Add parallel Print Page Options

Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)

10 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[a] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.

Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”

10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.

13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.

Ang mga Kayamanan ni Solomon(C)

14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[b] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.

16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.

18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.

21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.

23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.

Mga Sasakyan ni Solomon

26 Nagtatag(D) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(E) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(F) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.

Footnotes

  1. 1 katanyagan ni Solomon: o kaya'y ang kaalaman ni Solomon tungkol kay Yahweh .
  2. 15 buwis: Sa ibang manuskrito'y mga tauhan .