1 Macabeo 6
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pagkamatay ni Haring Antioco IV(A)
6 Minsa'y naglalakbay ang Haring Antioco IV sa mga lalawigan sa loob ng bansa. Nabalitaan niya na ang Elymas sa Persia ay kilala dahil sa dami ng pilak at ginto. 2 Ang templo nito ay napakayaman at may mga gintong helmet, kasuotang bakal, at mga sandata. Ang mga ito ay iniwan doon ni Alejandrong anak ni Haring Felipe ng Macedonia, ang kauna-unahang hari sa Grecia. 3 Sa paghahangad ni Antiocong matamo ang mga kayamanang ito, binalak niyang lusubin ang lunsod. Ang balak na ito ay umabot sa kaalaman ng mga tagaroon. Nabigo ang kanyang plano, 4 sapagkat nilabanan siya ng mga tagaroon. Malungkot siyang umatras at nagbalik sa Babilonia.
5 Nasa Persia ang Haring Antioco nang may magbalita sa kanya na nasindak at umatras ang mga hukbong pinasalakay sa Judea. 6 Nabalitaan din niya na si Lisias at ang malaking hukbo nito ay napaatras din ng mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita'y bantog na sa lakas dahil sa nabihag nilang mga tauhan at kagamitan ng mga hukbong kanilang nalupig. 7 Umabot(B) din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.
8 Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit. 9 Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay. 10 Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, “Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala. 11 Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala. 12 Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan. 13 Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain.”
14 Tinawag niya si Felipe, isa sa kanyang matalik na kaibigan, at ipinagkatiwala rito ang pangangasiwa sa buong kaharian. 15 Ibinigay niya rito ang korona, mga kasuotan at ang singsing ng kapangyarihan, ipinagkatiwala sa kanya ang pangangalaga at pagtuturo sa anak niyang si Antioco hanggang sa ito'y maging ganap na hari. 16 Matapos maipagbilin ang lahat, namatay sa Persia si Haring Antioco nang taóng 149.
17 Nang malaman ni Lisias ang pagkamatay ng hari, pinutungan niya agad ang anak ng hari na si Antioco, ang batang pinalaki niya at sinanay upang maghari kung sakaling mamatay na ang matandang hari. Binigyan niya ito ng titulong Eupator.
Ang Paglalaban nina Antioco V at Judas Macabeo(C)
18 Sa kabilang dako, ang mga Israelita ay patuloy na ginugulo ng mga kaaway na nasa kuta ng Jerusalem. Sila rin ang humahadlang sa mga Israelita sa pagpunta sa Templo, at tumutulong sa mga Hentil. 19 Kaya, tinipon ni Judas ang lahat ng mga kasamahan, at pinalibutan at kinubkob nila ang muog. 20 Matapos gumawa ng kanilang tanggulan at iba pang sandatang kailangan, sinalakay nila ang muog noong taóng 150.
21 May mga nakulong sa muog na nakatakas at sinamahan ng mga nagtaksil na Israelita. 22 Ang mga ito'y nagpunta sa hari, at ganito ang sinabi: “Kailan pa ninyo igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming mga kababayan? 23 Naglingkod kami sa inyong ama nang maluwag sa aming kalooban at sinunod ang lahat ng kanyang utos. 24 Ngunit anong napala namin? Kinalaban kami ng aming mga kababayan,[a] at marami sa amin ang pinatay saka inagawan ng ari-arian. 25 Hindi lamang kami ang pinag-initan nila, kundi lahat ng mga kalapit nilang lupain. 26 Pati ang muog ng Jerusalem ay kinubkob nila para sakupin. Maging ang Templo at ang Beth-sur ay nilagyan nila ng kuta. 27 Kapag hindi ito napigil, higit diyan ang kanilang gagawin, at hindi na ninyo sila mapipigil.”
28 Nang marinig ito ng hari, nagalit siya. Tinawag niyang lahat ang kanyang mga kaibigan, ang mga pinuno ng hukbo at lahat ng pinuno ng mangangabayo. 29 Kumuha pa siya ng mga upahang kawal mula sa mga bansang Griego. 30 Nakabuo siya ng napakalakas na hukbo na binubuo ng 100,000 hukbong-lakad, 20,000 hukbong nakakabayo, at 32 sinanay na mga elepante. 31 Lumabas sila at tumawid sa lupain ng Edom at nagkampo sa tapat ng Beth-sur. Gumawa sila ng mga sandatang panalakay. Pagkatapos, sinalakay nila ang Beth-sur. Maraming araw nila itong nilusob, ngunit ubos-lakas na nagtanggol ang mga Judio; lumabas ang mga ito at sinunog ang mga kagamitang panalakay ng hari.
