1 Macabeo 10
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ginawang Pinakapunong Pari si Jonatan
10 Noong taong 160, ang Tolemaida ay sinakop ni Alejandro Epifanes na anak ni Haring Antioco IV. Naghari siya roon, at nagustuhan naman ng bayan ang kanyang pamamahala. 2 Nabalitaan ito ni Haring Demetrio, kaya't bumuo siya ng malaking hukbo at hinamon si Alejandro sa isang labanan. 3 Sumulat si Demetrio kay Jonatan upang ito'y kaibiganin at parangalan. 4 Nasabi niya sa sarili, “Kailangang makipagkaibigan ako kay Jonatan bago maisipan nitong makipag-ugnay kay Alejandro laban sa akin. 5 Kung hindi ako kikilos agad ay baka maalala pa niya ang masamang ginawa ko sa kanya, sa kanyang mga kapatid at sa bansang Israel.” 6 Kaya't binigyan niya ng karapatan si Jonatan na bumuo ng hukbo at binigyan ito ng mga sandata. Iniutos din niya na ang lahat ng mga bihag na Judio sa kuta ay ibigay kay Jonatan. 7 Pagkatanggap ng sulat, pumunta agad sa Jerusalem si Jonatan at ibinalita ito sa mga tao. 8 Ang mga tao sa kuta ay natakot nang malamang si Jonatan ay binigyan ng hari ng karapatang makabuo ng malaking hukbo. 9 Ibinigay nga kay Jonatan ang lahat ng mga bihag at pinauwi niya ang mga ito sa kanilang mga magulang.
10 Mula noon, sa Jerusalem na naninirahan si Jonatan at muli niyang inayos ang lunsod. 11 Nagpakuha siya ng mga batong parisukat at ginawang pader sa palibot ng Bundok ng Zion. 12 Lahat ng mga dayuhang naninirahan sa kutang ipinagawa ni Baquides ay nagsitakas, 13 at nagsiuwi sa kani-kanilang bansa. 14 Tanging sa Beth-sur lamang may nakatira pang kalaban ng Kautusan, sapagkat doon sila lumikas.
15 Ang mga pangako ni Demetrio kay Jonatan ay umabot sa kaalaman ni Alejandro. Nabalitaan din nito ang kagitingan ni Jonatan at ng kanyang mga kapatid, lalo na sa pakikidigma at ang maraming pagsubok na tiniis na nito. 16 Nasabi ni Alejandro, “Wala na akong makikitang tulad niya. Kailangang maging kaibigan ko siya at kakampi.” 17 Kaya't sumulat din siya kay Jonatan na ganito ang isinasaad:
18 “Mula kay Haring Alejandro ay ipinaaabot kay kapatid na Jonatan ang maalab na pagbati!
19 Napakaganda ng balita namin tungkol sa iyong kagitingan, kaya't karapat-dapat kang maging kaibigan ng hari. 20 Kaya mula ngayo'y ikaw na ang Pinakapunong Pari ng iyong bansa. Ang itatawag sa iyo'y ‘Kaibigan ng Hari.’ Kapanalig ka namin sa aming adhikain at tutulungan ka namin.”
Bukod sa sulat, pinadalhan din niya si Jonatan ng isang maharlikang damit at koronang ginto.
21 Isinuot ni Jonatan ang kasuotan ng Pinakapunong Pari noong ikapitong buwan ng taóng 160 sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo at ng maraming sandata.
Tinulungan ni Jonatan si Alejandro Epifanes
22 Nang ito'y mabalitaan ni Demetrio, nabagabag siya at nag-isip, 23 “Paano nangyaring tayo'y naunahan ni Alejandro? Napalakas niya ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Judio. 24 Ang mabuti'y sulatan ko rin ang mga Judio at makipagkaibigan sa kanila; aalukin ko sila ng matataas na tungkulin at mga handog para tulungan nila ako.”
