Add parallel Print Page Options

Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari. Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal. May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.

Ang Panalangin ni David

10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,

“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob,[a] sa inyo ang kapurihan magpakailanman! 11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat! 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.

13 “Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan. 14 Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin. 15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.

16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito!

Read full chapter

Footnotes

  1. 29:10 Jacob: sa Hebreo, Israel. Ganito rin sa talatang 18.