Add parallel Print Page Options

Nilupig ni David ang mga Ammonita at mga Taga-Aram(A)

19 Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pagdating ng mga sugo, sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?”

Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas.

Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon.

10 Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. 11 Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. 12 Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”

14 Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. 15 Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. 16 Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. 17 Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. 18 Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. 19 Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. 20 Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita.

Ang Sugo ni David ay Nilapastangan ni Hanun(A)

19 Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

At sinabi ni David, “Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin.” Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun[a] tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya,

sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?”

Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.

At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo.”

Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba.

Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban.

Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma.

Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sa kaparangan.

Natalo ang Ammon at ang Aram

10 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram,

11 at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon.

12 At sinabi niya, “Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita.

13 Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti sa kanya.”

14 Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya.

15 Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem.

16 Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong-kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila.

17 Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya.

18 At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong-kawal ng hukbo.

19 Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon.

Footnotes

  1. 1 Cronica 19:2 Sa Hebreo ay siya .

Ang sugo ni David ay nilapastangan ni Hanan.

19 At (A)nangyari, pagkatapos nito, na si Naas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

At sinabi ni David, Ako'y magpapakita ng kagandahang loob kay Hanan na anak ni Naas, sapagka't ang kaniyang ama ay nagpakita ng kagandahang loob sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David ng mga sugo upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At ang mga lingkod ni David ay naparoon sa lupain ng mga anak ni Ammon kay Hanan, upang aliwin siya.

Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanan: Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, na siya'y nagsugo ng mga mangaaliw sa iyo? hindi ba ang kaniyang mga lingkod ay nagsiparito sa iyo upang kilalanin, at upang gibain, at upang tiktikan ang lupain?

Sa gayo'y sinunggaban ni Hanan ang mga lingkod ni David, at inahitan, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinayaon.

Nang magkagayo'y may nagsiparoong ilan at nagsipagsaysay kay David kung paanong dinuwahagi ang mga lalake. At kaniyang sinugong salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay nangapahiyang mainam. At sinabi ng hari, Kayo'y magsipaghintay sa Jerico hanggang sa ang inyong balbas ay tumubo, at kung magkagayo'y magsibalik kayo.

At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, si Hanan at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak, upang mangupahan sila ng mga karo at mga mangangabayo na mula sa Mesopotamia, at mula sa (B)Aram-maacha, at mula sa Soba.

Sa gayo'y nangupahan sila ng tatlongpu't dalawang libong karo, at sa hari sa Maacha at sa kaniyang bayan; na siyang pumaroon at humantong sa harap ng (C)Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan mula sa kanilang mga bayan, at nagsiparoon upang makipagbaka.

At nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake.

At ang mga anak ni Ammon, ay nagsilabas, at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pintuan ng bayan: at ang mga hari na nagsiparoon ay nangagisa sa parang.

Ang Ammon at ang Siria ay tinalo.

10 Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nahahanay laban sa kaniya sa harapan at sa likuran, pinili niya yaong mga piling lalake ng Israel, at inihanay laban sa mga taga Siria.

11 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ipinamahala sa kapangyarihan ng kaniyang kapatid na si (D)Abisai, at sila'y nagsihanay laban sa mga anak ni Ammon.

12 At sinabi niya, Kung ang mga taga Siria ay manaig sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay manaig sa iyo, akin ngang tutulungan ka.

13 Magpakatapang kang mabuti, at tayo'y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.

14 Sa gayo'y si Joab at ang bayan na nasa kaniya ay nagsilapit sa harap ng mga taga Siria sa pakikipagbaka; at sila'y nagsitakas sa harap niya.

15 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila ma'y nagsitakas sa harap ni Abisai na kaniyang kapatid, at nagsipasok sa bayan. Nang magkagayo'y si Joab ay naparoon sa Jerusalem.

16 At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nagsipagsugo ng mga sugo, at dinala ang mga taga Siria na nandoon sa dako roon ng Ilog, na kasama ni (E)Sophach na punong kawal ng hukbo ni Adarezer sa kanilang unahan.

17 At nasaysay kay David; at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa kanila, at humanay laban sa kanila. Sa gayo'y nang humanay sa pakikipagbaka si David laban sa mga taga Siria, sila'y nangakipaglaban sa kaniya.

18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at si David ay pumatay sa mga taga Siria ng mga tao sa pitong libong karo, at apat na pung libong naglalakad, at pinatay si Sophach na pinunong kawal ng hukbo.

19 At nang makita ng mga lingkod ni Adarezer na sila'y nangalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at nangaglingkod sa kaniya: ni hindi na tumulong pa ang mga taga Siria sa mga anak ni Ammon.