1 Hari 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo
6 Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. 2 Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. 3 Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. 4 Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.
5 Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. 6 Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.
7 Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.
8 Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. 9 Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.
11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”
14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.
Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(A)
15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.
19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.
23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[a] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.
29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.
31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.
33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.
36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.
37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.
Footnotes
- 6:23 kerubin: Isang uri ng anghel.
1 Mga Hari 6
Ang Biblia, 2001
Ang Pagtatayo ng Templo
6 Nang ikaapatnaraan at walumpung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay lumabas sa lupain ng Ehipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Zif, na siyang ikalawang buwan, kanyang pinasimulang itayo ang bahay ng Panginoon.
2 Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay may habang animnapung siko, may luwang na dalawampung siko, at may taas na tatlumpung siko.
3 Ang pasilyo sa harap ng kalagitnaang bahagi ng bahay ay may dalawampung siko ang haba, katumbas ng luwang ng bahay; at sampung siko ang lalim niyon sa harap ng bahay.
4 At iginawa niya ang bahay ng mga bintana na may mga magagarang balangkas.
5 Gumawa rin siya ng silid sa tabi ng pader ng bahay, na nasa palibot ng bahay, ang gitna at panloob na bahagi ng santuwaryo; at gumawa siya ng mga silid sa tagiliran sa buong palibot.
6 Ang pinakamababang palapag ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang palapag ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang, sapagkat siya'y gumawa ng mga tuntungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga biga ay hindi maipasok sa mga pader ng bahay.
7 Nang itinatayo pa ang bahay ay ginawa ito sa batong inihanda na sa tibagan, kaya't wala kahit martilyo o palakol man, o anumang kasangkapang bakal ang narinig sa bahay, samantalang itinatayo ito.
8 Ang pasukan sa pinakamababang palapag ay nasa gawing timog ng bahay; at isa sa pamamagitan ng hagdanan paakyat sa gitnang palapag, at mula sa pangalawang palapag hanggang sa ikatlo.
9 Gayon niya itinayo ang bahay at tinapos ito; at binubungan niya ang bahay ng mga biga at tablang sedro.
10 At kanyang ginawa ang mga palapag na karatig ng buong bahay, na bawat isa'y limang siko ang taas, at ikinabit sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.
Ang Tipan ng Diyos
11 At dumating ang salita ng Panginoon kay Solomon, na sinasabi,
12 “Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga tuntunin, susundin ang aking mga batas, tutuparin ang lahat ng aking mga utos, at lumakad sa mga ito, aking pagtitibayin ang aking salita sa iyo na aking sinabi kay David na iyong ama.
13 Ako'y maninirahang kasama ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”
14 Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito.
15 Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres.
16 Siya'y(A) gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan.
17 At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba.
18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita.
19 Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.
20 Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro.
21 Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto.
22 Kanyang(B) binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto.
Dalawang Kerubin
23 Sa(C) panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.
24 Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.
25 Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.
26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.
27 Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.
28 At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.
Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan
29 Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.
30 At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.
31 Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.
32 Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.
33 Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,
34 at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.
35 Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.
36 Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.
37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Panginoon.
38 Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
