Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.

Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.

Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.

11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”

14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.

Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(A)

15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.

19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.

23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[a] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.

29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.

31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.

33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.

36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.

37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.

Footnotes

  1. 6:23 kerubin: Isang uri ng anghel.