1 Cronica 12
Ang Biblia, 2001
Ang mga Kaibigan ni David sa Siclag
12 Ang mga ito ang pumunta kay David sa Siclag, habang siya'y hindi malayang makagalaw dahil kay Saul na anak ni Kish. Sila'y kabilang sa magigiting na mandirigma na tumulong sa kanya sa digmaan.
2 Sila'y mga mamamana at nakakatudla ng pana at nakapagpapakawala ng mga bato sa pamamagitan ng kanan o kaliwang kamay. Sila'y mga taga-Benjamin, mga kamag-anak ni Saul.
3 Ang pinuno ay sina Ahiezer at Joas, na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea; at sina Jeziel at Pelet, na mga anak ni Azmavet; at sina Beraca at Jehu na taga-Anatot;
4 si Ismaias na Gibeonita, isang mandirigma na kabilang sa tatlumpu at pinuno ng tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad ng Gedera;
5 sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Shemarias, at Shefatias na Harufita;
6 sina Elkana, Ishias, Azarel, Joezer, at Jasobeam, na mga Korahita;
7 sina Joela, at Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
Ang mga Gadita na Nagsisunod kay David
8 At sa mga Gadita ay sumama kay David sa muog sa ilang ang magigiting at bihasang mandirigma, sanay sa kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila'y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok:
9 si Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo;
10 si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima;
11 si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito;
12 si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam;
13 si Jeremias ang ikasampu, si Macbani ang ikalabing-isa.
14 Ang mga anak na ito ni Gad ay mga pinunong-kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay higit sa isang daan, at ang pinakamalaki ay higit sa isang libo.
15 Ito ang mga lalaking nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang ito'y umaapaw sa lahat nitong mga pampang, at kanilang pinatakas ang lahat ng nasa mga libis, sa silangan, at sa kanluran.
16 Pumunta sa muog na kinaroroonan ni David ang ilan sa mga anak ni Benjamin at Juda.
17 Si David ay lumabas upang salubungin sila at sinabi sa kanila, “Kung kayo'y pumarito sa akin para sa kapayapaan at upang tulungan ako, ang aking puso ay mapapalakip sa inyo. Ngunit kung upang ipagkanulo ako sa aking mga kaaway, gayong walang kasamaan sa aking mga kamay, makita nawa ito ng Diyos ng ating mga ninuno at sawayin kayo.”
18 At ang Espiritu ay dumating kay Amasai na pinuno ng tatlumpu, at sinabi niya, “Kami ay sa iyo, David, at kasama mo, O anak ni Jesse! Kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan sa iyong mga katulong; sapagkat tinutulungan ka ng iyong Diyos.” Nang magkagayo'y tinanggap sila ni David at ginawa silang mga pinunong-kawal ng kanyang hukbo.
19 Ang ilan sa mga tauhan ni Manases ay kumampi kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo upang lumaban kay Saul. Gayunman sila'y hindi niya tinulungan sapagkat ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagpulong at pinaalis siya, na sinasabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay sapagkat kakampi pa rin siya sa kanyang panginoong si Saul.”
20 Sa pagpunta niya sa Siklag, ang mga tauhang ito ni Manases ay kumampi sa kanya: sina Adnas, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu, at Siletai, na mga pinunong-kawal ng mga libu-libo sa Manases.
21 Kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw, sapagkat silang lahat ay matatapang na mandirigma at mga pinunong-kawal sa hukbo.
22 Sa araw-araw ay may mga taong pumupunta kay David upang tumulong sa kanya, hanggang sa nagkaroon ng malaking hukbo, gaya ng isang hukbo ng Diyos.
Ang Ibang mga Kaibigan ni David
23 Ito ang mga bilang ng mga pangkat ng hukbong nasasandatahan na pumunta kay David sa Hebron, upang ibigay ang kaharian ni Saul sa kanya, ayon sa salita ng Panginoon.
24 Ang mga anak ni Juda na humahawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daang hukbong nasasandatahan.
25 Sa mga anak ni Simeon, pitong libo at isandaang magigiting na mandirigma.
26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at animnaraan.
27 At kasama ni Jehoiada na pinuno ng sambahayan ni Aaron ang tatlong libo at pitong daan;
28 at si Zadok, na isang binatang magiting na mandirigma, at ang dalawampu't dalawang pinunong-kawal mula sambahayan ng kanyang ninuno.
29 Sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul ay tatlong libo, sapagkat ang karamihan sa kanila ay nanatiling tapat sa sambahayan ni Saul.
30 Sa mga anak ni Efraim ay dalawampung libo at walong daang magigiting na mandirigma, mga tanyag na lalaki sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
31 Sa kalahating lipi ng Manases ay labingwalong libo na itinalaga sa pamamagitan ng mga pangalan, upang pumaroon at gawing hari si David.
32 Sa mga anak ni Isacar na nakakaunawa ng mga panahon, upang malaman kung ano ang marapat gawin ng Israel ay dalawandaang pinuno, at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang pamumuno.
33 Sa Zebulon ay limampung libong sanay sa pakikipaglaban na handa sa lahat ng uri ng sandatang pandigma, at may iisang layuning tumulong.
34 Sa Neftali ay isanlibong pinunong-kawal at may kasamang tatlumpu't pitong libong katao na may kalasag at sibat.
35 Sa mga Danita ay dalawampu't walong libo at animnaraan na handa para sa pakikipaglaban.
36 Sa Aser ay apatnapung libong kawal na sanay sa pakikipaglaban at handa sa digmaan.
37 At sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, mula sa kabilang ibayo ng Jordan ay isandaan at dalawampung libong katao na mayroong lahat ng uri ng sandatang pandigma.
Ang mga Tumulong kay David upang Maging Hari
38 Lahat ng mga ito, mga mandirigmang handa sa pakikipaglaban, ay pumunta sa Hebron na may buong layunin na gawing hari si David sa buong Israel. Gayundin, ang iba pa sa Israel ay nagkaisa na gawing hari si David.
39 Sila'y naroong kasama ni David sa loob ng tatlong araw, kumakain at umiinom, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.
40 Gayundin ang kanilang mga kalapit-bayan, hanggang sa Isacar, Zebulon at Neftali ay dumating na may dalang tinapay na nasa mga asno, mga kamelyo, mga mola, mga baka, mga sari-saring pagkain, mga tinapay na igos, mga buwig ng pasas, alak at langis, mga baka at tupa, sapagkat may kagalakan sa Israel.