1 Corinto 6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid
6 Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? 2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? 4 Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? 5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? 6 Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! 7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? 8 Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo! 9 Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.
Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos
12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.