25 Ganito ang ipinadala niyang sulat: “Bumabati si Haring Demetrio sa bansang Judio. 26 Ikinagagalak naming malaman na tinutupad ninyo ang inyong bahagi sa ating kasunduan, at hindi kayo pumanig sa aming mga kaaway kundi nananatiling tapat sa amin. 27 Kung patuloy kayong magiging tapat sa amin, kayo'y aming gagantimpalaan. 28 Hindi na namin kayo pagbabayarin ng maraming buwis at bibigyan pa ng ibang karapatan. 29 Sa pamamagitan ng liham na ito'y ipinagbibigay-alam ko sa inyo na mula ngayo'y hindi na kayo kailangang magbayad ng karaniwang buwis, buwis sa asin, at iba pang tanging buwis. 30 Bukod(A) dito, mula sa araw na ito'y malaya na kayo sa pananagutang magbigay sa akin ng ikatlong bahagi ng inyong aning trigo at ng kalahati ng aning bungangkahoy. Mula ngayon, hindi ko na hihingin ang mga kabayarang ito mula sa Judea o sa tatlong purok na napadagdag sa Judea mula sa Samaria at sa Galilea. 31 Ang Jerusalem, kasama ang mga lupaing nasa paligid nito, ay kikilalaning isang banal na lunsod at hindi magbabayad ng anumang buwis. 32 Inaalis ko na rin ang aking kapangyarihan sa kuta ng Jerusalem at ipinaiilalim ito sa Pinakapunong Pari at siya ang magtatakda ng sinumang nais niyang maging bantay roon. 33 Pinalalaya ko na rin ang lahat ng Judiong bihag ng digmaan saanmang panig ng aking kaharian. Lahat sila'y hindi rin magbabayad ng buwis, maging para sa kanilang mga baka. 34 Hindi hihingan ng buwis ang sinumang Judio saanman sa aking kaharian kung Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan, at iba pang sagradong araw. Gayon din, hindi na lilikom ng buwis tatlong araw bago sumapit o makalipas ang mga pangunahing sagradong araw. 35 Walang sinumang maaaring humingi sa inyo ng kabayaran o manligalig sa inyo sa alinman sa mga naturang araw.
36 “Maaaring ipatala sa hukbo ng hari ang mga Judio hanggang sa bilang na 30,000 katao, at babayaran sila gaya ng ibang hukbo ng hari. 37 Ang ilan sa kanila'y maaaring itakdang magbantay sa malalaking kuta ng palasyo, at ang iba nama'y bibigyan ng mahahalagang katungkulan sa pamahalaan. Mga Judio rin ang kanilang magiging pinuno at tagapanguna, at papayagan silang sundin ang kanilang sariling kautusan at kaugalian, tulad ng ipinahintulot ng hari sa mga taga-Judea.
38 “Ang tatlong purok na idinagdag sa Judea buhat sa lupaing sakop ng Samaria ay isasama na nang lubusan sa Judea at ipapailalim lamang sa kapangyarihan ng Pinakapunong Pari. 39 Ibinibigay ko para panustos sa Templo sa Jerusalem ang mga buwis na makukuha sa lunsod ng Tolemaida at sa mga lupaing sakop nito. 40 Nangangako rin ako na magbibigay ng taunang handog na 15,000 salaping pilak na manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo. 41 Ang kabuuang tulong ng pamahalaan na hindi namin naibigay nitong nakalipas na ilang taon, ay ibibigay; magpapatuloy ang pagbabayad na ito mula ngayon para sa gawain ng templo. 42 Bukod dito, hindi na namin hihingin ang limanlibong salaping pilak mula sa kinikita ng templo. Ang salaping ito'y para sa mga pari na naglilingkod sa templo. 43 Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon. 44 Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo. 45 Gayundin naman, ang gugugulin sa pagpapaayos ng mga pader ng Jerusalem at ng mga kuta sa paligid nito, pati ang mga pader ng itinakdang mga lunsod sa Judea, ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.”
46 Nang marinig ni Jonatan at ng bayan ang mga alok ni Haring Demetrio, ayaw nilang maniwala o tanggapin man ang mga iyon, sapagkat naalala nila ang malupit na pakikitungo nito sa kanila at ang mga kahirapang idinulot sa bansang Judio. 47 Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.
