Add parallel Print Page Options

Tumakas si Elias

19 Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”

Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.

Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios. Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.

Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias

Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11 Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13 Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15 Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram.[b] 16 Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta. 17 Papatayin ni Hazael ang mga sumasamba kay Baal. Ang makakatakas sa kanyaʼy papatayin ni Jehu, at ang makakatakas kay Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Pero ililigtas ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal.”

Ang Pagtawag kay Eliseo

19 Umalis doon si Elias at nakita niya si Eliseo na anak ni Shafat, na nag-aararo. May labing-isang pares na baka sa unahan niya na gamit ng kanyang mga kasama sa pag-aararo, at gamit naman niya ang ikalabindalawang pares ng baka. Lumapit si Elias sa kanya, hinubad ang kanyang balabal at pinasa ito kay Eliseo. 20 Iniwan ni Eliseo ang mga baka at hinabol si Elias. Sinabi ni Eliseo, “Hahalik po muna ako sa aking amaʼt ina bilang pamamaalam at saka po ako sasama sa inyo.” Sumagot si Elias, “Sige, pero huwag mong kalimutan ang ginawa ko sa iyo.”

21 Bumalik si Eliseo, kinuha ang kanyang mga baka, at kinatay. Ginawa niyang panggatong sa pagluluto ng karne ng mga baka ang mga kagamitan sa pag-aararo. Pagkaluto, binigyan niya ang kanyang mga kasamang nag-aararo, at kumain silang lahat. At agad siyang sumunod kay Elias para maging lingkod nito.

Nilusob ni Ben Hadad ang Samaria

20 Ngayon, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram[c] ang lahat ng sundalo niya para makipaglaban. Sumama sa kanila ang 32 hari na kakampi ni Ben Hadad na may mga kabayo at mga karwahe. At umalis sila para lusubin ang Samaria. Nagsugo si Ben Hadad ng mga mensahero sa Samaria para iparating ang mensaheng ito kay Haring Ahab ng Israel, “Ito ang ipinapasabi ni Ben Hadad: ‘Ang iyong mga pilak at ginto ay akin, at ang iyong mga asawa at ang iyong mabubuting anak ay akin din.’ ” Sinagot siya ni Haring Ahab ng Israel, “Ayon nga sa sinabi mo, Mahal na Hari, ako at ang lahat ng akin ay iyo.”

Muling bumalik ang mga mensahero kay Ahab at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Ben Hadad: ‘Sinabi ko na sa iyo na ibigay mo sa akin ang iyong mga pilak, ginto, mga asawaʼt anak. Pero bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko riyan ang mga opisyal ko para maghalughog sa palasyo mo at sa mga bahay ng iyong mga opisyal. Kukunin nila ang lahat ng itinuturing mong mahalaga.’ ”

Ipinatawag ng hari ng Israel ang lahat ng tagapamahala ng Israel, at sinabi, “Naghahanap talaga ng paraan si Ben Hadad na wasakin tayo. Pumayag na nga ako nang hilingin niya ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak at ginto.” Sumagot ang mga tagapamahala at ang mga tao, “Huwag po kayong papayag sa mga hinihiling niya.” Kaya sinabihan niya ang mga mensahero ni Ben Hadad, “Sabihin ninyo sa mahal na hari na ibibigay ko ang kanyang unang kahilingan, pero ang ikalawa ay hindi ko na maibibigay.” Nagsiuwi ang mga mensahero at sinabi kay Ben Hadad ang sagot ni Ahab.

10 Nagpadala muli si Ben Hadad ng mensahe kay Ahab, “Lubos sana akong parusahan ng mga dios, kung hindi ko mawasak nang lubos ang Samaria. Titiyakin kong kahit alikabok ay walang maiiwan na madadakot ang mga sundalo ko.” 11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihan nʼyo siya na ang sundalong naghahanda pa lang sa pakikipaglaban ay hindi dapat magmayabang tulad ng sundalong tapos nang makipaglaban.” 12 Natanggap ni Ben Hadad ang sagot ni Ahab habang umiinom siya at ang mga kasama niyang hari roon sa kanilang mga tolda. Agad niyang inutusan ang mga tauhan niya na maghanda sa paglusob sa Samaria. At sinunod nila ito.

Tinalo ni Ahab si Ben Hadad

13 Samantala, may dumating na isang propeta kay Ahab, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Nakita mo ang napakaraming sundalo ni Ben Hadad. Pero ipapatalo ko sila sa iyo sa araw na ito, at malalaman mo na ako ang Panginoon.” 14 Nagtanong si Ahab, “Pero sino ang tatalo sa kanila?” Sumagot ang propeta, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga binatang sundalo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya ang siyang tatalo sa kanila.” Nagtanong si Ahab, “Sino ang unang lulusob?” Sumagot ang propeta, “Kayo.”[d]

15 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga binatang sundalo, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya – 232 silang lahat. At tinipon din niya ang iba pang mga Israelita – 7,000 silang lahat. 16 Tanghali nang lumusob sila, habang si Ben Hadad at ang 32 haring kakampi niya ay naglalasing sa mga tolda nila. 17 Ang unang lumusob ay ang mga binatang sundalo.

Ngayon, ang mga espiyang ipinadala ni Ben Hadad sa Samaria ay nagsabi sa kanya, “May mga sundalo pong papunta rito mula sa Samaria.” 18 Sinabi ni Ben Hadad, “Hulihin nʼyo sila! Kahit anong pakay nila rito, makipaglaban man o makipag-ayos.”

