1 Samuel 10-12
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
10 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul. Hinagkan niya si Saul at sinabi, “Ang Panginoon ang pumili sa iyo na mamuno sa kanyang bayan. 2 Pag-alis mo ngayon, may makakasalubong kang dalawang tao malapit sa libingan ni Raquel sa Zelza, sa hangganan ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap ninyo. At ngayon, hindi na ang mga asno ang inaalala ng iyong ama kundi kayo na. Patuloy niyang itinatanong, “Ano ang gagawin ko para makita ko ang aking anak?” ’
3 “Pagdating mo sa malaking puno ng Tabor, may makakasalubong kang tatlong tao na pupunta sa Betel para sumamba sa Dios. Ang isa sa kanilaʼy may dalang tatlong batang kambing, ang isaʼy may dalang tatlong tinapay at ang isa naman ay may dalang katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 4 Babatiin ka nila at aalukin ng dalawang tinapay na tatanggapin mo naman. 5 Pagdating mo sa bundok ng Dios sa Gibea, kung saan may kampo ng mga Filisteo, may makakasalubong kang grupo ng mga propeta pababa galing sa sambahan sa mataas na lugar. Tumutugtog sila ng lira, tamburin, plauta at alpa, at nagpapahayag ng mensahe ng Dios. 6 At sasaiyo ang Espiritu ng Panginoon at magpapahayag ka ng mensahe ng Dios kasama nila, at mababago na ang pagkatao mo. 7 Kapag nangyari na ang mga bagay na ito, gawin mo kung ano ang mabuti dahil kasama mo ang Dios.
8 “Mauna ka na sa akin sa Gilgal. Susunod ako para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] Pero hintayin mo ako sa loob ng pitong araw hanggang sa dumating ako, at pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
Ginawang Hari si Saul
9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, binago ng Dios ang buhay ni Saul, at ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel ay nangyari nang araw na iyon. 10 Pagdating ni Saul at ng kanyang utusan sa Gibea, sinalubong siya ng mga propeta. Napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios kasama ng mga propetang iyon. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya na nagpapahayag ng mensahe ng Dios kasama ng mga propeta, tinanong nila ang isaʼt isa, “Propeta na rin ba si Saul? Paano naging propeta ang anak ni Kish?” 12 Sumagot ang isang taga-roon, “Hindi na mahalaga kung sino ang kanyang ama; kahit sino ay pwedeng maging propeta.” Dito nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
13 Pagkatapos magpahayag ng mensahe ng Dios, pumunta si Saul sa sambahan sa mataas na lugar. 14 Nagtanong ang tiyuhin ni Saul sa kanya at sa kanyang utusan, “Saan kayo nanggaling?” Sumagot si Saul, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi po namin makita ay pumunta kami kay Samuel.” 15 Sinabi ng tiyuhin ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa iyo.” 16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na ang mga asno.” Pero hindi niya sinabi sa tiyuhin niya ang sinabi ni Samuel tungkol sa kanyang pagiging hari.
17 Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 18 Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo. 19 Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”
20 Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili. 21 Pagkatapos, pinapunta ni Samuel sa harapan ang lahi ni Benjamin ayon sa sambahayan at ang pamilya ni Matri ang napili. Si Saul na anak ni Kish ang napili sa pamilya ni Matri, pero nang hanapin nila si Saul ay hindi nila ito makita. 22 Kaya tinanong nila ang Panginoon, “Nasaan po siya?” Sumagot ang Panginoon, “Nandito siya. Nagtatago siya sa bunton ng mga bagahe.” 23 Kaya tumakbo sila papunta kay Saul at kinuha siya. Nang pinatayo siya sa gitna, siya ang pinakamatangkad sa lahat. 24 Sinabi ni Samuel sa lahat ng mga tao, “Ito ang taong pinili ng Panginoon para maghari sa inyo. Wala ni isa man sa atin na katulad niya.” At sumigaw ang lahat ng tao, “Mabuhay ang hari!”
