1 Cronica 29
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Regalo sa Pagpapatayo ng Templo
29 Pagkatapos, sinabi ni Haring David sa lahat ng mamamayan ng Israel, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Dios ay bata pa at wala pang karanasan. Malaki ang gawain na ito, dahil ang ipapatayong gusali ay hindi para sa tao kundi para sa Panginoong Dios. 2 Ginawa ko ang lahat para maihanda ang mga materyales para sa templo ng aking Dios – maraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, mamahaling bato na onix, at iba pang mamahaling hiyas at mga batong may ibaʼt ibang kulay, at marami ring marmol. 3 At dahil sa kagustuhan kong maitayo ang templo ng aking Dios, ibibigay ko pati ang personal kong mga ginto at pilak, bukod pa ang mga materyales na naipon ko para sa banal na templo. 4 Ang ibibigay ko ay 100 toneladang ginto mula sa Ofir, at 250 toneladang pilak. Ito ay gagamiting pangtapal sa mga dingding ng templo, 5 at para naman sa lahat ng mga kagamitan na gagawin ng mga platero. Ngayon, sino ang gustong magbigay para sa Panginoon?”
6 Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari. 7 Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal. 8 May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. 9 Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.
Ang Panalangin ni David
10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,
“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob,[a] sa inyo ang kapurihan magpakailanman! 11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat! 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.
13 “Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan. 14 Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin. 15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.
16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito! 17 O aking Dios, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Kaya tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.
18 “O Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo. 19 Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”
20 Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios.” Kaya pinuri nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa Panginoon at sa kanilang hari.
Kinilala si Solomon Bilang Hari
21 Nang sumunod na araw, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog: 1,000 toro, 1,000 lalaking tupa at 1,000 batang tupa. Nag-alay din sila ng mga handog na inumin at iba pang mga handog para sa mga Israelita. 22 Masaya silang nagkainan at nag-inuman sa presensya ng Panginoon nang araw na iyon.
Muli, idineklara nilang hari si Solomon na anak ni David. Pinahiran si Solomon ng langis sa presensya ng Panginoon bilang hari, at pinahiran din ng langis si Zadok bilang pari. 23 Kaya umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari, kapalit ng ama niyang si David. Naging maunlad si Solomon, at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nangako ang lahat ng opisyal, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng anak na lalaki ni Haring David na magpapasakop sila kay Haring Solomon. 25 Niloob ng Panginoon na maging tanyag si Solomon sa buong Israel at binigyan ng karangalang hindi nakamit ng ibang hari sa Israel.
Ang Pagkamatay ni David
26-27 Naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel sa loob ng 40 taon – 7 taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, mayaman at marangal. Namatay siya nang matandang-matanda na at ang anak niyang si Solomon ang pumalit sa kanya bilang hari. 29 Ang kasaysayan tungkol sa paghahari ni Haring David, mula sa simula hanggang katapusan ay nakasulat sa mga aklat ng mga propeta na sina Samuel, Natan at Gad. 30 Naisulat dito kung paano siya naghari, at kung gaano siya naging makapangyarihan, at ang lahat ng nangyari sa kanya at sa Israel, at sa mga nakapaligid na kaharian.
Footnotes
- 29:10 Jacob: sa Hebreo, Israel. Ganito rin sa talatang 18.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®