1 Cronica 14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pamilya ni David(A)
14 Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 2 At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.
3 Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya. 4 Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Shamua,[a] Shobab, Natan, Solomon, 5 Ibhar, Elishua, Elpelet, 6 Noga, Nefeg, Jafia, 7 Elishama, Beeliada,[b] at Elifelet.
Tinalo ni David ang mga Filisteo(B)
8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila. 9 Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim, 10 nagtanong si David sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.” 11 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal Perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Dios ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako para lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal Perazim[c] ang lugar na iyon.
12 Naiwan ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.
13 Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim. 14 Kaya muling nagtanong si David sa Dios, at sumagot ang Dios sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 15 Kapag narinig ninyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsamo, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 16 Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Dios, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.
17 Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.
1 Cronica 14
Ang Biblia (1978)
Ang sangbahayan ni David.
14 At si (A)Hiram na hari sa Tiro ay nagsugo ng mga sugo kay David, at nagpadala ng mga puno ng sedro, at mga mananabas ng bato, at mga anluwagi, upang ipagtayo siya ng bahay.
2 At nahalata ni David na itinatag siyang hari ng Panginoon sa Israel; sapagka't ang kaniyang kaharian ay itinaas ng mataas, dahil sa kaniyang bayang Israel.
3 At si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem: at si David ay nagkaanak pa ng mga lalake at mga babae.
4 At (B)ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: si Smua, at si Sobab, si Nathan, at si Salomon.
5 At si Ibhar, at si Elisua, at si Elphelet;
6 At si Noga, at si Nepheg, at si Japhias;
7 At si Elisama, at si (C)Beeliada, at si Eliphelet.
8 At (D)nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay pinahiran ng langis na maging hari sa buong Israel, ay nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David: at nabalitaan ni David, at nilabas sila.
9 Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nanganamsam sa libis ng Raphaim.
10 At si David ay sumangguni sa Dios, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? at iyo bang ibibigay sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Umahon ka: sapagka't aking ibibigay sila sa iyong kamay.
11 Sa gayo'y nagsiahon sila sa Baalperasim, at sinaktan sila ni David doon; at sinabi ni David, Nilansag ng Dios ang aking mga kaaway na gaya ng baha ng tubig. Kaya't kanilang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim.
12 At kanilang iniwan doon ang kanilang mga dios; at nagutos si David, at (E)sinunog sa apoy ang mga yaon.
13 At nanganamsam pa uli ang mga Filisteo sa libis.
14 At si David ay sumangguni uli sa Dios; at sinabi ng Dios sa kaniya, Huwag kang aahong kasunod nila; lihisan mo sila, at pumaroon ka sa kanila sa tapat ng mga puno ng morales.
15 At mangyayari, na pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay lalabas sa pakikipagbaka: sapagka't ang Dios ay yumaon sa unahan mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.
16 At ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kaniya ng Dios: at kanilang sinaktan ang hukbo ng mga Filisteo (F)mula sa Gabaon hanggang sa Gezer.
17 At ang kabantugan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; at sinidlan ng Panginoon ng (G)takot sa kaniya ang lahat na bansa.
1 Chronicles 14
Living Bible
14 King Hiram of Tyre sent masons and carpenters to help build David’s palace and he supplied him with much cedar lumber. 2 David now realized why the Lord had made him king and why he had made his kingdom so great; it was for a special reason—to give joy to God’s people!
3 After David moved to Jerusalem, he married additional wives and became the father of many sons and daughters.
4-7 These are the names of the sons born to him in Jerusalem: Shammua, Shobab, Nathan, Solomon, Ibhar, Elishua, Elpelet, Nogah, Nepheg, Japhia, Elishama, Beeliada, Eliphelet.
8 When the Philistines heard that David was Israel’s new king, they mobilized their forces to capture him. But David learned that they were on the way, so he called together his army. 9 The Philistines were raiding the valley of Rephaim, 10 and David asked the Lord, “If I go out and fight them, will you give me the victory?”
And the Lord replied, “Yes, I will.”
11 So he attacked them at Baal-perazim and wiped them out. He exulted, “God has used me to sweep away my enemies like water bursting through a dam!” That is why the place has been known as Baal-perazim ever since (meaning, “The Place of Breaking Through”).
12 After the battle the Israelis picked up many idols left by the Philistines, but David ordered them burned.
13 Later the Philistines raided the valley again, 14 and again David asked God what to do.
The Lord replied, “Go around by the mulberry trees and attack from there. 15 When you hear a sound like marching in the tops of the mulberry trees, that is your signal to attack, for God will go before you and destroy the enemy.”
16 So David did as the Lord commanded him; and he cut down the army of the Philistines all the way from Gibeon to Gezer. 17 David’s fame spread everywhere, and the Lord caused all the nations to fear him.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
The Living Bible copyright © 1971 by Tyndale House Foundation. Used by permission of Tyndale House Publishers Inc., Carol Stream, Illinois 60188. All rights reserved.
