1 Corinto 6
Ang Salita ng Diyos
Paghahabla ng Mananampalataya Laban sa Kapwa Mananampalataya
6 Ang isa sa inyo ay may isang bagay laban sa isa. Maglalakas loob ba siyang magsakdal sa harap ng isang hindi matuwid at hindi sa harap ng mga banal?
2 Ang mga banal ay hahatol sa sangkatauhan, hindi ba ninyo alam iyan? Yamang kayo ang hahatol sa sangkatauhan, hindi ba kayo karapat-dapat humatol sa maliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na ating hahatulan ang mga bagay sa buhayna ito? 4 Kapag may hahatulan kayo sa mga bagay sa buhay na ito, bakit ninyo pinahahatol sila na itinuturing na pinakamababa sa iglesiya?
5 Nagsasalita ako para mahiya kayo. Wala bang isa mang marunong sa inyo na makakapagpasiya sa pagitan ng kaniyang mga kapatid? 6 Ang nangyayari ay nagsasakdal ang isang kapatid laban sa kapatid, at ito ay sa harap ng hindi mananampalataya.
7 Tunay ngang may pagkakamali sa inyo dahil naghahablahan kayo sa isa’t isa. Bakit hindi na lang ninyo tanggaping ginawan kayo ng mali? Bakit hindi na lang ninyo tanggaping dinadaya kayo? 8 Hindi ninyo ito tinatanggap, sa halip, kayo ang gumagawa ng mali at nandaraya at ginagawa ninyo ito sa inyong kapatid.
9 Ang mga hindi matuwid ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. Hindi ba ninyo alam iyan? Huwag kayong magpadaya. Ang mga nakikiapid, ang mga sumasamba sa diyos-diyosan, ang mga mangangalunya, ang mga bakla, ang mga gumagamit sa kapwa lalaki ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 10 Maging ang mga magnanakaw, ang mga mapag-imbot, ang mga manginginom ng alak, ang mga mapanirang puri, ang mga sakim ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 11 Ganito ang ilan sa inyo, ngunit kayo ay nahugasan na, kayo ay pinabanal na. Kayo ay pinaging- matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Pakikiapid
12 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito.
13 Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain. Ang mga ito ay wawasakin ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan. 14 Ang Diyos, na nagbangon sa Panginoon, ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawingbahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na angisang nakikipag-isa sa patutot ay kaisang laman niya? Ito ay sapagkat sinabi nga niya: Ang dalawa ay magiging isang katawan. 17 Ngunit siya na nakikipag-isa sa Diyos ay isang espiritu.
18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan. Ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. 20 Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International