1 Samuel 6-9
Ang Dating Biblia (1905)
6 At ang kaban ng Panginoon ay napasa lupain ng mga Filisteo na pitong buwan.
2 At tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula, na sinasabi, Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Ipatalastas ninyo sa amin kung aming ipadadala sa kaniyang dako.
3 At kanilang sinabi, Kung inyong ipadadala ang kaban ng Dios ng Israel, ay huwag ninyong ipadalang walang laman; kundi sa ano pa man ay inyong ibalik siya na may handog ng dahil sa pagkakasala: kung magkagayo'y gagaling kayo, at malalaman ninyo kung bakit ang kaniyang kamay ay hindi humiwalay sa inyo.
4 Nang magkagayo'y kanilang sinabi, Ano ang handog dahil sa pagkakasala na aming igaganti sa kaniya? At kanilang sinabi, Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga pangulo ng mga Filisteo; sapagka't iisang salot ang napasa inyong lahat, at napasa inyong mga pangulo.
5 Kaya't kayo'y gagawa ng mga larawan ng inyong mga bukol, at mga larawan ng inyong mga daga na sumira ng lupain, at inyong bibigyan ng kaluwalhatian ang Dios ng Israel: baka sakaling kaniyang gaanan ang kaniyang kamay sa inyo, at sa inyong mga dios, at sa inyong lupain.
6 Bakit nga ninyo pinapagmamatigas ang inyong puso, na gaya ng mga taga Egipto at ni Faraon na pinapagmatigas ang kanilang puso? Nang siya'y makagawa ng kahangahanga sa kanila, di ba nila pinayaon ang bayan, at sila'y yumaon?
7 Ngayon nga'y kumuha kayo at maghanda kayo ng isang bagong karo, at dalawang bagong bakang gatasan, na hindi napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa karo, at iuwi ninyo ang kanilang mga guya.
8 At kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, at isilid ninyo sa karo; at isilid ninyo sa isang kahang nasa tabi niyaon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kaniya na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at inyong ipadala upang yumaon.
9 At tingnan ninyo; kung umahon sa daan ng kaniyang sariling hangganan sa Beth-semes, ginawa nga niya sa atin ang malaking kasamaang ito: nguni't kung hindi, malalaman nga natin na hindi kaniyang kamay ang nanakit sa atin; isang pagkakataong nangyari sa atin.
10 At ginawang gayon ng mga lalake, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan, at mga ikinabit sa karo, at kinulong ang kanilang mga guya sa bahay:
11 At kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa karo, at ang kaha na may mga dagang ginto at mga larawan ng kanilang mga bukol.
12 At tinuwid ng mga baka ang daan sa Beth-semes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang yumayaon, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga pangulo ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Beth-semes.
13 At silang mga Beth-semita ay umaani ng kanilang trigo sa libis: at kanilang itiningin ang kanilang mga mata, at nakita ang kaban, at nangagalak sa pagkakita niyaon.
14 At ang karo ay pumasok sa bukid ni Josue na Beth-semita, at tumayo roon, sa kinaroroonan ng isang malaking bato: at kanilang biniyak ang kahoy ng karo, at inihandog sa Panginoon ang mga baka na pinakahandog na susunugin.
15 At ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon, at ang kaha na kasama niyaon, na may silid na mga hiyas na ginto, at mga ipinatong sa malaking bato at ang mga lalake sa Beth-semes ay naghandog ng mga handog na susunugin at naghain ng mga hain ng araw ding yaon sa Panginoon.
16 At nang makita ng limang pangulo ng mga Filisteo, ay bumalik sa Ecron nang araw ding yaon.
17 At ito ang mga bukol na ginto na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: sa Asdod ay isa, sa Gaza ay isa, sa Ascalon ay isa, sa Gath ay isa, sa Ecron ay isa;
18 At ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga bayan ng mga Filisteo na nauukol sa limang pangulo, ng mga bayan na nakukutaan at gayon din ng mga nayon sa parang; sa makatuwid baga'y hanggang sa malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon, na ang batong yaon ay namamalagi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na Beth-semita.
19 At sumakit ang Dios sa mga tao sa Beth-semes, sapagka't kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon, sa makatuwid baga'y pumatay siya sa bayan ng pitong pung lalake at limang pung libong tao. At ang bayan ay nanaghoy, sapagka't sinaktan ng Panginoon ang bayan ng di kawasang pagpatay.
20 At ang mga lalake sa Beth-semes ay nagsabi, Sino ang makatatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Dios? at sino ang kaniyang sasampahin mula sa atin?
21 At sila'y nagsugo ng mga sugo sa mga tumatahan sa Chiriath-jearim, na nagsasabi, Ibinalik ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y magsilusong at iahon ninyo sa inyo.
