Add parallel Print Page Options

Mga Kamanggagawa para sa Diyos

Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[a] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Footnotes

  1. 1 Corinto 3:22 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.