32 Iniwan ni Judas ang muog at nagkampo sa Beth-Zacarias para hadlangan ang hukbo ng hari. 33 Hindi ito nalingid sa kaalaman ng hari, kaya't maaga siyang bumangon para ihanda ang kanyang hukbo sa daang patungo sa Beth-Zacarias. Ang mga tambuli'y hinipan habang naghahanda ang mga hukbo sa napipintong labanan. 34 Ipinakita nila sa mga elepante ang katas ng ubas at iba pang alak para magalit ang mga ito, at inihanda sila sa paglaban. 35 Isang elepante ang itinalaga sa bawat isang libong kawal na pawang sandatahan at may mga kasuotang bakal. Sa bawat pangkat, 500 nakakabayo naman ang isinama. 36 Ang mga ito ay itinalaga sa elepante upang mangalaga dito at sundan ito saanman pumunta. 37 Sa likod ng bawat elepante ay nagtayo sila ng isang toreng bantayan. Ito'y yari sa kahoy at nakatali para hindi maalis. Tatlong[b] kawal ang nakasakay dito, bukod pa sa rumirenda rito. 38 Ang mga mangangabayo ay nakaagapay sa magkabilang panig ng hukbo upang sila'y mapangalagaan ng mga kasamahan habang sinasagupa ang kaaway. 39 Kung masinagan ng araw ang mga ginto at tansong kasuotan, ang kinang ng mga ito ay parang nagniningas na mga sulo sa kabundukan. 40 Sa kahabaan ng hanay ng hukbo, ito'y umaabot mula sa kaburulan hanggang sa kapatagan, ngunit ito'y maayos na lumalakad. 41 Sa lakas ng hukbong ito, lahat ng makarinig sa ingay at kalansing ng sandata ng mga kawal habang nagmamartsa ay nanginginig sa takot.
42 Hinarap ng hukbo ni Judas ang mga kaaway at 600 agad sa kawal ng hari ang nasawi. 43 Ang pinakamalaking elepante na tinatawag ding Avaran ay nakita ni Eleazar. Palibhasa'y nababalutan itong mabuti, inisip niyang dito nakasakay ang hari. 44 Ipinasya niyang ialay ang sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kababayan at upang siya'y mabantog. 45 Kaya't sumugod siya at lahat ng maraanan niya sa kaliwa't kanan ay kanyang pinapaslang. 46 Pagsapit niya sa elepante, nagtuloy siya sa ilalim nito upang saksakin ang tiyan ng hayop. Nabagsakan siya nito at kapwa sila namatay. 47 Nang makita ng mga Israelita ang lakas ng hukbo ng hari at handang makipagdigma nang husto, umatras sila.
48 Isang pangkat ng hukbo ng hari ang tumuloy sa Jerusalem upang sila'y salakayin. Ang hari ay humimpil sa Judea at sa Bundok ng Zion. 49 Nakipagkasundo siya sa mga taga-Beth-sur na noo'y umalis sa lunsod sapagkat naubusan na ng pagkain. Noon ay taon ng pamamahinga ng mga bukirin. 50 Sinakop ng hari ang Beth-sur at naglagay siya doon ng mga kawal upang magbantay. 51 Matagal nilang pinalibutan upang sakupin ang Templo. Nagtayo sila ng mga kuta at lumusob na may iba't ibang sandatang pandigma tulad ng kasangkapang panghagis ng apoy, bato, at mga pana. 52 Gumanti ang mga Judio na may mahuhusay ding kagamitang pandigma. Matagal silang lumaban. 53 Ngunit kinapos ang mga Israelita ng pagkain. Noon ay taon ng pamamahinga ng mga bukirin at ubos na ang pagkain sa bodega sapagkat kasama rin sa pagkain ang mga Judiong dinala sa Judea pagkatapos na iniligtas sa mga Hentil. 54 Madalang na ang tao sa Templo. Nagkawatak-watak ang marami at ang iba nama'y nagsiuwi na dahil sa gutom.
55 Samantala, si Felipe na pinagkatiwalaan ng Haring Antioco na magturo sa kanyang anak at ito'y ihanda sa pagiging hari, 56 ay dumating mula sa Persia at Media, kasama ang hukbo ng namatay na hari. Balak niyang agawin ang pamahalaan. 57 Nabalitaan ito ni Lisias, kaya sinabi niya sa hari, sa mga pinuno at sa buong hukbo, “Umuwi na tayo. Nadarama kong humihina tayo araw-araw. Kakaunti na ang ating pagkain. Malakas ang ating sinasakop. Mabuti pa'y ang ating kaharian na lamang ang pangalagaan natin. 58 Makipagkasundo na tayo sa mga taong ito. 59 Pabayaan na natin silang sumunod sa kanilang mga kautusan at kaugalian, tulad noong araw. Nagagalit sila sapagkat ipinagbawal natin ang pinaniniwalaan nilang mga utos ng Diyos.”
60 Ang mungkahing ito'y sinang-ayunan ng hari at ng mga pinuno. Nagpahatid sila ng alok na makipagkasundo sa mga Judio at pumayag naman ang mga ito. 61 Nang maisaayos ang kasunduan, lumabas ang mga Judio sa kanilang mga kuta. 62 Ngunit natuklasan ng hari nang siya ay pumasok dito na malakas ang tanggulan ng Bundok ng Zion. Sinira niya ang kanyang pangakong sinumpaan at ipinawasak ang pader na nakapaligid dito. 63 Pagkatapos, nagdudumali siyang bumalik sa Antioquia na noo'y hawak na ni Felipe. Sinalakay niya ito, at makaraan ang mahigpit na labanan, naagaw niya ang lunsod.