Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.

Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.

Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.

11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”

14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.

Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(A)

15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.

19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.

23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[a] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.

29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.

31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.

33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.

36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.

37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.

Nagpatayo ng Palasyo si Solomon

Nagpatayo rin si Solomon ng palasyo niya at inabot ng 13 taon ang pagpapatayo nito. 2-3 Ang isa sa mga gusali nito ay tinawag na Kagubatan ng Lebanon. Ang haba nito ay 150 talampakan, ang luwang ay 75 talampakan at ang taas ay 45 talampakan. Ito ay may apat[b] na hanay ng mga haliging sedro – 15 bawat hanay, at nakatukod ito sa 45 na pambalagbag sa ibabaw ng haligi kung saan nakakabit ang kisameng sedro. Ang dalawang gilid ng gusaling magkaharap ay may tatlong hanay na bintana na magkakasunod. May tatlong hanay rin itong parihabang mga pintuan na magkakaharap.

Ang isa pang gusali ay ang lugar na pinagtitipunan, na may maraming haligi. Ang haba nito ay 75 talampakan at ang luwang ay 45 talampakan. May balkonahe ito sa harapan, na may bubong at mga haligi.

Nagpatayo rin siya ng gusali kung saan inilagay niya ang kanyang trono. Ito rin ang lugar kung saan siya humahatol. Pinatakpan niya ito ng mga tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame.[c]

Ang bahagi ng palasyo, kung saan nakatira si Solomon ay nasa likod lang ng gusali kung saan siya humahatol, at magkatulad ang pagkakagawa nito. Katulad din nito ang yari ng bahay na kanyang ipinagawa para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon.[d]

Lahat ng mga gusaling ito, mula sa mga pundasyon hanggang sa mga bubong ay gawa sa pinakamagandang uri ng bato na pinagputol-putol at tinabas ang lahat ng gilid ayon sa tamang sukat. 10 Ang mga pundasyon ay gawa sa malalaki at magagandang uri ng bato. Ang haba ng ibang mga bato ay 15 talampakan at ang iba ay 12 talampakan. 11 Sa ibabaw nito ay mga kahoy na sedro at mamahaling mga bato na tinabas ayon sa tamang sukat. 12 Ang maluwang na bakuran ay napapaligiran ng pader, na ang bawat tatlong patong ng mga tinabas na bato ay pinatungan ng kahoy na sedro. Katulad din nito ang pagkakagawa ng mga pader ng bakuran sa loob ng templo ng Panginoon at ng balkonahe.

Ang mga Gamit ng Templo(B)

13 Ipinasundo ni Haring Solomon si Huram[e] sa Tyre 14 dahil magaling siyang panday ng mga tanso. Anak siya ng isang biyuda mula sa lahi ni Naftali at ang kanyang ama ay taga-Tyre, na isa ring panday ng mga tanso. Pumunta siya kay Haring Solomon at ginawa niya ang lahat ng ipinagawa sa kanya.

15 Gumawa si Huram ng dalawang haliging tanso na ang bawat isa ay may taas na 27 talampakan at may pabilog na sukat na 18 talampakan. 16 Gumawa rin siya ng dalawang ulo ng mga haliging gawa sa tanso, na ang bawat isa ay may taas na pitoʼt kalahating talampakan. 17 Ang bawat ulo ng haligi ay napapalamutian ng pitong kadenang dugtong-dugtong 18 na may dalawang hilerang palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. 19 Ang hugis ng ulo ng mga haligi sa balkonahe ay parang mga bulaklak na liryo, at ang taas nito ay anim na talampakan. 20 Ang bawat ulo ng dalawang haligi ay napapaligiran ng dalawang hilera na may 200 na palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. Ang palamuting ito ay nasa ibabaw ng bilog na bahagi ng ulo, sa tabi ng mga kadena. 21 Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz. 22 Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.

23 Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 24 Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan. 25 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan. 26 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng mga 11,000 galong tubig.