48 Si Haring Alejandro ay nagtatag ng isang malaking hukbo at humandang makipagdigma sa hukbo ni Demetrio. 49 Subalit nang magkaharap na ang mga hukbo ng dalawang hari, umatras at tumakas ang hukbo ni Alejandro.[a] Tinugis sila ni Demetrio[b] at nagwagi ito sa digmaang iyon. 50 Nakipaglaban si Alejandro hanggang sa paglubog ng araw, at nasawi si Demetrio nang araw na iyon.
51 Pagkatapos, nagsugo si Alejandro kay Haring Tolomeo VI ng Egipto at ganito ang kanyang ipinasasabi:
52 “Nakabalik na ako sa aking kaharian at nakaluklok na sa trono ng aking mga ninuno. Ako na ang namamahala sa buong bansa. 53 Nakipaglaban ako kay Demetrio, tinalo ko siya at ang kanyang hukbo, at nasakop ko ang kanyang kaharian. 54 Ngayon, ako'y handa nang makipagkaisa. Ipakasal mo sa akin ang iyong anak na dalaga at kayong dalawa'y bibigyan ko naman ng mga handog na karapat-dapat sa inyo.”
55 Ito ang naging tugon ni Haring Tolomeo, “Isang dakilang araw na maituturing ang pagbabalik mo sa iyong bansa at pagluklok sa trono ng iyong mga ninuno. 56 Sumasang-ayon ako sa iyong mga mungkahi, subalit magkita muna tayo sa Tolemaida para magkakilala tayo nang mabuti. Saka ko ipakakasal sa iyo ang aking anak na dalaga.”
57 Kaya nang taóng 162, umalis ng Egipto si Haring Tolomeo at ang anak niyang dalaga na si Cleopatra at pumunta sa Tolemaida. 58 Sinalubong sila ni Haring Alejandro, at ipinakasal nga sa kanya ni Tolomeo ang anak niyang dalaga. Buong karangyaang ipinagdiwang sa Tolemaida ang pag-iisang-dibdib nila.
59 Sinulatan ni Haring Alejandro si Jonatan na makipagkita sa kanya. 60 Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan. 61 Ngunit may ilang taksil na Judio na nais manira kay Jonatan, at nagpahatid sila ng mga maling paratang laban sa kanya, subalit hindi ito pinansin ni Haring Alejandro. 62 Ipinag-utos pa nga niya na pagsuotin si Jonatan ng kasuotang hari 63 at pinarangalan pa sa pamamagitan ng pagpapaupo rito sa kanyang tabi. Iniutos ni Alejandro sa kanyang mga pinuno na dalhin si Jonatan sa sentro ng lunsod at ipahayag na walang sinumang dapat magparatang laban dito sa anumang kadahilanan, at wala ring dapat magsimula ng anumang gulo para isangkot ito. 64 Nang makita ng mga naiinggit at naninira ang karangalang iniuukol kay Jonatan, at matapos marinig ang pahayag na ito, lahat sila'y tumakas. 65 Pinarangalan pa rin ng hari si Jonatan nang ilista siya bilang isa sa mga pangunahing kaibigan ng hari at gawing heneral at gobernador ng kanyang lalawigan. 66 Si Jonatan ay mapayapa at masayang nagbalik sa Jerusalem dahil sa tinamong tagumpay.
