Add parallel Print Page Options

Pinarusahan ang mga Ammonita(A)

20 Nang(B) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.

Pakikipaglaban sa mga Higanteng Filisteo(C)

Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.

Sa(D) isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.

Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.

Kinubkob ang Rabba(A)

20 Sa(B) tagsibol ng taon, sa panahong ang mga hari ay humahayo upang makipaglaban, pinamunuan ni Joab ang hukbo, sinira niya ang lupain ng mga anak ni Ammon, at dumating at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. At sinalakay ni Joab ang Rabba, at ibinagsak ito.

At kinuha ni David ang korona sa ulo ng kanilang hari, at kanyang napag-alamang may timbang na isang talentong ginto, at ito ay may mahalagang bato. Ito'y inilagay sa ulo ni David. At kanyang inilabas ang samsam ng lunsod na totoong napakarami.

At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagtrabaho sila na ang gamit ay mga lagari, mga suyod na bakal, at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Ammon. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Sinalakay ang Filisteo(C)

Pagkatapos nito ay sumiklab ang digmaan sa Gezer laban sa mga Filisteo. Pinatay ni Shibecai na Husatita si Sipai, na isa sa mga anak ng mga higante, at ang mga Filisteo ay nagapi.

Nagkaroon(D) uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Geteo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.

Nagkaroon uli ng labanan sa Gat, na doo'y may isang napakalaking lalaki na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawampu't apat, anim sa bawat kamay at anim sa bawat paa; at siya rin nama'y ipinanganak mula sa mga higante.

Nang kanyang libakin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimea na kapatid ni David.

Ang mga ito ay ipinanganak mula sa mga higante sa Gat, at sila'y bumagsak sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.