1 Samuel 21
Ang Biblia, 2001
Tumakas si David kay Saul
21 Nang(A) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”
2 At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’
3 Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”
4 At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”
5 Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”
6 Kaya't(B) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.
7 Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”
9 Sinabi(C) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”
10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.
11 At(D) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,
‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”
12 Iningatan(E) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.
13 Kaya't(F) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?
15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”