1 Samuel 27
Ang Biblia, 2001
Nanirahan si David sa mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”
2 Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.
3 Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.
4 Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.
5 At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”
6 Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.
7 At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.
8 Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.
9 Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.
10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”
11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.
12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”