Add parallel Print Page Options

Si David na hari nga ay matanda at totoong magulang na; at kanilang tinakpan siya ng mga kumot, nguni't siya'y hindi naiinitan.

Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kaniya, Ihanap ang aking panginoon na hari ng isang dalaga: at patayuin siya sa harap ng hari, at libangin niya siya; at mahiga siya sa iyong sinapupunan, upang ang aking panginoon na hari ay mainitan.

Sa gayo'y inihanap nila siya ng isang magandang dalaga sa lahat ng mga hangganan ng Israel, at nasumpungan si Abisag na Sunamita, at dinala sa hari.

At ang dalaga ay totoong maganda: at kaniyang nilibang ang hari at nagaalaga sa kaniya; nguni't hindi siya ginalaw ng hari.

Nang magkagayo'y nagmataas si Adonia na anak ni Haggith, na nagsabi, Ako'y magiging hari: at siya'y naghanda ng mga karo at mga mangangabayo, at limang pung lalaking mananakbo sa unahan niya.

At hindi siya kinasamaan ng loob ng kaniyang ama kailan man, na nagsabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? at siya'y totoong makisig na lalake rin naman; at siya'y ipinanganak na kasunod ni Absalom.

At siya'y nakipagsalitaan kay Joab na anak ni Sarvia, at sa saserdoteng kay Abiathar: at pagsunod nila kay Adonia ay nagsitulong sa kaniya.

Nguni't si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at si Nathan na propeta, at si Semei, at si Reihi, at ang mga makapangyarihang lalake na nauukol kay David, ay hindi kasama ni Adonia.

At nagpatay si Adonia ng mga tupa, at mga baka at ng mga pinataba sa siping ng bato ng Zoheleth, na nasa tabi ng Enrogel: at kaniyang tinawag ang lahat niyang kapatid na mga anak ng hari, at ang lahat na lalake sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Nguni't si Nathan na propeta, at si Benaia, at ang mga makapangyarihang lalake, at si Salomon na kaniyang kapatid ay hindi niya tinawag.

11 Nang magkagayo'y nagsalita si Nathan kay Bath-sheba na ina ni Salomon, na nagsasabi, Hindi mo ba nabalitaan na naghahari si Adonia na anak ni Haggith, at hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Ngayon nga'y parito ka, isinasamo ko sa iyo, na bigyang payo kita, upang iyong mailigtas ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Salomon.

13 Ikaw ay yumaon, at pasukin mo ang haring si David, at sabihin mo sa kaniya, Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan? bakit nga maghahari si Adonia?

14 Narito, samantalang nagsasalita ka pa roon sa hari, ay papasok naman ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.

15 At pinasok ni Bath-sheba ang hari sa silid; at ang hari ay totoong matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nagaalaga sa hari.

16 At si Bath-sheba ay yumukod at nagbigay galang sa hari. At sinabi ng hari, Anong ibig mo?

17 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon ko, isinumpa mo ang Panginoon mong Dios sa iyong lingkod, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan.

18 At ngayo'y narito, si Adonia ay naghahari; at ikaw, panginoon ko na hari, ay hindi mo nalalaman;

19 At siya'y pumatay ng mga baka, at mga pinataba, at tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at si Abiathar na saserdote, at si Joab na puno ng hukbo: nguni't si Salomon na iyong lingkod ay hindi niya tinawag.

20 At ikaw, panginoon ko na hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, upang iyong saysayin sa kanila kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya.

21 Sa ibang paraa'y mangyayari, na pagka ang aking panginoon na hari ay natutulog na kasama ng kaniyang mga magulang, na ako at ang aking anak na si Salomon ay mabibilang sa mga may sala.

22 At, narito, samantalang siya'y nakikipagsalitaan pa sa hari, ay pumasok si Nathan na propeta.

23 At kaniyang isinaysay sa hari, na sinasabi, Narito, si Nathan na propeta. At nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod ng kaniyang mukha sa lupa sa harap ng hari.

24 At sinabi ni Nathan, Panginoon ko, Oh hari, iyo bang sinabi, Si Adonia ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan?

