1 Cronica 29
Ang Biblia, 2001
Mga Inihandang Gagamitin sa Pagtatayo ng Templo
29 Sinabi(A) ni Haring David sa buong kapulungan, “Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa Panginoong Diyos.
2 Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol.
3 Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay:
4 tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali;
5 ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang maghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa Panginoon sa araw na ito?”
Ang Handog ng mga Tao
6 Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong-kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pati ang mga tagapamahala sa gawain ng hari.
7 Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal.
8 Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita.
9 Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa Panginoon at si Haring David ay labis na nagalak.
Ang Pagpapasalamat ni David
10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O Panginoon, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman.
11 Iyo,(B) O Panginoon, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O Panginoon, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat.
12 Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.
13 At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.
14 “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo.
15 Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal.
16 O Panginoon naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang.
17 Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo.
18 O Panginoon, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo.
19 Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.”
Nagsunog ng Handog
20 Sinabi ni David sa buong kapulungan, “Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.” Ang buong kapulungan ay nagpuri sa Panginoon, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa Panginoon, at nagbigay-galang sa hari.
21 Sila'y nag-alay ng mga handog sa Panginoon, at kinabukasan ay naghandog sa Panginoon ng mga handog na sinusunog na isang libong baka, isang libong tupang lalaki, at isang libong kordero, pati mga inuming handog na para sa mga iyon, at ng saganang alay ukol sa buong Israel.
Si Solomon ay Ginawang Hari
22 Sila'y kumain at uminom sa harap ng Panginoon nang araw na iyon na may malaking kasayahan. Sa ikalawang pagkakataon ay kanilang ginawang hari si Solomon na anak ni David, at binuhusan siya ng langis bilang pinuno para sa Panginoon at si Zadok bilang pari.
23 Pagkatapos(C) ay umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari na kapalit ni David na kanyang ama; at siya'y nagtagumpay, at ang buong Israel ay sumunod sa kanya.
24 Ang lahat ng pinuno at ang mga mandirigma, at ang lahat ng mga anak ni Haring David ay nangako ng kanilang katapatan kay Haring Solomon.
25 Pinadakilang mabuti ng Panginoon si Solomon sa paningin ng buong Israel, at binigyan ng karangalan bilang hari na hindi tinanggap ng sinumang nauna sa kanya sa Israel.
Ang Pamamahala at Kamatayan ni David
26 Sa gayon naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel.
27 Ang(D) panahon ng kanyang paghahari sa Israel ay apatnapung taon; pitong taon siyang naghari sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
28 Pagkatapos siya'y namatay sa sapat na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan; at si Solomon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
29 At ang mga gawa ni Haring David, mula sa una hanggang huli ay nakasulat sa Kasaysayan[a] ni Samuel na tagakita at sa Kasaysayan ni Natan na propeta, at sa Kasaysayan ni Gad na tagakita;
30 pati ang salaysay ng kanyang buong paghahari, ang kanyang kapangyarihan at ang mga pangyayaring dumating sa kanya at sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.
Footnotes
- 1 Cronica 29:29 o Cronica .