1 Macabeo 14
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Parangal kay Simon
14 Noong taong 172, tinipon ni Haring Demetrio II ang kanyang hukbo at nagpunta sa Media upang humingi ng tulong sa pakikipaglaban kay Trifo. 2 Nang mabalitaan ni Arsaces VI na hari ng Persia at ng Media na nasa kaharian niya si Demetrio, isinugo niya ang isa niyang pinuno upang dakpin ito. 3 Sinalakay nila at ginapi ang hukbo ni Demetrio. Binihag ito at dinala kay Haring Arsaces, at siya'y ipinabilanggo nito.
4 Mapayapa ang lupain ng Judea habang nabubuhay si Simon. Sa buong panahon ng kanyang paghahari, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at lakas para sa ikabubuti ng bayan. Sila nama'y nasiyahan sa kanya bilang kanilang tagapanguna. 5 Nadagdagan ang kanyang katanyagan nang sakupin niya ang daungan ng Joppa at buksan ang daan papunta sa mga pulo ng Grecia. 6 Pinalawak niya ang lupaing nasasakop ng kanyang bansa, 7 at nag-uwi pa ng maraming bihag at sinakop ang Gezer, Beth-sur, at ang tanggulan ng Jerusalem. Nilinis niya ang lahat ng karumihan doon.
8 Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy. 9 Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap. 10 Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako. 11 Dinulutan niya ng kapayapaan ang bansa, at walang katapusan ang kagalakan ng Israel. 12 Lahat ay mapayapang namumuhay sa kanilang ubasan at taniman ng igos at walang gumagambala sa kanila. 13 Lahat ng kaaway na hari ay natalo na nang mga panahong iyon at walang natirang isa man para kumalaban sa Israel. 14 Tinulungan ni Simon ang lahat ng mahihirap niyang kababayan. Sa patnubay ng Kautusan ni Moises, inalis niya ang lahat ng masasamang taong sakit ng ulo sa lipunan. 15 Pinalagyan niya ng magagarang kasangkapan ang Templo at dinagdagan ang mga kagamitan sa pagsamba.
16 Nang makarating sa Roma at sa Esparta ang balitang namatay si Jonatan, gayon na lamang ang kanilang pagkalungkot. 17 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Esparta na si Simon ang pumalit sa kapatid bilang Pinakapunong Pari at siyang namamahala sa bansa at mga karatig-bayan, 18 nagpagawa(A) sila ng mga kasulatang tanso at ipinaukit dito ang kasunduan ng pakikipagkaibigan na ginawa nila noon kina Judas at Jonatan, saka ipinadala kay Simon. 19 Binasa ito sa kapulungan sa Jerusalem. 20 Ganito ang nakasaad sa liham na ipinadala ng mga taga-Esparta:
“Ang mga mamamayan ng Esparta at ang kanilang mga pinuno ay bumabati kay Simon, ang Pinakapunong Pari at sa mga pinuno at mga paring Judio, at sa lahat ng aming kapatid na Judio. 21 Ang delegasyong isinugo ninyo sa amin ay nagbalita sa amin kung paano kayo iginagalang at kinikilala ng lahat. Isang malaking kagalakan namin ang kanilang pagdalaw, 22 at ang ulat ng kanilang pagdalaw ay nakasulat sa aming talaang bayan nang ganito: ‘Si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, marangal na mga kinatawang Judio, ay naparito upang sariwain ang kanilang pakikipagkaibigan. 23 May galak na tinanggap sila ng bayan at pinarangalan. Ang sipi ng kanilang ulat ay inilagay sa aklatang bayan. Sa gayon, ang ulat tungkol sa kanilang pagdalaw ay nakatala para sa mga mamamayan ng Esparta. Isang sipi ng kasulatang ito ay ipinadala kay Simon na pinakapunong pari.’”
24 Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.