7 At ang mga lalake sa Chiriath-jearim ay nagsiparoon, at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol, at pinapagbanal si Eleazar na kaniyang anak, upang ingatan ang kaban ng Panginoon.
2 At nangyari, mula nang araw na itahan ang kaban sa Chiriath-jearim, na ang panahon ay nagtatagal; sapagka't naging dalawang pung taon; at ang buong sangbahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.
3 At nagsalita si Samuel sa buong sangbahayan ng Israel, na nagsasabi, Kung kayo'y babalik sa Panginoon ng buo ninyong puso ay inyo ngang alisin sa inyo ang mga dios na iba, at ang mga Astaroth, at ihanda ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kaniya lamang kayo maglingkod; at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.
4 Nang magkagayo'y inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astaroth, at sa Panginoon lamang naglingkod.
5 At sinabi ni Samuel, Pisanin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.
6 At sila'y nagtitipon sa Mizpa, at nagsiigib ng tubig, at ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon, at nangagsabi, Kami ay nangagkasala laban sa Panginoon. At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.
7 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtitipon sa Mizpa, nagsiahon laban sa Israel ang mga pangulo ng mga Filisteo. At nang mabalitaan ng mga anak ni Israel, ay nangatakot sa mga Filisteo.
8 At sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, Huwag kang tumigil ng kadadalangin sa Panginoon nating Dios, ng dahil sa atin, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.
9 At kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin, at inihandog na pinaka buong handog na susunugin sa Panginoon: at dumaing si Samuel sa Panginoon dahil sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kaniya.
10 At samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na susunugin, ay lumapit ang mga Filisteo upang makipagbaka laban sa Israel; nguni't ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na yaon sa mga Filisteo, at nilito sila; at sila'y nangabuwal sa harap ng Israel.
11 At ang mga lalake sa Israel ay nagsilabas sa Mizpa, at hinabol ang mga Filisteo, at sinaktan sila, hanggang sa nagsidating sila sa Beth-car.
12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato, at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen, at tinawag ang pangalan niyaon na Ebenezer, na sinasabi, Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.
13 Sa gayo'y nagsisuko ang mga Filisteo, at hindi na sila pumasok pa sa hangganan ng Israel: at ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo lahat ng mga araw ni Samuel.
14 At ang mga bayan na sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay nasauli sa Israel, mula sa Ecron hanggang sa Gath; at ang mga hangganan niyaon ay pinapaging laya ng Israel sa kamay ng mga Filisteo. At nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorrheo.
15 At hinatulan ni Samuel ang Israel lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
16 At siya'y naparoon na lumigid taon-taon sa Beth-el, at sa Gilgal, at sa Mizpa; at hinatulan niya ang Israel sa lahat ng mga dakong yaon.
17 At ang kaniyang balik ay sa Rama, sapagka't nandoon ang kaniyang bahay; at doo'y hinatulan niya ang Israel: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon.
8 At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.
2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa Beer-seba.
3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;
5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.
6 Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.
7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila.
8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.
9 Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.
10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.
11 At kaniyang sinabi, Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;
12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.
13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.
14 At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.
15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.
16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.
17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.
18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.
19 Nguni't tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;
20 Upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.
21 At narinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, at kaniyang mga isinaysay sa pakinig ng Panginoon.
22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang kanilang tinig at lagyan mo sila ng hari. At sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, Yumaon ang bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang bayan.
9 May isang lalake nga sa Benjamin, na ang pangala'y Cis, na anak ni Abiel, na anak ni Seor, na anak ni Bechora, na anak ni Aphia, na anak ng isang Benjamita, na isang makapangyarihang lalake na may tapang.
2 At siya'y may isang anak na lalake, na ang pangala'y Saul, isang bata at makisig: at sa mga anak ni Israel ay walang lalong makisig na lalake kay sa kaniya: mula sa kaniyang mga balikat at hanggang sa paitaas ay lalong mataas siya kay sa sinoman sa bayan.
3 At ang mga asno ni Cis na ama ni Saul ay nawala. At sinabi ni Cis kay Saul na kaniyang anak, Ipagsama mo ngayon ang isa sa mga bataan, at ikaw ay tumindig, at hanapin mo ang mga asno.
4 At siya'y nagdaan sa lupaing maburol ng Ephraim, at nagdaan sa lupain ng Salisa, nguni't hindi nila nangasumpungan: nang magkagayo'y nagdaan sila sa lupain ng Saalim, at wala roon: at sila'y nagdaan sa lupain ng mga Benjamita, nguni't hindi nila nangasumpungan doon.
5 Nang sila'y dumating sa lupain ng Suph, ay sinabi ni Saul sa kaniyang bataan na kasama niya, Halina at bumalik tayo, baka walaing bahala ng aking ama ang mga asno at ang alalahanin ay tayo.
