1 Juan 2
Magandang Balita Biblia
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid. 2 Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.
3 Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos.[a] Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. 6 Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.
Ang Bagong Utos
7 Mga(A) minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. 8 Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.
9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba.[b] 11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.
12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan. 13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
14 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat kilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. 16 Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa buhay na ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17 Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng mga bagay na pinagnanasaan ng mga tao, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.
Ang Kaaway ni Cristo
18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.
20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.
22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.
24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.
26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.
28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon. 29 Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos.
Footnotes
- 1 Juan 2:5 umiibig nang wagas sa Diyos: o kaya'y iniibig ng Diyos nang wagas .
- 1 Juan 2:10 at hindi siya…ng iba: o kaya'y at ang kanyang kapwa ay hindi magiging sanhi ng kanyang pagkakasala .
1 Juan 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid:
2 At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.
3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya;
5 Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya:
6 Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.
7 Mga minamahal, wala akong isinusulat sa inyo na anomang bagong utos, kundi ang dating utos na nasa inyo buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8 Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa kaniya at sa inyo; sapagka't ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na.
9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod.
11 Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12 Kayo'y sinusulatan ko, mumunti kong mga anak, sapagka't ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kaniyang pangalan.
13 Kayo'y sinusulatan ko, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y sinusulatan ko, mga binata, sapagka't inyong dinaig ang masama. Kayo'y aking sinulatan, mumunting mga anak, sapagka't inyong nakikilala ang Ama.
14 Kayo'y aking sinulatan, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y aking sinulatan, mga binata, sapagka't kayo'y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.
16 Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.
17 At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa't ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.
18 Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras.
19 Sila'y nangagsilabas sa atin, nguni't sila'y hindi sa atin; sapagka't kung sila'y sa atin ay nagsipanatili sana sa atin: nguni't nangagsilabas, upang sila'y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin.
20 At kayo'y may pahid ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.
21 Hindi ko kayo sinulatan ng dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil sa inyong nalalaman, at sapagka't alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.
22 Sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi sa Ama at sa Anak.
23 Ang sinomang tumatanggi sa Anak, ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama.
24 Tungkol sa inyo, ay manahan sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung manahan sa inyo yaong buhat nang pasimula ay inyong narinig, kayo naman ay mananahan sa Anak, at sa Ama.
25 At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.
26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga may ibig na magligaw sa inyo.
27 At tungkol sa inyo, ang pagkapahid na sa kaniya'y inyong tinanggap ay nananahan sa inyo, at hindi ninyo kailangang kayo'y turuan ng sinoman; nguni't kung paanong kayo'y tinuturuan ng kaniyang pahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at siyang totoo, at hindi kasinungalingan, at kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayong nananahan sa kaniya.
28 At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya'y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito.
29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, nalalaman naman ninyo na ang bawa't gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