25 Ipinaliwanag ni Samuel sa mga tao ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Isinulat niya ito sa isang nakarolyong papel at itinago ito sa bahay ng Panginoon. Pagkatapos, pinauwi ni Samuel ang mga tao. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay nila sa Gibea. Sinamahan siya ng mga sundalo na hinipo ng Dios ang puso para sumama sa kanya. 27 Dahil may masasamang taong nanlalait kay Saul na nagsabi, “Paano tayo maililigtas ng taong ito?” At hindi sila nagbigay ng regalo kay Saul bilang parangal sa kanya bilang hari. Pero hindi sila pinansin ni Saul.
Iniligtas ni Saul ang Lungsod ng Jabes
11 Nang panahong iyon, pinaligiran ni Nahash na hari ng mga Ammonita at ng mga kasama niyang sundalo ang lungsod ng Jabes Gilead. At sinabi ng mga mamamayan ng Jabes sa kanya, “Gumawa kayo ng kasunduan sa amin at magpapasakop kami sa inyo.” 2 Sumagot si Nahash, “Payag ako, sa isang kundisyon. Dudukitin ko ang kanang mata ng bawat isa sa inyo para mapahiya ang buong Israel.” 3 Sinabi ng mga tagapamahala ng Jabes, “Bigyan mo kami ng pitong araw para maikalat ang mensaheng ito sa buong Israel. Kung walang tulong na darating sa amin, susuko kami sa inyo.”
4 Dumating ang mga mensahero sa Gibea, kung saan nakatira si Saul. Nang sabihin nila sa mga tao ang sinabi ni Nahash, humagulgol ang lahat. 5 Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya na hinihila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes. 6 Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagalit siya nang matindi. 7 Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasama kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumama sila sa kanya. 8 Tinipon sila ni Saul sa Bezek; 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 ang galing sa Juda. 9 Sinabi nila sa mga mensahero ng Jabes Gilead, “Sabihin ninyo sa mga kababayan ninyo, bukas ng tanghali, maliligtas kayo.” Nang sabihin ito ng mga mensahero sa mga kababayan nila, tuwang-tuwa ang lahat. 10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas susuko kami sa inyo at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”
11 Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
12 Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”
13 Pero sinabi ni Saul, “Walang papatayin ni isa man sa araw na ito, dahil ngayon ay iniligtas ng Panginoon ang Israel.” 14 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Pupunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari natin.” 15 Kaya pumunta silang lahat sa Gilgal at pinagtibay ang pagiging hari ni Saul sa presensya ng Panginoon. Nag-alay sila roon ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagkaroon sila ng malaking pagdiriwang.
Mga Huling Pananalita ni Samuel
12 Sinabi ni Samuel sa lahat ng Israelita, “Sinunod ko ang mga hiniling ninyo sa akin; binigyan ko kayo ng hari na mamumuno sa inyo. 2 Ngayon, may hari na kayo bilang inyong pinuno. Matanda na ako, at maputi na ang buhok. At kasama naman ninyo ang mga anak ko. Naging pinuno nʼyo na ako mula pa noong kabataan ko. 3 Narito ako ngayon sa harapan ninyo. Kung may nagawa akong masama sa inyo sabihin ninyo sa akin sa presensya ng Panginoon at ng kanyang piniling hari. May kinuha ba akong baka o asno sa sinuman sa inyo? May dinaya o ginipit ba ako sa inyo? Tumanggap ba ako ng suhol para balewalain ang kasalanang nagawa nang sinuman? Kung mapapatunayan ninyo na nagawa ko ang isa man sa mga bagay na ito, pananagutan ko ito.”
