1 Samuel 17
Ang Biblia, 2001
Hinamon ni Goliat ang mga Israelita
17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.
2 Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.
3 Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.
4 At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.
5 Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.
6 Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.
7 Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.
8 Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.
9 Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”
10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”
11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.
13 Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.
14 Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.
15 Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.
16 Sa loob ng apatnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.
Narinig ni David ang Hamon ni Goliat
17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.
18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”
19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.
21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.
22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.
23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.
24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.
25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”
26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”
27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”
28 Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, “Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan.”
29 Sinabi ni David, “Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?”
30 At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.
31 Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.
32 Sinabi ni David kay Saul, “Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito.”
33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata.”
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,
35 ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.
36 Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buháy.”
37 Sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.” At sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka at samahan ka ng Panginoon.”
38 Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.
39 Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito.” At hinubad ni David ang mga iyon.
40 Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.
Nagapi ni David si Goliat
41 Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.
42 Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.
43 Sinabi ng Filisteo kay David, “Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?” At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.
44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.”
45 Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.
46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;
47 at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.”
48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.
49 Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.
50 Kaya't(A) nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David.
51 Kaya't(B) tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas.
52 Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron.
53 Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo.
54 Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda.
Si David ay Iniharap kay Saul
55 Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang ito?” At sinabi ni Abner, “Buháy ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi.”
56 Sinabi ng hari, “Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito.”
57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay.
58 Sinabi ni Saul sa kanya, “Kanino kang anak, binata?” At sumagot si David, “Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”