6 At sinabi niya sa kaniya, Narito, may isa ngang lalake ng Dios sa bayang ito, at siya'y isang lalaking may dangal; lahat ng kaniyang sinasabi ay tunay na nangyayari: ngayo'y pumaroon tayo; marahil ay masasaysay niya sa atin ang tungkol sa ating paglalakbay kung saan tayo paroroon.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Nguni't narito, kung tayo'y pumaroon, ano ang ating dadalhin sa lalake? sapagka't naubos na ang tinapay sa ating mga buslo, at wala na tayong madadalang kaloob sa lalake ng Dios: anong mayroon tayo?
8 At sumagot uli ang bataan kay Saul, at nagsabi, Narito, mayroon ako sa aking kamay na ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak: iyan ang aking ibibigay sa lalake ng Dios, upang saysayin sa atin ang ating paglalakbay.
9 (Nang una sa Israel, pagka ang isang lalake ay mag-uusisa sa Dios, ay ganito ang sinasabi, Halika, at tayo'y pumaroon sa tagakita: sapagka't yaon ngang tinatawag na Propeta ngayon ay tinatawag nang una na Tagakita.)
10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Mabuti ang sinasabi mo; halika, tayo'y pumaroon. Sa gayo'y naparoon sila sa bayang kinaroroonan ng lalake ng Dios.
11 Samantalang inaahon nila ang ahunan sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, Narito ba ang tagakita?
12 At sila'y sumagot sa kanila, at nagsabi, Siya'y nariyan, narito, nasa unahan mo: magmadali kayo ngayon, sapagka't siya'y naparoon ngayon sa bayan; sapagka't ang bayan ay may hain ngayon sa mataas na dako.
13 Pagkapasok ninyo sa bayan, ay agad masusumpungan ninyo siya, bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain; sapagka't ang bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagka't kaniyang binabasbasan ang hain; at pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga umahon kayo; sapagka't sa oras na ito'y inyong masusumpungan siya.
14 At sila'y umahon sa bayan; at pagpasok nila sa bayan, narito, si Samuel ay nasasalubong nila, na papaahon sa mataas na dako.
15 Inihayag nga ng Panginoon kay Samuel isang araw bago si Saul ay naparoon, na sinasabi,
16 Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalake na mula sa lupain ng Benjamin, at iyong papahiran siya ng langis upang maging pangulo sa aking bayang Israel; at kaniyang ililigtas ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo: sapagka't aking tiningnan ang aking bayan, dahil sa ang kanilang daing ay sumapit sa akin.
17 At nang makita ni Samuel si Saul, ay sinabi ng Panginoon sa kaniya, Narito ang lalake na aking sinalita sa iyo! ito nga ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.
18 Nang magkagayo'y lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na saysayin mo sa akin, kung saan nandoon ang bahay ng tagakita.
19 At sumagot si Samuel kay Saul, at nagsabi, Ako ang tagakita; umahon kang magpauna sa akin sa mataas na dako, sapagka't kakain kang kasalo ko ngayon: at sa kinaumagahan ay payayaunin kita, at sasaysayin ko sa iyo ang lahat na nasa loob mo.
20 At tungkol sa iyong mga asno na may tatlong araw ng nawawala ay huwag mong alalahanin; sapagka't nasumpungan na. At kanino ang buong pagnanasa sa Israel? Hindi ba sa iyo, at sa buong sangbahayan ng iyong ama?
21 At si Saul ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba ako Benjamita, sa pinakamaliit na lipi ng Israel? at ang aking angkan ang pinakamababa sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? bakit nga nagsasalita ka sa akin ng ganitong paraan?
22 At ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kaniyang bataan, at ipinasok niya sila sa kabahayan, at pinaupo sila sa pinakapangulong dako sa gitna niyaong mga naanyayahan, na may tatlong pung katao.
23 At sinabi ni Samuel sa tagapagluto, Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, Ilagay mo ito sa iyo.
24 At itinaas nga ng tagapagluto ang hita, at yaong nakapatong, at inilagay sa harap ni Saul. At sinabi ni Samuel, Narito, siya ngang itinago! ilagay mo sa harap mo at iyong kanin; sapagka't iningatan sa takdang panahon na ukol sa iyo, sapagka't aking sinabi, Aking inanyayahan ang bayan. Sa gayo'y kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na yaon.
25 At nang sila'y makalusong sa bayan mula sa mataas na dako, siya'y nakipagpulong kay Saul sa bubungan ng bahay.
26 At sila'y bumangong maaga: at nangyari sa pagbubukang liwayway, na tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, na sinasabi, Bangon, upang mapagpaalam kita. At si Saul ay bumangon, at lumabas kapuwa sila, siya at si Samuel.
27 At nang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan, ay sinabi ni Samuel kay Saul, Sabihin mo sa bataang magpauna sa atin (at siya'y nagpauna,) nguni't tumigil ka sa oras na ito, upang maiparinig ko sa iyo ang salita ng Dios.