4 Sumagot ang mga tao, “Hindi po ninyo kami dinaya o ginipit man. Wala rin po kayong kinuhang anuman sa kahit kanino sa amin.” 5 Sinabi ni Samuel sa kanila, “Sa araw na ito, saksi ang Panginoon at ang kanyang piniling hari na wala kayong maisusumbat sa akin.” Sumagot ang mga tao, “Opo, saksi ang Panginoon.” 6 Sinabi ni Samuel, “Ang Panginoon ang pumili kina Moises at Aaron na maging pinuno ng inyong mga ninuno, at siya rin ang naglabas sa kanila sa Egipto. 7 Ngayon tumayo kayo sa presensya ng Panginoon dahil ipapaalala ko sa inyo ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8 “Noong nasa Egipto pa ang lahi ni Jacob, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Ipinadala ng Panginoon sina Moises at Aaron na naglabas sa kanila sa Egipto at nagdala sa kanila sa lupaing ito. 9 Pero kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios kaya hinayaan ng Panginoon na matalo sila ni Sisera na kumander ng mga sundalo ng Hazor, ng mga Filisteo at ng hari ng Moab. 10 Humingi na naman sila ng tulong sa Panginoon at sinabi, ‘Nagkasala kami, Panginoon. Tinalikuran namin kayo at sumamba sa imahen ni Baal at Ashtoret. Pero ngayon, iligtas nʼyo po kami sa kamay ng mga kalaban namin at sasambahin namin kayo.’ 11 Pagkatapos, isinugo ng Panginoon sina Gideon,[b] Barak, Jefta at ako; at iniligtas namin kayo sa kamay ng mga kalaban ninyo na nasa paligid at namuhay kayo nang ligtas sa anumang kapahamakan. 12 Pero nang salakayin kayo ni Haring Nahash ng mga Ammonita, humingi kayo sa akin ng haring mamumuno sa inyo, kahit na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang hari ninyo. 13 Narito na ngayon ang pinili ninyong hari. Tingnan ninyo! Hiningi ninyo siya at ibinigay siya sa inyo ng Panginoon. 14 Kung kayo at ang hari ninyo ay mamumuhay nang may takot sa Panginoon, susunod sa mga utos niya, at maglilingkod sa kanya, walang masamang mangyayari sa inyo. 15 Pero kung hindi kayo susunod sa Panginoon at sa mga utos niya, parurusahan niya kayo gaya ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.
16 “Manatili kayo sa kinaroroonan ninyo at tingnan ninyo ang kamangha-manghang bagay na gagawin ng Panginoon sa inyong harapan. 17 Hindi baʼt panahon ngayon ng pag-aani ng trigo at hindi umuulan? Pero mananalangin ako sa Panginoon na magpakulog at magpaulan, at nang mapag-isip-isip ninyo kung gaano kasama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon nang humingi kayo ng hari.”
18 Nanalangin nga si Samuel, at nang araw na iyon, nagpakulog at nagpaulan ang Panginoon. Pinagharian ang lahat ng tao ng matinding takot sa Panginoon at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin nʼyo po kami sa Panginoon na iyong Dios upang hindi kami mamatay, dahil dinagdagan namin ang aming mga kasalanan nang humingi kami ng hari.” 20 Sumagot si Samuel, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon, kundi paglingkuran ninyo siya nang buong puso. 21 Huwag kayong susunod sa mga walang kwentang dios-diosan. Hindi sila makakatulong o makakapagligtas sa inyo. 22 Alang-alang sa kanyang pangalan, hindi kayo pababayaan ng Panginoon. Ikinalulugod niyang gawin kayong mga mamamayan niya.
23 “Tungkol naman sa akin, hindi ako titigil ng pananalangin sa Panginoon para sa inyo dahil kung magkaganoon, magkakasala ako sa Panginoon. Tuturuan ko rin kayong mamuhay nang tama at matuwid. 24 Pero dapat kayong magkaroon ng takot sa Panginoon at maglingkod sa kanya nang tapat at buong puso. Alalahanin ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa inyo. 25 Pero kung magpapatuloy kayo sa kasalanan, kayo at ang hari ninyo ay lilipulin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®