1 Samuel 7-9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
7 Kaya kinuha ng mga taga-Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Pinili nila si Eleazar na anak ni Abinadab na magbantay dito.
Ang Pamumuno ni Samuel sa Israel
2 Nanatili sa Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon sa mahabang panahon – mga 20 taon. Sa panahong iyon, nagdalamhati at humingi ng tulong sa Panginoon ang buong mamamayan ng Israel. 3 Sinabi ni Samuel sa kanila, “Kung taos sa puso ninyo ang pagbabalik-loob sa Panginoon, itapon ninyo ang inyong mga dios-diosan pati na ang imahen ni Ashtoret. Ilaan ninyo ang inyong buhay sa Panginoon lamang at siya lang ang inyong paglingkuran. Kung gagawin ninyo ang mga ito, ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.” 4 Kaya itinapon nila ang mga imahen ni na Baal at Ashtoret, at sa Panginoon lamang sila naglingkod.
5 Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Magtipon kayong lahat sa Mizpa at ipapanalangin ko kayo sa Panginoon.” 6 Nang magkatipon na silang lahat sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harap ng presensya ng Panginoon. Nang araw na iyon, hindi sila kumain buong araw at nagsisi sa mga kasalanang ginawa nila sa Panginoon. Pinamunuan ni Samuel ang Israel doon sa Mizpa.
7 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na nagtitipon ang mga Israelita sa Mizpa, naghanda ang mga pinuno ng mga Filisteo para salakayin sila. Nang mabalitaan ito ng mga Israelita, natakot sila sa mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag po kayong tumigil sa pananalangin sa Panginoon na ating Dios na iligtas niya tayo sa mga Filisteo.” 9 Kaya kumuha si Samuel ng isang batang tupa at sinunog ito nang buo bilang handog na sinusunog para sa Panginoon. Humingi siya ng tulong sa Panginoon para sa Israel at sinagot siya ng Panginoon.
10 Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, dumating ang mga Filisteo para makipaglaban sa mga Israelita. Pero sa araw na iyon, nagpakulog nang malakas ang Panginoon kaya natakot at nalito ang mga Filisteo, at nagsitakas sila sa mga Israelita. 11 Hinabol sila at pinatay ng mga Israelita sa daan mula sa Mizpa hanggang sa Bet Car.
12 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa gitna ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer dahil sinabi niya, “Hanggang ngayon, tinutulungan kami ng Panginoon.” 13 Kaya natalo nila ang mga Filisteo, at hindi na nila muli pang sinalakay ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Samuel dahil ang Panginoon ay laban sa mga Filisteo. 14 Naibalik sa Israel ang mga lupain malapit sa Ekron at Gat, na sinakop ng mga Filisteo. Natigil na rin ang digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Amoreo.
15 Nagpatuloy si Samuel sa pamumuno sa Israel sa buong buhay niya. 16 Taun-taon, lumilibot siya mula Betel papuntang Gilgal at Mizpa para gampanan ang tungkulin niya bilang pinuno ng mga lugar na ito. 17 Pero bumabalik din siya sa Rama kung saan siya nakatira at namumuno rin sa mga tao roon. At gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.
Humingi ng Hari ang mga Israelita
8 Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel. 2 Joel ang pangalan ng panganay at Abijah naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beersheba, 3 pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.
4 Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama. 5 Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.” 6 Pero sumama ang loob ni Samuel sa hiniling nila, kaya nanalangin siya sa Panginoon. 7 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Gawin mo ang ipinapagawa nila sa iyo, hindi ikaw ang tinatanggihan nila kundi ako. 8 Mula nang ilabas ko sila sa Egipto hanggang ngayon, itinakwil nila ako at nagsisunod sa ibang mga dios. Ngayon, ganyan din ang ginagawa nila sa iyo. 9 Kaya gawin mo ang kahilingan nila, pero bigyan mo sila ng babala kung ano ang gagawin ng haring mamumuno sa kanila.”
