1 Cronica 16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
16 Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] 2 Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. 3 Binigyan niya ng tinapay, karne,[b] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae.
4 Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 5 Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. 6 Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.
Ang Awit ng Pasasalamat ni David(A)
7 Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa Panginoon:
8 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
9 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
10 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
11 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
12-13 Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
14 Siya ang Panginoon na ating Dios,
at siya ang namamahala sa buong mundo.
15 Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
16 Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
at ipinangako niya kay Isaac.
17 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,[c]
at magpapatuloy ito magpakailanman.
18 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.”[d]
19 Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
20 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
21 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
22 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
23 Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
24 Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
25 Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
26 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
27 Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.
28 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
29 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
30 Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
31 Magalak ang buong kalangitan at mundo;
ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
32 Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
33 At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
34 Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
35 Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.”[e]
36 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!
37 Ipinagkatiwala ni David kay Asaf at sa kapwa nito Levita ang palaging paglilingkod sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ayon sa kailangang gawin sa bawat araw. 38 Kabilang sa grupong ito ay si Obed Edom na anak ni Jedutun, si Hosa, at ang 68 pang Levita, na mga guwardya ng Tolda.
39 Ipinagkatiwala ni David sa pari na si Zadok at sa kanyang mga kapwa pari ang Tolda ng Panginoon doon sa mataas na lugar sa Gibeon. 40 Sila ang palaging nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar, araw at gabi, ayon sa lahat ng nakasulat sa Kautusan ng Panginoon na ibinigay niya sa Israel. 41 Kasama rin nila sina Heman, Jedutun, at ang iba pang mga pinili sa pag-awit ng pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niyang walang hanggan. 42 Tungkulin nina Heman at Jedutun ang pagpapatunog ng mga trumpeta, pompyang at ng iba pang mga instrumento na ginagamit sa pag-awit ng mga awitin para sa Panginoon. Ang mga anak ni Jedutun ang pinagkatiwalaan na magbantay sa pintuan.
43 Pagkatapos, umuwi ang lahat sa mga bahay nila, at si David ay umuwi rin para basbasan ang kanyang pamilya.
Footnotes
1 Cronica 16
Ang Biblia (1978)
Naghandog ng mga handog na susunugin.
16 At kanilang ipinasok ang kaban ng Dios, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para roon: at sila'y nagsipaghandog ng mga handog na susunugin, at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Dios.
2 At nang si David ay makatapos na maghandog ng handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, ay kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 At siya'y nagbigay sa bawa't isa sa Israel, sa lalake at gayon din sa babae, sa bawa't isa ng isang tinapay, at ng isang bahaging laman, at isang binilong pasas.
4 At siya'y naghalal ng ilan sa mga Levita upang (A)magsipangasiwa sa harap ng kaban ng Panginoon, at upang magsipagdiwang at magagpasalamat, at mangagpuri sa Panginoon, sa Dios ng Israel:
5 (B)Si Asaph ang pinuno, at ang ikalawa niya'y si Zacharias, si Jeiel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Eliab, at si Benaias, at si Obed-edom, at si Jeiel, na may mga salterio at mga alpa; at si Asaph na may mga simbalo, na tumutunog ng malakas;
6 At si Benaias at si Jahaziel na mga saserdote na mga may pakakak na palagi, sa harap ng kaban ng tipan ng Dios.
7 Nang magkagayo'y nang araw na yao'y unang iniutos ni David ang (C)magpasalamat sa Panginoon, sa pamamagitan ng kamay ni Asaph at ng kaniyang mga kapatid.
Ang awit ng pagpapasalamat.
8 (D)Oh kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon, magsitawag kayo sa kaniyang pangalan;
(E)Ipakilala ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa.
9 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya;
Salitain ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Mangagpakaluwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan:
Mangagalak ang puso niyaong nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang lakas;
Hanapin ninyo ang kaniyang mukha na palagi.
12 Alalahanin ninyo ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa na kaniyang ginawa;
Ang kaniyang mga kababalaghan, at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
13 Oh kayong binhi ng Israel na kaniyang lingkod,
Kayong mga anak ni Jacob na kaniyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Dios;
(F)Ang kaniyang mga kahatulan ay nasa sangkalupaan.
