1 Samuel 15
Ang Biblia (1978)
Ang Amalec ay pinuksa. Pagsuway ni Saul.
15 At sinabi ni Samuel kay Saul, (A)Sinugo ako ng Panginoon upang pahiran kita ng langis na maging hari sa kaniyang bayan, sa Israel: ngayon nga'y dinggin mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Aking tinandaan yaong ginawa ng Amalec sa Israel, (B)kung paanong siya'y humadlang sa kaniya sa daan, nang siya'y umahon mula sa Egipto.
3 Ngayo'y yumaon ka at saktan mo ang Amalec, at iyong lubos na (C)lipulin ang buo nilang tinatangkilik, at huwag kang manghinayang sa kanila; kundi patayin mo ang lalake at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.
4 At pinisan ni Saul ang bayan at binilang sila sa Telaim, dalawang yutang lalake na naglalakad, at sangpung libong lalake sa Juda.
5 At dumating si Saul sa bayan ng Amalec, at bumakay sa libis.
6 At sinabi ni Saul sa mga (D)Cineo, Kayo'y magsiyaon, humiwalay kayo at umalis kayo sa gitna ng mga Amalecita, baka kayo'y lipulin kong kasama nila; (E)sapagka't kayo'y nagpakita ng kagandahang loob sa mga anak ni Israel, nang sila'y umahong mula sa Egipto. Sa gayo'y umalis ang mga Cineo sa gitna ng mga Amalecita.
7 At sinaktan ni Saul ang mga Amalecita mula sa Havila kung patungo ka sa (F)Shur, na nasa tapat ng Egipto.
8 At kaniyang kinuhang buhay si Agag na hari ng mga Amalecita, (G)at lubos na nilipol ang buong bayan ng talim ng tabak.
9 Nguni't (H)pinanghinayangan ni Saul at ng bayan si Agag, at ang pinakamabuti sa mga tupa, sa mga baka, at sa mga pinataba, at sa mga kordero, at lahat ng mabuti, at yaong mga hindi nila lubos na nilipol: nguni't bawa't bagay na hamak at walang kabuluhan, ay kanilang lubos na nilipol.
10 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Samuel, na sinasabi,
11 (I)Ikinalulungkot ko na aking inilagay na hari si Saul; sapagka't siya'y tumalikod na hindi sumunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos. At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon buong gabi.
12 At si Samuel ay bumangong maaga upang salubungin si Saul sa kinaumagahan; at nasaysay kay Samuel, na sinasabi, Si Saul ay (J)naparoon sa Carmel, at, narito, ipinagtayo niya siya ng isang monumento, at siya'y lumibot at nagpatuloy, at lumusong sa Gilgal.
13 At naparoon si Samuel kay Saul, at sinabi ni Saul sa kaniya, (K)Pagpalain ka nawa ng Panginoon, aking tinupad ang utos ng Panginoon.
14 At sinabi ni Samuel, Anong kahulugan nga nitong iyak ng tupa sa aking pakinig, at ng ungal ng mga baka na aking naririnig?
15 At sinabi ni Saul, Sila'y dinala mula sa mga Amalecita: (L)sapagka't ang bayan ay nagligtas ng pinakamabuti sa mga tupa at sa mga baka, upang ihain sa Panginoon mong Dios; at ang natira ay aming lubos na nilipol.
16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, Tumigil ka, at aking sasaysayin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin nang gabing ito. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.
17 At sinabi ni Samuel, (M)Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ka ba ginawang pangulo sa mga lipi ng Israel? At pinahiran ka ng langis ng Panginoon na maging hari sa Israel;
18 At sinugo ka ng Panginoon sa isang paglalakbay, at sinabi, Ikaw ay yumaon, at iyong lubos na lipulin ang mga makasalanang Amalecita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y malipol.
19 Bakit nga hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay (N)dumaluhong sa pananamsam, at ikaw ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon?
20 At sinabi ni Saul kay Samuel, Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y yumaon sa daan na pinagsuguan sa akin ng Panginoon, at aking dinala si Agag na hari ng Amalec, at aking lubos na nilipol ang mga Amalecita.
21 Nguni't ang bayan ay kumuha sa samsam ng mga tupa at mga baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay, upang ihain sa Panginoon mong Dios sa Gilgal.
22 At sinabi ni Samuel, (O)Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon? Narito, (P)ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.
23 Sapagka't ang panghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng pagsamba sa mga diosdiosan at sa mga terap. Sapagka't dahil sa iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, ay (Q)kaniya namang itinakuwil ka upang huwag ka nang maging hari.
24 At sinabi ni Saul kay Samuel, Ako'y nagkasala; sapagka't (R)ako'y sumalangsang sa utos ng Panginoon, at sa iyong mga salita; sapagka't ako'y natakot sa bayan, at sumunod sa kanilang tinig.
25 Ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik ka uli na kasama ko, upang ako'y sumamba sa Panginoon.
26 At sinabi ni Samuel kay Saul, Hindi ako babalik na kasama mo; (S)sapagka't iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon upang huwag ka nang maging hari sa Israel.
27 At nang pumihit si Samuel upang yumaon, (T)siya'y pumigil sa laylayan ng kaniyang balabal, at nahapak.
28 At sinabi ni Samuel sa kaniya, Hinapak sa iyo (U)ng Panginoon ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapuwa, na maigi kay sa iyo.
29 At ang Lakas ng Israel naman ay (V)hindi magbubulaan o magsisisi man; sapagka't siya'y hindi isang tao na magsisisi.
30 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala: gayon ma'y parangalan mo ako ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa harap ng mga matanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at (W)bumalik ka uli na kasama ko upang aking sambahin ang Panginoon mong Dios.
31 Gayon bumalik uli na sumunod si Samuel kay Saul; at sumamba si Saul sa Panginoon.
Pinatay si Agag.
32 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalecita. At masayang naparoon si Agag sa kaniya. At sinabi ni Agag, Tunay na ang kapaitan ng kamatayan ay nakaraan na.
33 At sinabi ni Samuel, (X)Kung paanong niwalan ng anak ng iyong tabak ang mga babae, ay magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak, sa gitna ng mga babae. At pinagputolputol ni (Y)Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa (Z)Gilgal.
34 Nang magkagayo'y naparoon si Samuel sa (AA)Rama, at si Saul ay sumampa sa kaniyang bahay sa (AB)Gabaa ni Saul.
35 At si Samuel ay hindi na bumalik na napakitang muli kay Saul hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan; (AC)sapagka't tinangisan ni Samuel si Saul: at ang Panginoon ay (AD)nagdamdam na kaniyang nagawang hari si Saul sa Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978