Nagtagumpay si Jonatan kay Apolonio
67 Nang taóng 165, si Demetrio II na anak ni Demetrio I ay umalis sa Creta at dumating sa Siria, na lupain ng kanyang mga ninuno. 68 Nang mabalitaan ito ni Haring Alejandro, siya'y nabahala at nagbalik sa Antioquia, ang kapitolyo ng Siria. 69 Muling pinili ni Demetrio si Apolonio bilang gobernador ng Kalakhang Siria. Nagtatag si Apolonio ng isang malaking hukbo, nagkampo sa malapit sa Jamnia, at ipinasabi ang ganito kay Jonatan, ang Pinakapunong Pari:
70 “Dahil sa iyo, ako'y pinagtatawanan, ngunit bakit ka naglalagi riyan sa kabundukan at patuloy sa paghihimagsik gayong wala namang tumutulong sa iyo? 71 Kung talagang may tiwala ka sa iyong hukbo, bumabâ ka rito sa kapatagan at makipaglaban; sa gayon, mapapatunayan mo na nasa panig ko ang mga hukbo mula sa mga lunsod. 72 Makikilala mo kung sino ako at kung sinu-sino ang aking mga kapanalig; sa gayon, matutuklasan mong hindi ka maaaring makatagal sa pagsalungat sa akin. Dalawang ulit nang natatalo sa sarili nilang lupain ang mga nauna sa iyo; 73 kaya paano mo maaasahang talunin ang aking hukbong mangangabayo at ang uri ng hukbong itinalaga ko sa kapatagan? Dito'y wala kahit munting batong mapagtataguan, at wala kang matatakasan.”
74 Nang matanggap ni Jonatan ang pasabing ito ni Apolonio, siya'y nagalit. Tinipon niya ang sampung libong piling kawal mula sa Jerusalem; nagdala rin ng mga kawal ang kapatid niyang si Simon, at ang dalawang pangkat 75 ay humimpil sa labas ng Joppa. Ayaw silang papasukin ng mga kalalakihan ng lunsod sapagkat may isang pangkat doon ng mga kawal ni Apolonio. Ngunit sumalakay si Jonatan, 76 at sa pagkasindak ng kalalakihan ng lunsod, binuksan nila ang mga pintuan at hinayaang masakop ni Jonatan ang Joppa. 77 Nang mabalitaan naman ni Apolonio ang nangyari, nagsama siya ng tatlong libong mangangabayo at isang malaking hukbong-lakad at nagkunwang tatakas patimog papuntang Asdod. Subalit nagtuloy siya sa kapatagan na kasama ang kanyang pangunahing hukbo dahil tiwala siya sa lakas ng kanyang mangangabayo. 78-79 Inilagay niya ang isang libong mangangabayo sa isang lugar na sadyang pinili para sumalakay sa hukbo ni Jonatan mula sa hulihan. Tinugis sila ni Jonatan hanggang Asdod at doon nagkaharap ang dalawang hukbo. 80 Noon lamang nabatid ni Jonatan na siya'y tinambangan. Napaligiran ang kanyang hukbo, at pinaulanan sila ng mga palaso mula umaga hanggang gabi. 81 Ngunit nanatiling matatag ang mga tauhan ni Jonatan, gaya ng kanyang iniutos, at napagod ang sumalakay na hukbong mangangabayo ng kaaway. 82 At nang manlupaypay na ang mga iyon, dumating naman si Simon na kasama ang kanyang hukbo at sumalakay sa mga kalaban. Sa takot ng mga iyon, sila'y nagkawatak-watak at nagtakbuhan. 83 Ang mga mangangabayo na nangalat na sa kapatagan ay tumakas patungong Asdod at doon nagtago sa templo ni Dagon na kanilang diyus-diyosan. 84 Subalit sinunog ni Jonatan ang lunsod at ang templo ni Dagon, kaya natupok ang lahat ng nagtatago roon. Sinunog din niya ang mga bayan sa palibot at sinamsam ang mga ari-arian. 85 Nang araw na iyon humigit-kumulang sa walong libong katao ang namatay sa labanan at sa pagkatupok. 86 Pagkatapos, umalis si Jonatan at humimpil sa Ascalon. Dito'y lumabas ang kalalakihan ng lunsod na iyon at sinalubong siya para parangalan. 87 Nagbalik sa Jerusalem si Jonatan at ang kanyang mga tauhan na maraming uwing nasamsam.
88 Nabalitaan ni Haring Alejandro ang ginawa ni Jonatan at lalo pa niya itong pinarangalan. 89 Pinadalhan niya ito ng isang gintong hibilyang pang-balikat na karaniwa'y ibinibigay lamang sa kamag-anak ng hari. Ibinigay rin sa kanya ang Lunsod ng Ekron at ang mga lupain sa paligid nito.