19 Ang mga binatang sundalo ang nangunguna sa mga sundalo ng Israel. 20 Ang bawat isaʼy pinatay ang kanyang kalaban. Kaya tumakas ang ibang mga sundalo ng Aram, at hinabol sila ng mga Israelita. Pero si Ben Hadad at ang iba pa niyang mga kasama ay tumakas na nakasakay sa kabayo.

21 Ganoon ang paglusob nina Haring Ahab ng Israel. Marami silang pinatay na Arameo at pinagkukuha[e] nila ang mga kabayo at mga karwahe ng mga ito. 22 Pagkatapos nito, lumapit ang propeta sa hari ng Israel, at sinabi, “Maghanda kayo at magplano nang mabuti, dahil lulusob pong muli ang hari ng Aram sa susunod na taon.”

23 Samantala, sinabi ng mga opisyal ng hari ng Aram sa kanya, “Ang dios ng mga Israelita ay dios ng mga bundok; iyan ang dahilan ng kanilang pagwawagi. Pero kung makikipaglaban tayo sa kanila sa kapatagan, siguradong matatalo natin sila. 24 Ito ang kailangan ninyong gawin: Alisin ninyo ang 32 hari sa kanilang katungkulan, at ipalit sa kanila ang mga kumander. 25 Pagkatapos, magtipon kayo ng mga sundalo, mga kabayo, at mga karwahe na kasindami ng mga nawala noon. Makipaglaban tayo sa mga Israelita sa kapatagan, at tiyak na matatalo natin sila.” Pumayag si Ben Hadad, at ginawa niya ito.

26 Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben Hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa lungsod ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita. 27 Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas para makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila na paharap sa kampo ng mga Arameo. Pero katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan. 28 Pumunta ang lingkod ng Dios sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na dios ako ng mga bundok at hindi dios ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo para malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”

29 Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila nang ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng 100,000 sundalong Arameo. 30 Ang mga natirang Arameo ay nagsitakas sa lungsod ng Afek, kung saan ang 27,000 sa kanila ay nabagsakan ng pader ng lungsod. Tumakas din doon si Ben Hadad at nagtago sa kasuluk-sulukang kwarto ng bahay. 31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga opisyal, “Narinig po namin na maawain daw ang mga hari ng Israel. Kaya pupunta kami sa hari ng Israel, magsusuot ng sako at magtatali ng lubid sa aming mga ulo. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”

32 Kaya nagsuot sila ng sako at tinalian nila ng lubid ang kanilang ulo. Pagkatapos, pumunta sila sa hari ng Israel, at sinabi, “Ang inyo pong lingkod na si Ben Hadad ay humihiling na kung maaari, huwag nʼyo siyang patayin.” Sumagot ang hari, “Buhay pa pala siya? Para ko na siyang kapatid.” 33 Itinuring ng mga opisyal ang sagot ng hari na isang palatandaan na may pag-asa sila, kaya agad naman nilang sinabi na, “Opo, si Ben Hadad ay para na ninyong kapatid.” Sinabi ng hari, “Dalhin ninyo siya sa akin.”

Pagdating ni Ben Hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Isasauli ko sa iyo ang mga lungsod na inagaw ng aking ama sa iyong ama. At maaari kang magpatayo ng mga tindahan sa Damascus, katulad ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” Tugon ni Ahab, “Sa alok mong ito, pakakawalan kita.” Kaya gumawa sila ng kasunduan, at pinaalis siya ni Ahab.

35 Samantala, may isang taong kabilang sa samahan ng mga propeta ang inutusan ng Panginoon para sabihin ito sa kasama niya, “Sige saktan mo ako.” Pero tumanggi ang kasama niya na saktan siya. 36 Kaya sinabi niya sa kanyang kasama, “Dahil hindi mo sinunod ang Panginoon, papatayin ka ng leon pag-alis mo rito.” Pag-alis nga ng kasama niya, nakita siya ng isang leon at pinatay.

37 May nakita namang isang tao ang propeta at sinabi niya, “Saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya nito at nasugatan siya. 38 Pagkatapos, lumakad ang propeta at tumayo sa daan para hintayin na dumaan ang hari ng Israel. Nagbalat-kayo siya sa pamamagitan ng paglalagay ng piring sa mata para hindi makilala. 39 Pagdaan ng hari, sumigaw ang propeta sa kanya, “Mahal na hari, sumama po ako sa labanan, at doon ay may taong nagdala sa akin ng bihag at sinabi, ‘Bantayan mo ang taong ito. Kapag nakatakas siya, papatayin ka o pagbabayarin ng 35 kilong pilak.’ 40 Pero naging abala po ako sa ibang mga gawain kaya nakatakas ang bihag.”

Sinabi ng hari, “Dapat ka ngang parusahan ayon sa sinabi mo.” 41 Tinanggal ng propeta ang piring sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na isa siyang propeta. 42 Sinabi niya sa hari, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Dahil sa pinakawalan mo ang taong sinasabi ko na dapat patayin, ikaw ang papatayin bilang kapalit niya at papatayin din ang iyong mga tauhan bilang kapalit ng kanyang mga tauhan.” 43 Umuwing malungkot at galit ang hari ng Israel sa palasyo niya sa Samaria.

Footnotes

  1. 19:8 Horeb: o, Sinai.
  2. 19:15 Aram: o, Syria. Ganito rin sa 20:1.
  3. 20:1 Aram: o, Syria.
  4. 20:14 Sino ang unang … Kayo: o, Sino ang mangunguna sa kanila sa pakikipaglaban? Sumagot ang propeta, “Ikaw.”
  5. 20:21 pinagkukuha: Ganito sa isang lumang teksto. Sa Hebreo, pinagsisira.