1 Macabeo 16
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
16 Umalis sa Gezer si Juan na anak ni Simon at iniulat sa kanyang ama ang ginawa ni Cendebeo. 2 Sinabi ni Simon kina Juan at Judas, na dalawa niyang pinakamatandang anak, “Ang buong pamilya ng aking ama, ang aking mga kapatid, at ako ay nakipagdigma sa pagtatanggol sa Israel at marami kaming tagumpay na natamo sa hangaring iligtas ang ating bansa. 3 Ako'y matanda na, ngunit salamat sa Diyos, kayo ay nasa kasibulan. Kailangang kayo ang pumalit sa akin at sa aking kapatid sa pakikipaglaban para sa ating bansa. At sumainyo nawa ang Diyos.”
4 Nagtipon si Juan ng 20,000 piling kawal na Israelita at mga mangangabayo, at lumabas sila upang harapin si Cendebeo. Sa Modein sila nagpalipas ng magdamag, 5 at maagang-maaga pa kinabukasan ay tumuloy sila sa kapatagan. Sinalubong sila roon ng isang malaking hukbong sundalo at mangangabayo, subalit may nakapagitan sa kanila na isang ilog. 6 Humanda si Juan at ang kanyang hukbo sa pakikipaglaban at humarap sa kalaban, ngunit nang makita niyang takot lumusong sa tubig ang kanyang mga kawal nauna siyang tumawid. Nang makita ito ng mga kawal, sumunod na sila. 7 Hinati ni Juan ang kanyang hukbo at ipinagitna ang mga kabayuhan sapagkat mas marami ang mangangabayo ng kaaway. 8 Inihudyat ng mga trumpeta ang pagsalakay at nalupig si Cendebeo at ang kanyang hukbo; maraming nasawi sa kanila. Ang natirang buháy ay tumakas na pabalik sa kanilang tanggulan sa Kidron. 9 Si Judas ay nasugatan sa labanan, ngunit ang kapatid niyang si Juan ay humabol sa mga tumatakas na kaaway hanggang sa Kidron, ang lunsod na muling itinayo ni Cendebeo. 10 Ang iba pang tumatakas na mga kawal ay nagpunta sa mga tore sa bukirin ng Asdod. Sinunog ni Juan ang lunsod at nang araw na iyon, dalawang libong kawal ng kaaway ang nasawi. Si Juan ay ligtas na nagbalik sa Judea.
Pinatay si Simon at ang Dalawa Niyang Anak
11 Hinirang ni Simon na Pinakapunong Pari ang anak ni Abubo na si Tolomeo upang manguna sa hukbong nasa kapatagan ng Jerico. Napakayaman na ni Tolomeo 12 sapagkat siya'y manugang ni Simon, ang pinakapunong pari. 13 Ngunit lumabis ang kanyang paghahangad at nais pa niyang makuha ang bansa. Kaya umisip siya ng pakana para mapatay si Simon at ang mga anak nito. 14 Noo'y dumadalaw sa ilang lunsod si Simon, kasama ang mga anak niyang sina Matatias at Judas upang tingnan ang pangangailangan doon. Dumating sila sa Jerico noong ikalabing isang buwan ng taóng 177. 15 Pinatuloy sila ni Tolomeo sa maliit na muog ng Dok na ipinagawa niya. May balak pa rin siyang patayin si Simon at ang dalawang anak nito. Nagpahanda si Tolomeo ng isang malaking salu-salo para sa mag-aama, subalit may mga tauhan siyang nagkukubli sa muog. 16 Nang malasing si Simon at ang mga anak nito, lumabas si Tolomeo at ang kanyang mga tauhan, hawak ang kanilang tabak. Pumasok sila sa bulwagan ng handaan at pinatay si Simon at ang dalawang anak nito, pati ilang alipin. 17 Sa ganitong nakahihindik na kataksilan, kasamaan ang isinukli ni Tolomeo sa kabutihan.
18 Pagkatapos, isinulat ni Tolomeo ang kanyang ginawa at ipinadala sa hari. Sa sulat, hiniling niya na padalhan siya ng mga kawal para tulungan siya. Hiniling din niya na ibigay sa kanya ang bansa at mga lunsod. 19 Sinulatan din niya ang mga pinuno ng hukbo at inanyayahang sumama sa kanya at pinangakuang bibigyan sila ng pilak, ginto, at iba pang handog. Pagkatapos, pinapunta niya sa Gezer ang ilan niyang tauhan upang patayin si Juan. 20 Ang iba nama'y inutusan niyang sakupin ang Jerusalem at ang kaburulan ng Templo. 21 Subalit may isang nagtatakbo at nauna sa Gezer sa mga tauhan ni Tolomeo. Ibinalita nito kay Juan ang pagkakapatay sa kanyang ama't mga kapatid at ang pagpapasugo ni Tolomeo ng mga kawal upang siya naman ang patayin. 22 Nagulantang si Juan sa balitang iyon ngunit dahil sa nabigyan siya ng babala, naipahuli niya at naipapatay ang mga taong isinugo upang pumatay sa kanya.
23 Ang iba pang ginawa ni Juan mula nang palitan niya ang kanyang ama—ang kanyang mga pakikidigma, kabayanihan, pagpapaayos ng mga pader, at iba pang nagawa 24 ay nakasulat lahat sa aklat ng kanyang pamamahala bilang Pinakapunong Pari.