27 Gumawa rin si Huram ng sampung tansong kariton na gagamitin sa paghakot ng tubig. Ang haba ng bawat isa ay anim na talampakan, ang luwang ay anim ding talampakan at ang taas ay apat at kalahating talampakan. 28 Ganito ang pagkagawa ng mga kariton: Ang mga dingding nito ay may mga kwadro 29 at napapalamutian ng mga larawan ng leon, mga baka at mga kerubin. Ang ibabaw at ang ilalim ng mga kwadro ay may magkakatulad na palamuti na parang mga bulaklak. 30-31 Ang bawat kariton ay may apat na tansong gulong at mga tansong ehe. Sa bawat sulok ng mga kariton ay may tukod na humahawak sa pabilog na patungan ng tansong planggana. Ang mga tukod ay napapalamutian ng parang mga bulaklak na kabit-kabit. Ang pabilog na patungan ay nakaangat ng isaʼt kalahating talampakan sa ibabaw ng kariton, at ang luwang ng bunganga ay dalawang talampakan at tatlong pulgada. Ang paligid ng ilalim ay may mga inukit na palamuti. Ang dingding ng kariton ay kwadrado, hindi pabilog. 32 Sa ilalim ng mga kwadradong dingding ay may apat na gulong na nakakabit sa mga ehe, na kasama ng ginawa nang gawin ang kariton. Ang taas ng bawat gulong ay dalawang talampakan at tatlong pulgada 33 at katulad ito ng gulong ng karwahe. Ang mga ehe, tubo, rayos at tapalodo ng gulong ay gawa lahat sa tanso. 34 Ang bawat kariton ay may apat na hawakan – isa sa bawat gilid, at naiporma na ito kasama ng kariton. 35 Sa ibabaw ng bawat kariton ay may pabilog na leeg na may siyam na pulgada ang taas. Ang mga tukod nito at ang dingding ay naiporma na din kasama ng kariton. 36 Napapalamutian ang dingding at mga tukod ng mga larawan ng kerubin, leon at puno ng palma, kahit saan na may lugar para sa mga ito. At may palamuti rin ito na parang mga bulaklak na kabit-kabit sa paligid. 37 Ganito ang pagkakagawa ni Huram ng sampung kariton. Magkakatulad lahat ang kanilang laki at hugis, sapagkat iisa lang ang pinaghulmahan nilang lahat.

38 Nagpagawa rin si Huram ng sampung tansong planggana – isa para sa bawat kariton. Ang luwang ng bawat planggana ay anim na talampakan at maaaring lagyan ng 220 galong tubig. 39 Inilagay niya ang limang kariton sa bandang timog ng templo at ang lima namaʼy sa bandang hilaga. Inilagay niya ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat sa pagitan ng gawing silangan at gawing timog ng templo. 40 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.

Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa templo ng Panginoon. Ito ang kanyang mga ginawa:

41 ang dalawang haligi;

ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;

ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;

42 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);

43 ang sampung kariton at ang sampung planggana nito;

44 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;

45 ang mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.

Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso. 46 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Napakarami ng mga bagay na ito, kaya hindi na ito ipinakilo ni Solomon; hindi alam kung ilang kilo ang mga tansong ito.

48 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Panginoon:

ang gintong altar;

ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;

49 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto na nakatayo sa harap ng Pinakabanal na Lugar (lima sa bandang kanan at lima sa kaliwa);

ang mga gintong bulaklak, mga ilaw at mga pang-sipit;

50 ang mga baso na purong ginto, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga lalagyan ng insenso;

ang mga gintong bisagra para sa mga pintuan ng Pinakabanal na Lugar at gitnang bahagi ng templo.

51 Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.

Footnotes

  1. 6:23 kerubin: Isang uri ng anghel.
  2. 7:2-3 apat: sa tekstong Septuagint, tatlo.
  3. 7:7 kisame: Itoʼy ayon sa teksto na Syriac at Latin Vulgate. Sa Hebreo, sahig.
  4. 7:8 Faraon: o hari ng Egipto.
  5. 7:13 Huram: sa Hebreo, Hiram. Ganito rin sa talatang 40 at 45. Hindi siya ang hari na binabanggit sa 5:1.