1 Corinto 6
Ang Biblia, 2001
Tungkol sa mga Usapin Laban sa Kapatid
6 Kapag ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa isang kapatid, mangangahas ba siyang magsakdal sa harapan ng mga masasama at hindi sa harapan ng mga banal?
2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, wala ba kayong kakayahang humatol sa napakaliliit na bagay?
3 Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito?
4 Kung kayo nga'y mayroong usapin tungkol sa mga bagay ng buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong maliit lamang ang pagkilala ng iglesya?
5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala bang kahit isa mang tao sa inyo na marunong na may kakayahang magpasiya sa kanyang mga kapatid,
6 kundi ang isang kapatid na nagdedemanda laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi mananampalataya?
7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't-isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi ninyo hayaan na lamang na kayo'y gawan ng masama? Bakit hindi na lamang kayo padaya?
8 Ngunit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya at ito'y sa inyong mga kapatid.
9 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki,
10 mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
11 At ganyan ang mga ilan sa inyo noon. Subalit nahugasan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos.
12 “Ang(A) lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;” ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid,” ngunit hindi ako paaalipin sa anuman.
13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan.
14 At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi(B) ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, “Ang dalawa ay magiging isang laman.”
17 Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya.
18 Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan.
19 O(C) hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili?
20 Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos.