Add parallel Print Page Options

Ang Salitang Nagbibigay-buhay

Sumusulat(A) kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan. Nahayag(B) ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[a] kagalakan.

Mamuhay Ayon sa Liwanag

Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.

Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.

Footnotes

  1. 1 Juan 1:4 aming: Sa ibang matatandang manuskrito'y inyong .