25 Sapagka't siya'y lumusong nang araw na ito, at nagpatay ng mga baka, at mga pinataba, at mga tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at ang mga puno ng hukbo, at si Abiathar na saserdote; at, narito, sila'y nagkakainan at nagiinuman sa harap niya at nagsisipagsabi, Mabuhay ang haring si Adonia.

26 Nguni't ako, akong iyong lingkod, at si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Salomon, hindi niya tinawag.

27 Ang bagay na ito baga ay ginawa ng aking panginoon na hari, at hindi mo ipinakilala sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya?

28 Nang magkagayo'y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya'y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari.

29 At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng karalitaan,

30 Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.

31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David magpakailan man.

32 At sinabi ng haring si David, Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila'y pumasok sa harap ng hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

34 At pahiran siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

35 Kung magkagayo'y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya'y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka't siya'y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda.

36 At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din.

37 Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

38 Sa gayo'y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo, at ang mga Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon.

39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. At sila'y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa't ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.

41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay?

42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka't ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita.

43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David:

44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari:

45 At siya'y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila'y nagsiahong galak mula roon, na anopa't ang bayan ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig.

46 At si Salomon naman ay nauupo sa luklukan ng kaharian.

47 At bukod dito'y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; at ang hari ay yumukod sa kaniyang higaan.

48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.

49 At ang lahat na inanyayahan ni Adonia ay nangatakot at nagsitindig, at yumaon bawa't isa sa kaniyang lakad.

50 At natakot si Adonia dahil kay Salomon: at siya'y tumindig at yumaon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

51 At nasaysay kay Salomon na sinasabi, Narito, si Adonia ay natatakot sa haring Salomon: sapagka't, narito, siya'y pumigil sa mga anyong sungay ng dambana, na nagsasabi, Isumpa ng haring Salomon sa akin sa araw na ito, na hindi niya papatayin ng tabak ang kaniyang lingkod.

52 At sinabi ni Salomon, Kung siya'y pakikilalang karapatdapat na tao, ay walang malalaglag na isang buhok sa kaniya sa lupa; nguni't kung kasamaan ang masumpungan sa kaniya siya'y mamamatay.

53 Sa gayo'y nagsugo ang haring Salomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay galang sa haring Salomon; at sinabi ni Salomon sa kaniya, Umuwi ka sa iyong bahay.

Ang mga Huling Araw ni Haring David

Matandang-matanda na si Haring David at kahit kumutan pa siya ng makapal ay giniginaw pa rin siya. Kaya sinabi ng kanyang mga lingkod, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po kaming maghanap ng isang dalagita na mag-aalaga sa inyo. Tatabihan po niya kayo para hindi kayo ginawin.” Kaya naghanap sila ng magandang dalagita sa buong Israel, at nakita nila si Abishag na taga-Shunem, at dinala nila siya sa hari. Talagang maganda si Abishag at naging tagapag-alaga siya ng hari. Pero hindi sumiping ang hari sa kanya.

Gusto ni Adonia na Maging Hari

Ngayon, si Adonia na anak ni David kay Hagit ay nagmamayabang na siya ang susunod na magiging hari. Kaya naghanda siya ng mga karwahe at mga kabayo[a] at 50 tao na magsisilbing tagabantay na mauuna sa kanya. Hindi siya kailanman pinakialaman ng kanyang ama na si David, at hindi sinaway sa kanyang mga ginagawa. Napakaguwapong lalaki ni Adonia at ipinanganak siyang kasunod ni Absalom. Nakipag-usap siya kay Joab na anak ni Zeruya at sa paring si Abiatar tungkol sa balak niyang maging hari, at pumayag ang dalawa na tumulong sa kanya. Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaya na anak ni Jehoyada, gayon din sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

Isang araw, pumunta si Adonia sa Bato ng Zohelet malapit sa En Rogel at naghandog siya roon ng mga tupa, mga baka, at mga pinatabang guya. Inimbita niya ang halos lahat ng kapatid niyang lalaki kay David at ang halos lahat ng pinuno ng Juda. 10 Pero hindi niya inimbita ang propetang si Natan, si Benaya, ang magigiting na bantay ng hari at si Solomon na kanyang kapatid.