15 Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailan man,
Ang salita na kaniyang iniutos sa libolibong sali't saling lahi;
16 (G)Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham,
At ang kaniyang sumpa kay Isaac:
17 At pinatotohanan din kay Jacob na pinaka palatuntunan,
Kay Israel na pinaka walang hanggang tipan:
18 Na sinasabi, (H)Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
Ang kapalaran ng inyong mana:
19 Noong kayo'y kakaunting tao sa bilang;
Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
20 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa,
At mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
21 Hindi niya tiniis na gawan sila nino man ng kasamaan;
Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.
23 (I)Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
Ang kaniyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihing mainam:
Siya rin nama'y marapat na katakutan (J)ng higit sa lahat na dios.
26 Sapagka't lahat ng dios ng mga bayan ay mga diosdiosan:
Nguni't nilikha ng Panginoon ang mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nangasa harap niya:
Kalakasan at kasayahan ang nangasa kaniyang tahanan.
28 Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan.
29 Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan:
Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya:
Inyong sambahin ang Panginoon sa (K)ganda ng kabanalan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
Ang sanglibutan nama'y natatatag na hindi makikilos.
31 Mangagsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
At sabihin nila sa gitna ng mga bansa, Ang Panginoon ay naghahari.
32 (L)Umugong ang dagat at ang kapunuan niyaon;
Matuwa ang parang at ang lahat na nandoon;
33 Kung magkagayo'y aawit ang mga puno ng kahoy sa gubat dahil sa kagalakan sa harap ng Panginoon,
Sapagka't siya'y naparirito upang hatulan ang lupa.
34 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
35 (M)At sabihin ninyo, Iligtas mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan,
At pisanin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
Upang kami ay pasalamat sa iyong banal na pangalan,
At magtagumpay sa iyong kapurihan.
36 (N)Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel,
Mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.
At sinabi ng (O)buong bayan, Siya nawa: at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa harap ng kaban.
37 Sa gayo'y iniwan niya roon (P)sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, si Asaph at ang kaniyang mga kapatid upang magsipangasiwang palagi sa harap ng kaban, gaya ng kinakailangan ng gawain sa araw-araw:
38 At si Obed-edom pati ng kanilang mga kapatid, ay anim na pu't walo; si Obed-edom din na anak ni Jeduthun at si Asa ay upang maging mga tagatanod-pinto:
39 At si Sadoc na saserdote, at ang kaniyang mga kapatid na mga saserdote, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon sa mataas na dako na nasa (Q)Gabaon,
40 Upang maghandog na (R)palagi ng mga handog na susunugin sa Panginoon sa ibabaw ng (S)dambana ng handog na susunugin sa umaga at hapon, ayon sa lahat na nangasusulat sa kautusan ng Panginoon na kaniyang iniutos sa Israel;
41 At kasama nila si Heman at si Jeduthun, at ang nalabi sa mga pinili, na nangasaysay sa pangalan upang pasalamat sa Panginoon, (T)sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man;
42 At kasama nila si Heman at si Jeduthun na may mga pakakak at mga simbalo sa mangagpapatunog ng malakas, at mga may panugtog sa mga awit sa Dios: at ang mga anak ni Jeduthun upang mangalagay sa pintuang-daan.
43 (U)At ang buong bayan ay nagsiuwi bawa't tao sa kanikaniyang bahay: at si David ay bumalik upang basbasan ang kaniyang sangbahayan.
1 Cronica 16
Ang Biblia, 2001
Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog
16 Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.
4 Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,
6 at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.
Ang Awit ng Pagpapasalamat(A)
8 O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
9 Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12 Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13 O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15 Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17 na(C) kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18 na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
ang bahagi ng inyong mana.”
19 Noong sila'y kakaunti sa bilang;
at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20 na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21 hindi(D) niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26 Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28 Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31 Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32 Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33 kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34 O(E) magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35 Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”
At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban
37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.
38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.
39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,
40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.
41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.
43 At(F) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.