25 Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak? 26 Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”
Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion. 27 Ganito ang mababasang nakaukit doon:
“Nang ikalabing walong araw ng ikaanim na buwan ng taóng 172, na siyang ikatlong taon ni Simon, ang Pinakapunong Pari, 28 sa harap ng nagkakatipong mga pari, mamamayan, pinuno, at matatanda ng bayan, ang sumusunod na katotohanan ay ipinabatid sa amin: 29 Madalas, kapag may digmaan sa bansa, itinataya ni Simon, anak ni Matatias na isang pari mula sa pamilya ni Joiarib, at ng kanyang mga kapatid ang kanilang buhay sa pagliligtas sa ating bansa, ating templo, at ating Kautusan laban sa mga kaaway. Sila ang naghatid ng malaking karangalan sa ating bansa. 30 Si Jonatan ang kumilos upang magkaisa tayo at siya'y naging Pinakapunong Pari bago namatay. 31 Nang balakin ng mga kaaway ng mga Judio na lusubin ang lupain at lapastanganin ang templo, 32 si Simon naman ang nanguna at nakipaglaban para sa bansa. Ginamit niya ang sariling salapi para magkaroon ng mga sandata at pambayad para sa hukbo ng bansa. 33 Pinalagyan niya ng mga tanggulan ang buong Judea, lalo na ang Beth-sur sa hangganan na dati'y taguan ng mga sandata ng kaaway. Naglagay rin siya roon ng mga kawal na bantay. 34 Pinalagyan din niya ng tanggulan ang daungan ng Joppa at ang lunsod ng Gazara sa hangganan ng Azotus, na dating nasasakop ng mga kaaway. Pinatira niya roon ang mga Judio at ibinigay ang lahat ng kanilang kailangan para sa pagsasaayos. 35 Nang makita ng bayan ang pagiging makabayan ni Simon at kung paano niya ninasang parangalan ang kanyang bansa, siya'y ginawa nilang pinuno at Pinakapunong Pari. Ginawa nila ito dahil sa kanyang katapatan at dahil din sa pagpapairal niya ng katarungan at pagsisikap na maparangalan ang kanyang bansa.
36 “Sa kanyang pangunguna, naitaboy ang mga Hentil. Napaalis din ang mga hukbo ng kaaway sa gawing hilaga ng Templo. Nagtayo rito ng tanggulan ang kaaway, at mula roo'y pinapasok ang banal na Templo at nilalapastangan ito. 37 Naglagay si Simon ng mga bantay na Judio sa tanggulan, pinatibay ito para sa kaligtasan ng bansa at ng lunsod ng Jerusalem. Pinataasan din niya ang mga pader ng lunsod. 38 Bunga nito, pinagtibay ni Haring Demetrio ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari, 39 at tinawag siyang kaibigan ng hari, at pinarangalan. 40 Ginawa ito ni Demetrio sapagkat nabalitaan niya na tinatawag ng mga taga-Roma na kaibigan, kapanalig, at kapatid ang mga Judio, at tinanggap nila't pinarangalan ang mga kinatawang isinugo ni Simon.
41 “Kaya nga, nagagalak ang mga Judio at ang kanilang mga pari na maging pinuno at Pinakapunong Pari si Simon at ang kanyang mga anak hanggang lumitaw ang isang tunay na propeta. 42 Si Simon ang mamamahala sa bansa, sa templo, at sa hukbo. Siya rin ang mamamahala sa mga kagamitang panghukbo, pagpapatibay ng tanggulan, at pagawaing bayan. 43 Susundin siya ng lahat. Ang kanyang pangalan ang dapat gamitin sa lahat ng kasunduang pampamahalaan. Binibigyan siya ng karapatang magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.
44 “Walang sinuman, maging pari o mamamayan, ang bibigyan ng karapatang magpawalang-bisa sa anumang pagpapasya, o magbago ng alinmang utos ni Simon, o tumawag ng pulong nang wala siyang pahintulot, o kaya'y magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat. 45 Ang sinumang lumabag o magwalang-bahala sa mga tuntuning ito ay paparusahan.
46 “Nagkaisang pinagtibay ng bayan na bigyan si Simon ng karapatang kumilos ayon sa mga tuntuning ito. 47 Pumayag at sumang-ayon si Simon na maging pinakamataas na pinuno, Pinakapunong Pari, tagapanguna ng lahat ng hukbo, at gobernador ng mga Judio at ng mga pari.”
48 Napagkaisahan ding iukit sa kasulatang tanso ang pahayag na ito at ilagay sa isang hayag na lugar sa loob ng templo 49 at maglagak ng mga sipi nito sa kabang-yaman ng Templo para madaling mabasa ni Simon at ng kanyang mga anak.