Add parallel Print Page Options

18 Pagkatapos niyang makapagsalita kay Saul, ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.

Kinuha siya ni Saul nang araw na iyon, at hindi na siya pinahintulutang umuwi sa bahay ng kanyang ama.

Nang magkagayo'y nakipagtipan si Jonathan kay David sapagkat kanyang minahal siya na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.

Hinubad ni Jonathan ang balabal na nakasuot sa kanya at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis.

Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul.

Si Saul ay Nanibugho kay David

Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.

At(A) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,

“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa.”

Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”

Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.

10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;

11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.

12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.

13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.

14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.

15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.

16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.

Pinakasalan ni David ang Anak na Babae ni Saul

17 At sinabi ni Saul kay David, “Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng Panginoon.” Sapagkat iniisip ni Saul, “Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya.”

18 Sinabi ni David kay Saul, “Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?”

19 Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa.

20 Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya.

21 Iniisip ni Saul, “Ibibigay ko si Mical[a] sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya.” Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, “Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito.”

22 At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, ‘Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.’”

23 Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, “Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?”

24 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Gayon ang sinabi ni David.”

25 At sinabi ni Saul, “Ganito ang inyong sasabihin kay David, ‘Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.’” Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.

26 Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon,

27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.

28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,

29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.

30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.

Footnotes

  1. 1 Samuel 18:21 Sa Hebreo ay siya .