naubos na ang tinapay sa ating mga buslo at wala na tayong madadalang kaloob sa tao ng Diyos. Anong mayroon tayo?”
8 Muling sumagot ang lingkod kay Saul, at nagsabi, “Mayroon akong ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak; ibibigay ko ito sa tao ng Diyos upang sabihin sa atin ang ating paglalakbay.”
9 (Noong una sa Israel, kapag ang isang tao ay sumasangguni sa Diyos, ay ganito ang sinasabi, “Halika, tayo'y pumaroon sa tagakita;” sapagkat ang tinatawag ngayon na propeta ay tinatawag noong una na tagakita.)
10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Mabuti ang sinasabi mo. Halika, tayo'y pumaroon.” Kaya't pumaroon sila sa bayang kinaroroonan ng tao ng Diyos.
11 Samantalang patungo sila sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, “Narito ba ang tagakita?”
12 At sila'y sumagot sa kanila, “Siya'y nariyan, nasa unahan mo lamang. Magmadali kayo ngayon, sapagkat kararating pa lamang niya sa bayan sapagkat ang bayan ay may handog ngayon sa mataas na dako.
13 Pagpasok ninyo sa bayan, agad ninyo siyang matatagpuan bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain. Sapagkat ang taong-bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagkat kailangang basbasan niya ang handog. Pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga lumakad na kayo sapagkat sa oras na ito'y inyong madadatnan siya.”
14 Kaya't sila'y pumunta sa bayan. Pagpasok nila sa bayan, nasalubong nila si Samuel na papaakyat sa mataas na dako.
15 Nang araw bago dumating si Saul, ipinahayag ng Panginoon kay Samuel:
16 “Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at iyong bubuhusan siya ng langis upang maging pinuno sa aking bayang Israel. Ililigtas niya ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo; sapagkat aking nakita ang paghihirap ng aking bayan, dahil ang kanilang daing ay umabot sa akin.”
17 Nang makita ni Samuel si Saul ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narito ang lalaki na aking sinabi sa iyo! Siya ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.”
18 Pagkatapos ay lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan naroon ang bahay ng nakakakita ng pangitain.”
19 Sumagot si Samuel kay Saul, “Ako ang tagakita; mauna kang umahon sa akin sa mataas na dako, sapagkat kakain kang kasalo ko ngayon, at sa kinaumagahan ay pauuwiin na kita at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nasa isip mo.
20 Tungkol sa iyong mga asno na tatlong araw nang nawawala ay huwag mong alalahanin sapagkat natagpuan na. At para kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba para sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”
21 Si Saul ay sumagot, “Hindi ba ako'y isang Benjaminita, mula sa pinakamaliit na lipi ng Israel? At hindi ba ang aking angkan ang pinakahamak sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? Bakit ka nagsasalita sa akin sa ganitong paraan?”
22 Kaya't ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kanyang lingkod at ipinasok niya sila sa kabahayan, at binigyan sila ng lugar sa pangunahing upuan kasama ng mga naanyayahan, na may tatlumpung katao.
23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, ‘Ibukod mo ito.’”
24 Kaya't kinuha ng tagapagluto ang hita at ang bahaging itaas at inilagay sa harapan ni Saul. At sinabi ni Samuel, “Tingnan mo, ang itinabi ay inilagay sa harap mo. Kainin mo sapagkat ito ay iningatan para sa iyo hanggang sa takdang panahon sapagkat aking sinabi, na inanyayahan ko ang bayan.” Kaya't kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na iyon.
25 Nang sila'y makalusong sa lunsod mula sa mataas na dako, isang higaan ang inilatag para kay Saul sa bubungan ng bahay at siya'y humiga upang matulog.
Binuhusan ng Langis ni Samuel si Saul Bilang Hari
26 At sa pagbubukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, “Bangon, upang mapahayo na kita.” Si Saul ay bumangon at kapwa sila lumabas ni Samuel.
27 Habang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan ay sinabi ni Samuel kay Saul, “Sabihin mo sa lingkod na mauna na sa atin, at kapag siya'y nakaraan ay tumigil ka rito, upang maipaalam ko sa iyo ang salita ng Diyos.”