1 Cronica 11
Ang Biblia (1978)
Si David ay ginawang hari ng buong Israel.
11 Nang magkagayo'y ang (A)buong Israel ay nagpipisan kay David sa Hebron, na nagsasabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman.
2 Nang mga panahong nakaraan, sa makatuwid baga'y nang si Saul ay hari, ikaw ang pumapatnubay at nagpapasok sa Israel: at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Dios, Iyong aalagaan ang aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pangulo ng aking bayang Israel.
3 Sa gayo'y lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon sa hari sa Hebron; at si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon, at kanilang pinahiran ng langis si David na hari sa Israel, (B)ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
Sinakop ni David ang Sion.
4 At si David at ang buong Israel ay naparoon sa Jerusalem (na siyang Jebus); at ang mga Jebuseo na mga tagaroon sa lupain, ay nangandoon.
5 At sinabi ng mga taga Jebus kay David, Ikaw ay hindi makapapasok rito. Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan ng Sion; na siyang bayan ni David.
6 At sinabi ni David, Sinomang sumakit sa mga Jebuseo na una ay (C)magiging pinuno at kapitan. At si Joab na anak ni Sarvia ay sumampang una, at naging pinuno.
7 At si David ay tumahan sa katibayan; kaya't kanilang tinawag na bayan ni David.
8 At kaniyang itinayo ang bayan sa palibot, mula sa Millo hanggang sa palibot: at hinusay ni Joab ang nalabi sa bayan.
9 At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa kaniya.
Ang mga makapangyarihang lalake ni David.
10 (D)Ang mga ito ang mga pinuno ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David, na napakilala na malakas na kasama niya sa kaniyang kaharian, na kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.
11 At ito ang bilang ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: si Jasobam, na anak ng isang Hachmonita, na pinuno ng tatlongpu; siya ang nagtaas ng kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila na paminsan.
12 At pagkatapos niya ay si Eleazar na anak ni Dodo, na Ahohita, na isa sa tatlong makapangyarihang lalake.
13 Siya'y kasama ni David sa (E)Pasdammin, at doo'y ang mga Filisteo ay nagpipisan upang bumaka, na kinaroroonan ng isang putol na lupa na puno ng sebada; at ang bayan ay tumakas sa harap ng mga Filisteo.
14 At sila'y nagsitayo sa gitna ng putol na yaon at ipinagsanggalang, at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas ng Panginoon sila sa pamamagitan ng isang dakilang pagtatagumpay.
15 At binaba sa malaking bato si David ng tatlo sa tatlongpung pinuno, sa loob ng yungib ni Adullam; at ang hukbo ng mga Filisteo ay humantong sa libis ng Raphaim.
16 At si David nga ay nasa katibayan, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Beth-lehem noon.
17 At si David ay nagbuntonghininga, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Beth-lehem na mainom, na nasa siping ng pintuang-bayan!
18 At ang tatlo'y nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Beth-lehem na nasa siping ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David: nguni't hindi ininom ni David yaon, kundi ibinuhos na pinakainuming handog sa Panginoon.
19 At sinabi, Huwag itulot sa akin ng aking Dios na aking gawin ito; iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na ipinain ang kanilang buhay sa pagkamatay? sapagka't sa pagpapain ng kanilang mga buhay ay kanilang dinala. Kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong makapangyarihang lalake.
20 At si Abisai na kapatid ni Joab, siyang pinuno ng tatlo: sapagka't kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila, at nagkaroon ng pangalan sa tatlo.
21 Sa tatlo, siya'y lalong marangal kay sa dalawa, at ginawang kanilang pinunong kawal: gayon ma'y hindi siya umabot sa unang tatlo.
22 Si Benaias na anak ni Joiada, na anak ng isang matapang na lalake sa Cabseel, na gumawa ng mga makapangyarihang gawa, ay kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab: siya'y bumaba rin naman at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa panahon ng niebe.
23 At siya'y pumatay ng isang taga Egipto, na isang lalaking may malaking bulas, na limang siko ang taas; at sa kamay ng taga Egipto ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; at binaba niya siya na may isang tungkod, at inagaw ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.
24 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong makapangyarihang lalake.
25 Narito, siya'y lalong marangal kay sa tatlongpu, nguni't hindi siya umabot sa unang tatlo: at inilagay ni David sa kaniya na bantay.