10 Sinabi ni Samuel sa mga Israelitang humihingi ng hari ang lahat ng sinabi ng Panginoon. 11 Sinabi niya, “Ito ang gagawin ng hari na mamumuno sa inyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki at gagawin niyang mga sundalo. Ang ibaʼy gagawin niyang mga mangangarwahe, mangangabayo at ang ibaʼy mauuna sa kanyang karwahe. 12 Ang iba sa kanilaʼy gagawin niyang opisyal na mamamahala sa 1,000 sundalo at ang iba naman sa 50 sundalo. Ang ibaʼy pag-aararuhin niya sa kanyang bukid at ang ibaʼy pag-aanihin ng mga pananim niya, ang iba namaʼy gagawin niyang manggagawa ng mga armas para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang karwahe. 13 Kukunin niya ang mga anak ninyong babae at gagawin niyang mga manggagawa ng pabango, kusinera at panadera. 14 Kukunin niya ang pinakamaganda ninyong mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at ibibigay niya ang mga ito sa mga tagasunod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong mga trigo at mga ubas, at ibibigay niya sa mga opisyal at iba pa niyang mga tagasunod. 16 Kukunin din niya ang mga alipin nʼyong lalaki at babae, at ang pinakamaganda ninyong mga baka at mga asno para magtrabaho sa kanya. 17 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng mga hayop ninyo, at pati kayo ay gagawin niyang mga alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, dadaing kayo sa Panginoon dahil sa kalupitan ng hari na pinili ninyo, pero hindi niya kayo sasagutin.”
19 Pero hindi nakinig kay Samuel ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi maaari! Gusto namin na may haring mamamahala sa amin. 20 At magiging tulad kami ng ibang mga bansa, na may haring namamahala at nangunguna sa amin sa digmaan.” 21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng sinabi ng mga tao, sinabi niya ito sa Panginoon. 22 Sumagot ang Panginoon sa kanya. “Gawin mo ang sinabi nila, bigyan mo sila ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Sige, pumapayag na ako, magsiuwi na kayo sa mga bayan ninyo.”
Pinili ni Samuel si Saul para Maging Hari
9 May isang taong mayaman at kilala mula sa lahi ni Benjamin. Ang pangalan niya ay Kish, at anak siya ni Abiel. Si Abiel ay anak ni Zeror, si Zeror ay anak ni Becorat, at si Becorat ay anak ni Afia na mula sa lahi ni Benjamin. 2 Si Kish ay may anak na ang pangalan ay Saul. Bata pa si Saul at siya ang pinakagwapo at pinakamatangkad na lalaki sa Israel.
3 Isang araw, nawala ang mga asno ni Kish, kaya sinabi niya sa anak niyang si Saul, “Magsama ka ng isang utusan at hanapin ninyo ang mga asno.” 4 Kaya lumakad si Saul at ang utusan. Nakarating sila sa mga burol ng Efraim hanggang sa lugar ng Shalisha, pero wala silang nakitang mga asno. Kaya tumuloy sila sa lugar ng Shaalim hanggang sa mga lugar ng Benjamin pero hindi rin nila nakita ang mga asno doon. 5 Nang makarating sila sa lugar ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang utusan, “Umuwi na tayo. Baka lalong mag-alala sa atin ang aking ama kaysa sa mga asno.” 6 Pero sumagot ang utusan, “Sandali lang po, may isang lingkod ng Dios na malapit lang dito. Iginagalang siya ng mga tao at nagkakatotoo ang lahat ng kanyang sinasabi. Pumunta po tayo sa kanya at baka sakaling masabi niya sa atin kung saan makikita ang mga asno.” 7 Sinabi ni Saul sa utusan, “Kung pupunta tayo, ano ang ibibigay natin sa kanya? Wala na tayong natirang pagkain. Wala tayong maibibigay.” 8 Sumagot ang utusan, “Mayroon pa po akong isang pirasong pilak. Ibibigay ko po ito sa lingkod ng Dios para sabihin niya sa atin kung saan natin makikita ang mga asno.” 9-10 “Mabuti,” ang sabi ni Saul. “Halika na, pumunta na tayo sa manghuhula.” (Noon sa Israel, kung may taong gustong makatanggap ng mensahe galing sa Dios sinasabi niya, “Halika, pumunta tayo sa manghuhula,” dahil ang mga tinatawag na propeta ngayon ay tinatawag na manghuhula noon.)