11 Pumunta si Natan kay Batsheba na ina ni Solomon, at nagtanong, “Hindi mo ba alam na ang anak ni Hagit na si Adonia ay ginawang hari ang sarili at hindi ito alam ni Haring David? 12 Kung gusto mong maligtas ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon, sundin mo ang payo ko. 13 Puntahan mo si Haring David at sabihin mo sa kanya, ‘Mahal na Hari, hindi po baʼt nangako kayo sa akin na ang anak nating[b] anak na si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari? Bakit si Adonia po ang naging hari?’ 14 At habang nakikipag-usap ka sa hari, papasok ako at patutunayan ko ang iyong sinasabi.”

15 Kaya nagpunta si Batsheba sa kwarto ng hari. Matanda na talaga ang hari at si Abishag na taga-Shunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumukod si Batsheba at lumuhod sa hari bilang paggalang. Tinanong siya ng hari, “Ano ang kailangan mo?”

17 Sumagot si Batsheba, “Mahal na Hari, nangako po kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon na inyong Dios, na ang anak nating si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari. 18 Ngunit ipinalagay ni Adonia na siya na ang hari ngayon, at hindi mo ito alam. 19 Naghandog siya ng maraming torong baka, mga pinatabang guya at mga tupa. Inanyayahan niya ang lahat ng anak mong lalaki, maliban kay Solomon na iyong lingkod. Inanyayahan din niya ang paring si Abiatar at si Joab na kumander ng inyong mga sundalo. 20 Ngayon, Mahal na Hari, naghihintay po ang mga Israelita sa inyong pasya kung sino po ang papalit sa inyo bilang hari. 21 Kung hindi kayo magpapasya, ako at ang anak nating si Solomon ay ituturing nilang traydor kapag namatay kayo.”

22 Habang nakikipag-usap si Batsheba sa hari, dumating ang propetang si Natan. 23 Pumunta sa silid ng hari ang kanyang lingkod at sinabi na dumating si Natan at nais siyang makausap, kaya ipinatawag siya ng hari. Pagpasok ni Natan nagpatirapa siya sa hari bilang paggalang, 24 at sinabi, “Mahal na Hari, sinabi po ba ninyong si Adonia ang siyang papalit sa inyo bilang hari? 25 Ngayong araw na ito, naghandog siya ng maraming toro, pinatabang guya at mga tupa. At inimbita niya ang halos lahat ng inyong anak na lalaki, ang kumander ng iyong mga sundalo at ang paring si Abiatar. Ngayoʼy kumakain at nag-iinuman sila at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonia!’ 26 Pero ako na inyong lingkod ay hindi niya inimbita, pati na rin ang paring si Zadok, si Benaya na anak ni Jehoyada at si Solomon na inyong lingkod. 27 Ito po ba ang pasya ninyo, Mahal na Hari, na hindi nʼyo na ipinaalam sa amin kung sino ang papalit sa inyo bilang hari?”

Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari

28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari. 29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan, 30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”

31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman,[c] Mahal na Haring David!” 32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola[d] at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno. 34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”

36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito. 37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.” 38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon. 39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.

41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?” 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.” 43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon. 44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig. 46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari. 47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon, 48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”

49 Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonia, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis. 50 Natakot din si Adonia kay Solomon, kaya pumunta siya sa tolda na sinasambahan at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[e]

51 May nagsabi kay Solomon, “Natakot sa inyo si Adonia, at ngayoʼy nakahawak siya sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.” 52 Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak.[f] Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.” 53 Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonia roon sa altar, at pagdating ni Adonia, yumukod siya kay Haring Solomon bilang paggalang. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”

Footnotes

  1. 1:5 mga kabayo: o, mga mangangarwahe.
  2. 1:13 nating: sa literal, kong. Ganito rin sa talatang 17.
  3. 1:31 magpakailanman: o, nang matagal.
  4. 1:33 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
  5. 1:50 Ang sinumang hahawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar ay hindi papatayin.
  6. 1:52 hindi siya mapapahamak: sa literal, wala ni kahit isang buhok niya na mahuhulog sa lupa.