26 Ang mga makapangyarihang lalake naman sa mga hukbo; si Asael na kapatid ni Joab, si Elchanan na anak ni Dodo na taga Beth-lehem:
27 Si Samoth na Arorita, si Helles na (F)Pelonita;
28 Si Ira na anak ni Acces na Tecoita, si Abiezer na Anathothita;
29 Si Sibbecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;
30 Si Maharai na Nethophatita, si Heled na anak ni Baana na Nethophatita;
31 Si Ithai na anak ni Ribai na taga Gabaath, sa mga anak ni Benjamin, si Benaias na Phirathita.
32 Si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbathonita;
33 Si Azmaveth na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita;
34 Ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita;
35 Si Ahiam na anak ni Sachar, na Ararita, si Eliphal na anak ni Ur;
36 Si Hepher na Mecherathita, si Ahia na Phelonita;
37 Si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai;
38 Si Joel na kapatid ni Nathan, si Mibhar na anak ni Agrai,
39 Si Selec na Ammonita, si Naarai na Berothita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia;
40 Si Ira na Ithrita, si Yared na Ithrita:
41 Si Uria na Hetheo, si Zabad na anak ni Ahli;
42 Si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlongpu ang kasama niya;
43 Si Hanan na anak ni Maacha, at si Josaphat na Mithnita;
44 Si Uzzias na Astarothita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotham na Arorita;
45 Si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kaniyang kapatid, na Thisaita;
46 Si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Ithma na Moabita;
47 Si Eliel, at si Obed, at si Jaasiel, na taga Mesobiata.
1 Cronica 11
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Naging Hari si David sa Israel(A)
11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. 2 Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” 3 Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
4 Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon 5 ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[a] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.
6 Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.
7 Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. 8 Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. 9 Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.
Ang Matatapang na Tauhan ni David(B)
10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[b] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[c] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.
15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[d] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[e] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.
22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[f] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
26 Ito ang matatapang na kawal:
si Asahel na kapatid ni Joab,
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,
27 si Shamot na taga-Haror,[g]
si Helez na taga-Pelon,
28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,
si Abiezer na taga-Anatot,
29 si Sibecai na taga-Husha,
si Ilai[h] na taga-Ahoa,
30 si Maharai na taga-Netofa,
si Heled[i] na anak ni Baana na taga-Netofa,
31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,
si Benaya na taga-Piraton,
32 si Hurai[j] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,
si Abiel[k] na taga-Arba,
33 si Azmavet na taga-Baharum,[l]
si Eliaba na taga-Shaalbon,
34 ang mga anak ni Hashem[m] na taga-Gizon,
si Jonatan na anak ni Shagee[n] na taga-Harar,
35 si Ahiam na anak ni Sacar[o] na taga-Harar,
si Elifal na anak ni Ur,
36 si Hefer na taga-Mekerat,
si Ahia na taga-Pelon,
37 si Hezro na taga-Carmel,
si Naarai[p] na anak ni Ezbai,
38 si Joel na kapatid ni Natan,
si Mibhar na anak ni Hagri,
39 si Zelek na taga-Ammon,
si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,
40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[q]
41 si Uria na Heteo,
si Zabad na anak ni Alai,
42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,
43 si Hanan na anak ni Maaca,
si Joshafat na taga-Mitna,
44 si Uzia na taga-Ashterot,
sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,
45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,
46 si Eliel, na taga-Mahav,
sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,
si Itma na taga-Moab,
47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.
Footnotes
- 11:5 Zion: Ito ang unang tawag sa Jerusalem.
- 11:11 tatlo: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint (tingnan din sa 2 Sam. 23:8). Sa Hebreo, 30.
- 11:12 Dodai: o, Dodo.
- 11:20 30: Ito ang nasa ibang mga tekstong Hebreo at Syriac, ngunit sa karamihan na teksto, tatlo.
- 11:21 30: sa Hebreo, tatlo. Tingnan sa talatang 25.
- 11:23 mabigat at makapal: sa literal, gaya ng panghabi ng manghahabi (sa Ingles, weaverʼs rod).
- 11:27 Shamot na taga-Haror: o, Shama na taga-Harod.
- 11:29 Ilai: o, Zalmon.
- 11:30 Heled: o, Heleb.
- 11:32 Hurai: o, Hudai.
- 11:32 Abiel: o, Abialbon.
- 11:33 Baharum: o, Bahurim.
- 11:34 Hashem: o, Jasen.
- 11:34 Shagee: o, Sama.
- 11:35 Sacar: o, Sharar.
- 11:37 Naarai: o, Paarai.
- 11:40 taga-Jatir: o, Angkan ni Itra.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®