Pumunta si Saul at ang utusan sa bayan kung saan naroon ang propeta ng Dios. 11 Habang tinatahak nila ang daang paakyat sa burol ng bayan, nakasalubong nila ang mga dalagang palabas para umigib. Nagtanong sila sa mga dalaga, “Nandito ba ngayon ang manghuhula?” 12 Sumagot sila, “Oo, nandiyan siya. Nauna lang nang kaunti sa inyo. Kararating lang niya sa bayan namin para pangunahan ang mga tao sa paghahandog doon sa sambahan sa mataas na lugar. Dalian ninyo! 13 Habulin ninyo siya bago siya umakyat sa sambahan sa mataas na lugar para roon kumain. Hindi kakain ang mga taong inimbita kung hindi pa siya dumarating, dahil kailangang basbasan muna niya ang mga handog. Kaya umakyat na kayo dahil maaabutan ninyo siya habang may araw pa.”
14 Kaya umakyat sila sa bayan, at habang papasok sila, nakita nila si Samuel na dumarating na kasalubong nila papunta sa sambahan sa mataas na lugar.
15 Isang araw bago dumating si Saul, sinabi na ng Panginoon kay Samuel, 16 “Bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko sa iyo ang isang tao na galing sa lugar ng Benjamin. Pahiran mo ng langis ang kanyang ulo bilang tanda na siya ang pinili kong magiging pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Ililigtas niya ang aking mga mamamayan sa kamay ng mga Filisteo dahil nakita ko ang paghihirap nila at narinig ko ang paghingi nila ng tulong.”
17 Nang makita ni Samuel si Saul, nagsalita ang Panginoon kay Samuel, “Siya ang taong sinasabi ko sa iyo. Pamumunuan niya ang aking bayan.”
18 Lumapit si Saul kay Samuel sa may daang papasok ng bayan at nagtanong, “Saan ba rito ang bahay ng manghuhula?” 19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Mauna kayo sa akin sa pagpunta sa sambahan sa mataas na lugar dahil sa araw na ito, kakain kayong kasama ko. Bukas ng umaga, sasabihin ko sa iyo ang gusto mong malaman at pagkatapos ay lumakad na kayo. 20 Tungkol sa mga asnong tatlong araw nang nawawala, huwag ka nang mag-alala pa dahil nakita na sila. At ngayon, sinasabi ko sa iyo na ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ang inaasahan ng mga Israelita.” 21 Sumagot si Saul, “Pero galing lang po ako sa lahi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lahi ng Israel, at ang sambahayan namin ang pinakamababa sa aming lahi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22 Nang makarating na sila sa sambahan sa mataas na lugar, dinala ni Samuel si Saul at ang kanyang utusan sa malaking kwarto kung saan nakaupo ang 30 tao na inimbita. Pagkatapos, pinaupo niya si Saul at ang kanyang utusan sa upuang para sa pangunahing bisita. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang karneng ipinatabi ko sa iyo.” 24 Kaya kinuha ng tagapagluto ang hita at inilagay sa harapan ni Saul. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kainin mo, itinabi ko talaga iyan bago ko inimbitahan ang mga taong ito para sa ganitong mahalagang okasyon.” Kaya kumain si Saul kasama si Samuel nang araw na iyon.
25 Pagbalik nila sa bayan galing sa sambahan sa mataas na lugar, ipinaghanda siya ni Samuel ng matutulugan doon sa patag na bubong ng kanyang bahay, 26 at doon natulog si Saul. Kinaumagahan, tinawag ni Samuel si Saul kung saan siya natulog, “Bangon na! Maghanda ka na, dahil pauuwiin na kita.” Nang makapaghanda na si Saul, sabay silang lumabas ng bahay ni Samuel. 27 Nang palabas na sila ng bayan, sinabi ni Samuel kay Saul, “Paunahin mo ang utusan mo, may sasabihin lang ako sa iyo mula sa Dios.” Kaya nauna ang utusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®