1 Samuel 15
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pagpuksa sa Amalek at ang Pagsuway ni Saul
15 Sinabi(A) ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako ni Yahweh upang hirangin ka bilang hari ng Israel. Kaya't pakinggan mo ang mensahe ni Yahweh. 2 Ipinapasabi(B) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Paparusahan ko ang Amalek tulad ng ginawa niya sa Israel nang ito'y inilalabas ko sa Egipto. 3 Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae't lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa sanggol. Patayin mo rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno.”
4 Kaya't tinipon ni Saul sa Telaim ang buong hukbo ng Israel. Nang bilangin niya'y umabot ito sa dalawampung libong mga kawal, bukod pa sa sampung libo buhat sa Juda. 5 Pinangunahan niya ang mga ito papunta sa Lunsod ng Amalek. Nag-abang sila sa isang natuyong ilog na malapit doon at 6 nagpasugo sa mga Cineo at ipinasabi niya, “Umalis na kayo riyan. Humiwalay kayo sa mga Amalekita para hindi kayo madamay sa kanila sapagkat pinagpakitaan ninyo kami ng mabuti sa aming paglalakbay mula sa Egipto.” Kaya't umalis ang mga Cineo.
7 Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita at tinalo ang mga ito mula sa Avila hanggang sa Sur, sa silangan ng Egipto. 8 Nilipol niya ang mga taong-bayan ngunit binihag nang buháy si Haring Agag. 9 Hindi rin pinatay nina Saul ang magagandang baka, tupa at lahat ng matatabang hayop doon; ang pinatay lang nila ay lahat ng hindi na papakinabangan.
Itinakwil si Saul Bilang Hari
10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, 11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh. 12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal. 13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”
14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.”
“Ano iyon?” tanong ni Saul.
17 Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari. 18 Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalek at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. 19 Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?”
20 Sumagot si Saul, “Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalek at nilipol ang mga Amalekita. 21 Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.”
22 Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.”
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. 25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”
26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”
27 Tumalikod(C) si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. 28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. 29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”
30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” 31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.
Pinatay si Agag
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin dito si Agag, ang hari ng Amalek.” Mabigat ang mga paang humarap sa kanya si Agag at nanginginig na sinabi nito, “Siguro nama'y hindi ninyo ako papatayin.”
33 Sumagot si Samuel, “Kung paanong nawalan ng anak ang maraming ina dahil sa iyong tabak, ang iyong ina naman ang mawawalan ngayon ng anak.” At si Agag ay pinagputul-putol ni Samuel sa harap ng altar ni Yahweh sa Gilgal.
34 Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na siya muling nakipagkita kay Saul; subalit ikinalungkot din niya ang nangyari kay Saul. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkapili niya kay Saul bilang hari.