1 Mga Hari 10:14-25
Magandang Balita Biblia
Ang mga Kayamanan ni Solomon(A)
14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[a] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.
23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.
Read full chapterFootnotes
- 1 Mga Hari 10:15 buwis: Sa ibang manuskrito'y mga tauhan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.